Gusali sa Gaza, gumuho; 12 katao, patay
Sari Story
September 17, 2026 at 12:59:02 PM
Nagtipon-tipon ang mga tao habang nagsisikap ang mga tauhan ng Civil Defence na iligtas ang mga taong naipit sa ilalim ng gumuhong residential building sa Gaza City noong Setyembre 16, 2026. Ang gusali ay dati nang napinsala ng Israeli strike noong digmaan at tuluyang gumuho nitong Miyerkules.
Mahmoud Issa / Reuters
Puspusan ang paghahanap ng mga rescue worker sa Gaza sa isang apartment building na binomba at tuluyang gumuho nitong Miyerkules. Hindi bababa sa 12 Palestinian, kabilang ang limang bata, ang nasawi habang dose-dosenang iba pa ang pinaniniwalaang naipit sa ilalim ng mga guho.
Ipinapakita ng insidente ang patuloy na panganib na kinahaharap ng libo-libong Palestinian na naninirahan sa tinatayang 2,000 gusaling napinsala dahil sa mga airstrike ng Israel sa Gaza.
Ayon sa civil defense rescue workers, hindi bababa sa 12 katao, kabilang ang limang bata, ang namatay at 14 ang nasugatan nang gumuho ang pitong-palapag na gusali. Halos 100 katao pa ang pinaniniwalaang naipit sa ilalim ng mga guho.
Sa isang video na nakuha ng Reuters, makikitang sinisikap ng mga rescue worker na ilabas ang dalawang tao mula sa ilalim ng gumuhong pader. Sa isa pang video na kumalat sa social media, makikitang buhat ni Mahmoud Basal, tagapagsalita ng Gaza Civil Defense, ang isang batang babae na nakabalot sa scarf na may bahid ng dugo.
Sinabi ni Raed Al-Dahshan, direktor ng civil defense service sa Gaza City, na hindi bababa sa 10 pamilya ang nakatira sa gumuhong gusali at umaasa pa rin silang makahanap ng mga nakaligtas.
“Naririnig pa rin namin ang mga boses mula sa ilalim ng mga guho, kaya may pag-asa pa ring makahanap ng mga tao (We are still hearing voices from under the rubble, so there is still hope to find people),” sabi ni Dahshan.
Sinabi naman ni Alessandro Mrakic, pinuno ng tanggapan ng United Nations Development Programme (UNDP) sa Gaza, na nakikibahagi sa rescue operations ang mga rescue worker mula sa ilang ahensya ng United Nations. Aniya, mahirap ang operasyon dahil sa kakulangan ng angkop na makinarya. Nakikibahagi rin sa rescue efforts ang relief agency ng Egypt.
“Ang sitwasyon, gaya ng nakikita ninyo, ay napakalungkot dahil wala kaming mga kagamitan at makinaryang kinakailangan. Kaya may mga taong naghuhukay gamit lamang ang kanilang mga kamay. Kailangan nating maghanda (para sa mas marami pang pagkamatay) (The situation, as you see, is tragic because we don't have the equipment and machinery that is needed. So there are actually people that are digging with their bare hands. We need to prepare (for more deaths),” sabi ni Mrakic.
“May tinatayang 400 gusali na nanganganib gumuho. At alam nating guguho ang mga gusaling ito, lalo na ngayon na paparating ang taglamig (There are approximately 400 buildings at risk of collapse. And we know that these buildings will collapse, especially now with the upcoming winter),” dagdag niya.
Sinisisi ng mga opisyal ng Palestine at United Nations ang mga paghihigpit ng Israel sa Gaza sa kakulangan ng heavy machinery sa teritoryo. Ayon naman sa Israel, layunin ng mga restriksyon nitong pigilan ang mga militanteng grupo na magkaroon ng access sa naturang kagamitan.
Ang opensiba ng Israel sa Gaza—na inilunsad matapos ang nakamamatay na pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 2023—ay nagdulot ng tinatayang 61 milyong tonelada ng mga guho at debris, na maaaring abutin ng pitong taon upang malinis, ayon sa United Nations.
Nagbabala si Dahshan sa mga residente na lumayo sa mga nasirang gusali dahil sa panganib na gumuho ang mga ito. Ayon sa lokal na rescue service, humigit-kumulang 2,000 nasirang gusali ang tinitirhan pa rin ng mga pamilya.
“Dahil limitado ang mga lugar na maaaring pagkanlungan, napilitan ang mga residente na lumipat sa gusaling ito dahil inakala nilang ligtas ito. Ngunit sa isang pagkakataon, tuluyan itong gumuho at malagim na bumagsak sa mga taong natutulog (The limited availability of shelter options forced residents to move into this building, believing it was safe. However, at one point it collapsed entirely, tragically crashing down on people as they slept),” sabi ni Dahshan.
Maraming pamilya ang nagsabi sa Reuters nitong mga nakaraang buwan na napilitan silang tumira sa mga gusaling bahagyang nasira upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa malalakas na hangin at ulan, gayundin dahil sa kakulangan ng mga bagong tent para sa mga nawalan ng tirahan.
Noong Oktubre 2025, isang ceasefire na sinuportahan ng Estados Unidos ang nagpahinto sa malawakang labanan sa Gaza, ngunit hindi nito tuluyang napigilan ang mga pag-atake ng Israel. Kaunti rin ang naging progreso sa mga hakbang tungo sa permanenteng kapayapaan.
Inakusahan ng Hamas ang Israel ng paglabag sa ceasefire at pagsira sa mga pagsisikap na ipatupad ang mas malawak na plano ni U.S. President Donald Trump upang wakasan ang labanan sa Gaza. Kabilang sa plano ang pag-alis ng mga puwersang Israeli sa Gaza Strip at pag-disarma sa Hamas.
Ayon naman sa Israel, nilalabag ng Hamas ang kasunduan.
Mahigit 1,300 Palestinian na ang napatay sa Gaza, karamihan ay mga sibilyan, mula nang ipatupad ang ceasefire, ayon sa mga health official sa teritoryo. Samantala, sinabi ng militar ng Israel na apat na sundalong Israeli ang napatay.
Hindi karaniwang naglalabas ang Hamas ng impormasyon tungkol sa bilang ng mga namatay sa kanilang mga mandirigma.

