Halos 6 milyong katao, gumagamit ng pekeng PWD ID
Sandra Samala-Salem
October 11, 2026 at 8:54:13 AM
MANILA - Inilarawan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Fredderick Vida nitong Huwebes bilang “lubhang nakaaalarma (very alarming)” ang mga ulat na tinatayang 6 milyong katao ang gumagamit ng pekeng identification card (ID) para sa mga taong may kapansanan o persons with disability (PWD).
Naglabas ng pahayag si Vida matapos ibahagi ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang datos na nagpapakitang tinatayang 8.5 milyong katao ang gumagamit ng PWD ID, kumpara sa 2.8 milyong rehistradong PWD lamang sa bansa.
Nagbabala naman si DOJ Chief State Counsel Dennis Chan na maaaring kasuhan ng pamemeke ng mga pampublikong dokumento at estafa sa pamamagitan ng pagpapalsipika ang mga mapatutunayang gumagamit ng pekeng PWD ID.
Ayon kay Chan, maaari ring managot ang mga opisyal ng pamahalaang sangkot sa pag-isyu ng mga ID na ito, gayundin ang mga doktor na nagbigay ng mga pekeng sertipikong medikal.
Nilinaw ni Chan na hindi maaaring hilingin ng mga negosyo sa mga mamimili na ipa-verify muna ang kanilang PWD ID bago ibigay ang mga benepisyong nakalaan sa kanila.
Gayunman, maaari nilang ipasuri ang ID pagkatapos kung may pagdududa sa pagiging tunay nito, dagdag niya.
Ayon kay Vida, sinimulan na ang pagbuo ng sistemang magbibigay-daan sa beripikasyon ng mga PWD ID, ngunit maaaring abutin pa ng dalawa hanggang tatlong taon bago ito ganap na maipatupad.

