Halos 2.4 milyon, boboto sa unang parliamentary elections ng BARMM sa Setyembre 14
Sari Story
September 14, 2026 at 2:19:30 AM
Walongput (80) puwesto ang pupunan sa unang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Lunes, na itinuturing na mahalagang hakbang sa paglipat ng rehiyon tungo sa isang halal na parliament.
Sa 80 puwesto, 40 ang ilalaan sa Regional Parliamentary Political Party (RPPP), habang ang natitirang 40 ay binubuo ng 32 halal na parliamentary district representative at walong parliamentary sectoral representative.
Kabuuang 2,393,202 rehistradong botante ang boboto para sa tig-isang parliamentary district representative at parliamentary political party, gayundin sa anim na parliamentary sectoral organization na kumakatawan sa mga settler community, kababaihan, kabataan, ulama at mga tradisyonal na lider.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia, ang halalan ay pagpapatuloy ng matagal nang pakikibaka ng Bangsamoro para sa sariling pamamahala sa pamamagitan ng prosesong pangkapayapaan.
"Ang halalang ito ay nakaugat sa ilang henerasyon ng pakikibaka ng Bangsamoro para sa sariling lupain, pagkakakilanlan at sariling pagpapasya, sa harap ng pagkawala ng kanilang mga lupain, marginalisasyon, tunggalian at sakripisyo. Sa huli, nakahanap ang pakikibakang ito ng landas na pampulitika sa pamamagitan ng prosesong pangkapayapaan, na nagbuklod sa Bangsamoro at pambansang pamahalaan sa mahirap ngunit kinakailangang gawain ng pagbuo ng makabuluhang sariling pamamahala (These elections stand on generations of Bangsamoro struggle for homeland, identity and self-determination, in the face of dispossession, marginalization, conflict, and sacrifice. That struggle ultimately found a political path through the peace process, which bound both the Bangsamoro and the national government to the difficult but necessary work of building meaningful self-government)," ani Garcia sa isang pahayag nitong Linggo.
"Ang halalang haharapin natin ngayon ay magpapatuloy sa kasaysayang iyon: Ang mga institusyong nabuo mula sa pakikibaka, negosasyon at transisyon ay mapupunta na ngayon sa mga kamay ng mga kinatawang pinagkatiwalaan ng mandato ng mamamayan sa pamamagitan ng balota (The election before us carries that history forward: Institutions borne of struggle, negotiation and transition will now pass into the hands of representatives entrusted with the people's mandate through the ballot.)"
Nanawagan si Garcia sa mga botante, kandidato at partidong pulitikal na tumulong upang matiyak ang mapayapa at maayos na halalan.
"Hayaan nating malayang makaboto ang bawat botante nang walang pangamba, at nawa'y kumilos ang bawat kandidato at partidong pulitikal nang may pagpipigil, paggalang sa proseso, at sama-samang paninindigan na pangalagaan ang kaligtasan ng lahat (Let every voter cast their ballot freely and without fear, and may every candidate and political party conduct themselves with restraint, respect for the process, and a shared commitment to preserving the safety of all)," aniya.
Magsisimula ang botohan alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi. Bibigyan naman ng maagang oras ng pagboto mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng umaga ang mga senior citizen, buntis at persons with disabilities (PWDs). Maaari rin silang bumoto sa regular na oras kung hindi sila makakaboto sa itinakdang maagang oras.
Gagamitin sa halalan ang mga automated counting machine (ACM) na una nang ginamit noong midterm elections noong Mayo 2025.
Mga boluntaryo
Samantala, sinabi ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na magpapakalat ito ng humigit-kumulang 4,000 boluntaryo sa BARMM, kabilang ang nasa 1,000 na lalahok sa kanilang unofficial parallel count.
"Kasali rin kami sa RMA (Random Manual Audit) sa Davao. Mayroon kaming mga command center sa BARMM at mayroon ding isa sa PPCRV-AMA Command Center sa Makati City (We are also involved in the RMA (Random Manual Audit) in Davao. We have command centers in BARMM and also one in the PPCRV - AMA Command Center in Makati City)," ani Ana Singson, national communications director ng PPCRV, sa isang pahayag.
Isasagawa ng PPCRV ang unofficial parallel count nito mula Setyembre 17 hanggang 22.
Isyu sa vote-buying
Samantala, inatasan ng Comelec-Committee on Kontra Bigay ang dating chairperson at kandidato sa parliamentary district representative na si Sheriff Abas ng First District ng Cotabato City na magpaliwanag hinggil sa isang social media post na nag-uugnay sa kanya sa vote-buying.
Sa kautusang may petsang Setyembre 12, binigyan si Abas ng hindi na maaaring palawiging 24-oras na palugit mula sa pagtanggap ng show-cause order upang nakasulat na ipaliwanag "kung bakit hindi dapat magsampa laban sa kanya ng reklamo para sa election offense at/o petisyon para sa diskwalipikasyon."
Nag-ugat ang kaso sa isang post sa Facebook na nag-aakusa ng maagang vote-buying at nagpapakita ng sample ballot na may pangalan ni Abas, kasama ang tatlong tig-PHP1,000 na perang papel.

