Francis Halzen, nagwagi ng 2026 Nobel Prize sa Pisika matapos matuklasan ang ‘ghost particle’
Sandra Samala-Salem
October 7, 2026 at 11:27:02 AM
Ang Belgian-American na pisikong si Francis Halzen ay nagwagi ng 2026 Nobel Prize sa Pisika para sa kanyang mahusay na pagbuo ng isang obserbatoryo na ginagamit upang tuklasin ang ilan sa pinakamahirap matukoy na partikulo sa buong kalawakan, ang high-energy neutrino, at pag-aaral kung paano nabubuo ang mga ito.
Napagtanto ni Halzen na maaaring gamitin ang yelo sa South Pole upang masubaybayan ang mga neutrino, na tinatawag ding mga “ghost particle” dahil nakalulusot ang mga ito sa mundo at katawan ng tao nang walang bakas at napakadalang lamang makipag-ugnayan sa matter.
“Ang mga mensahero ay nagdadala ng impormasyon mula sa kalawakan (The messengers bring information from the cosmos),” sinabi ni Eva Olsson ng Royal Swedish Academy of Sciences sa isang pagpupulong ng midya. “Binubuksan nila ang pinto patungo sa malalayong galaxy at sinasabi sa atin ang tungkol sa mga prosesong nagaganap sa sumasabog na mga bituin "(They open the door to distant galaxies and tell us about the processes of exploding stars).”
HALZEN, PINURI SA PAGTUKLAS SA ‘MGA MENSAHERO MULA SA KALAWAKAN’
Ang mga interaksyon ng neutrino na nakalap ng IceCube observatory sa Antarctica ay nagbibigay sa mga mananaliksik ng kaalaman kung paano nabubuo ang high-energy neutrino, at maaaring makatulong pa sa pagtuklas ng mga dati nang hindi pa kilalang mga pangyayari sa mundo, ayon sa ahensiya.
“Pinangunahan ni Francis Halzen ang isang pandaigdigang pangkat ng mga mananaliksik at inhinyero na nagbigay sa atin ng isang kahanga-hangang instrumento (Francis Halzen has led an international team of researchers and engineers who have provided us with a fantastic instrument),” ayon kay Mark Pearce, pinuno ng Nobel Committee sa Pisika, sa isang pahayag.
“Ang kanyang tiyaga at pananaw sa agham ay nagbigay-daan sa isang bagong uri ng astronomiya (His tenacity and scientific vision has paved the way for a new kind of astronomy).”
Noong 2014, tinawag ng Smithsonian magazine na nakabase sa United States si Halzen na “Neutrino Man” nang igawad sa kanya ang isa sa mga Ingenuity Awards nito, bilang pagkilala sa kanyang “kamangha-manghang eksperimento na nagbabadya ng pagsisimula ng bagong panahon sa astronomiya (amazing experiment that heralds the beginning of a new era in astronomy).”
Naglabas din ang magasin ng komiks tungkol sa kanyang buhay na pinamagatang “How One Physicist’s Pursuit of the Cosmos Took Off in Antarctica.”
Pinipili ng Royal Swedish Academy of Sciences ang mga nagwagi ng Nobel Prize sa Physics, kung saan makakatanggap ang mga ito ng kabuuang premyong 12 milyong Swedish crowns ($1.2 milyon), na siyang paghahatian kung sakaling higit sa isa ang nagwagi.
Itinatag ang Nobel Prizes batay sa testamento ng Swedish inventor at negosyanteng si Alfred Nobel, na nakamit ang bahagi ng kanyang yaman mula sa pag-imbento ng dinamita. Unang iginawad ang mga parangal noong 1901 at kinikilala nito ang mga natatanging ambag sa agham, literatura at kapayapaan. Kalaunan, idinagdag ang parangal sa ekonomiks ng central bank ng Sweden.
MGA NAGWAGI MULA KINA EINSTEIN, BOHR AT MGA CURIE
Malaking bahagi ang pisika sa testamento ni Nobel, at nananatiling isa ang naturang parangal sa pinakamataas na pagkilala sa larangan. Sa paglipas ng mga dekada, kinilala nito ang mga tuklas na lubos na nagpabago sa pag-unawa ng sangkatauhan sa sangkalupaan.
Kabilang sa mga dating nagwagi ang ilan sa pinaka kilalang personalidad sa agham, kabilang sina Albert Einstein, Marie at Pierre Curie, Max Planck at Niels Bohr, na ang mga pananaliksik ay nakatulong sa pagtatatag ng pundasyon ng makabagong pisika.
Noong nakaraang taon, iginawad ang Nobel Prize sa Pisika sa mga siyentistang nakabase sa Estados Unidos na sina John Clarke, Michel Devoret at John Martinis para sa kanilang mga eksperimento na nagpakita sa aktwal na paggana ng mga prinsipyo ng pisika ng quantum. Nakikitang makatutulong ang kanilang pananaliksik sa pagsulong ng susunod na henerasyon ng teknolohiyang pang kompyutasyon at iba pang digital na teknolohiya.
Ang parangal ang ikalawa sa Nobel Prizes ngayong taon na inanunsyo, kasunod ng Nobel Prize sa Medisina noong Lunes. Ang Nobel Prize sa Kimika naman ay iaanunsyo sa Miyerkules.
Iginagawad ni King Carl XVI Gustaf ng Sweden sa isang seremonya sa Stockholm ang Nobel medals sa mga nagwagi tuwing Disyembre 10, anibersaryo ng pagkamatay ni Alfred Nobel, na sinusundan naman ng isang engrandeng piging sa Stockholm City Hall.
Ang Nobel Peace Prize, ang tanging Nobel Prize na hindi iginagawad sa Sweden dahil hiwalay na ipinagkakaloob ito sa Oslo.
($1 = 10.0329 Swedish crowns)

