top of page

France, naghahanda sa panibagong protesta; gobyerno, nagbabala ng mahigpit na aksiyon

Dominique Vidalon /Noemie Olive; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 1, 2026 at 4:34:04 AM

Larawan ng  Arc de Triomphe

Nakapuwesto ang mga sasakyan ng French Gendarmerie sa harap ng Arc de Triomphe sa Paris, France, noong Oktubre 31, 2026, kasabay ng demonstrasyon na inorganisa ng mga unyon ng manggagawa bilang bahagi ng mga protesta sa buong bansa. Nakiisa rin sa pagkilos na pinangunahan ng kilusang "Yellow Vest" ang mga mag-aaral sa high school at unibersidad upang tutulan ang mataas na gastusin sa pamumuhay at pagtaas ng presyo ng gasolina.

REUTERS/Pedro Nunes

PARIS — Nagpakalat ang France ng nasa 70,000 pulis upang mapigilan ang inaasahang panibagong kaguluhan nitong Sabado, kasabay ng mga protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, problema sa mga serbisyong pampubliko, at pagtutol sa pamahalaan ni Pangulong Emmanuel Macron.


Nakatakda ang mga demonstrasyon sa araw ng Halloween, dalawang linggo matapos ang mga riot at pagnanakaw na ikinagulat ng mga puwersang panseguridad at nag-iwan ng mga sirang tindahan, gusaling pampubliko, at negosyo sa iba’t ibang lungsod sa France. Nangako si Interior Minister Laurent Nunez na hindi na mauulit ang ganitong kaguluhan.


"Nakahanda ang lahat upang matiyak na magiging napakahigpit ng pagtugon sa anumang kaguluhan (Everyone is on deck to ensure an extremely firm response to any trouble),” pahayag ni Nunez sa isang news conference nitong unang bahagi ng linggo. Inilahad din niya ang mga detalye ng mga hakbang pangseguridad para sa araw na inaasahang magkakaroon ng "napakataas na panganib  (a very high risk)" ng kaguluhan.


Kinumpirma naman ng pinakamataas na administratibong hukuman ng France nitong Sabado ang pagbabawal sa isang martsa sa pagitan ng mga tanyag na plasa ng Republique at Bastille sa Paris, matapos nitong tanggihan ang apela ng mga unyon. Sa halip, sa mga boulevard sa silangang bahagi ng lungsod, malayo sa mga pangunahing pamilihan sa sentro ng Paris, kailangang isagawa ang mga demonstrasyon.


Nagbabantay rin ang mga awtoridad sa posibilidad na gamitin ng mga manggugulo ang mga maskara sa Halloween upang itago ang kanilang pagkakakilanlan. Ayon kay Nunez, pinahihintulutan na ng umiiral na batas ang mga pulis na ipagbawal ang pagtatakip sa mukha kapag nanganganib ang kaayusang pampubliko.


Ayon sa Interior Ministry, nasa 150 pagtitipon ang nakatakdang isagawa sa iba’t ibang bahagi ng France.


Pinayuhan naman ng Embahada ng Estados Unidos ang mga biyahero na iwasan ang mga lugar kung saan nakatakda ang mga demonstrasyon o malalaking pagtitipon.


Lalong lumawak ang mga protesta noong huling bahagi ng Setyembre, kasabay ng pagsisimula ng pamahalaang minorya ni Macron ng mga pag-uusap hinggil sa 2027 budget. Dahil papalapit na sa 120 porsiyento ng kabuuang produksiyon ng ekonomiya ang utang ng bansa at patuloy na tumataas ang gastos sa pangungutang, nahaharap ang pamahalaan sa matinding pressure na bawasan ang paggasta, na lalong nagpapaliit sa kakayahan nitong magpatupad ng iba pang hakbang.


Nakiisa sa mga protesta ang mga unyon matapos pangunahan ito ng mga estudyanteng nagagalit sa lumalalang kalagayan ng maraming paaralan, siksikang mga silid-aralan, at sistema ng pagpasok sa mga unibersidad na malawakang itinuturing na hindi patas. Kabilang din sa mga nagpoprotesta ang muling lumalakas na kilusang "Yellow Vest," na nananawagan ng mga hakbang upang maibsan ang bigat ng gastusin sa pamumuhay.


LUMALAWAK ANG MGA PROTESTA SA EUROPA


Naging inspirasyon ang mga protesta sa France ng mga pagkilos na pinangungunahan ng kabataan sa iba’t ibang bahagi ng Europa. Nakatakda ring magsagawa ng mga demonstrasyon sa mahigit 30 lungsod sa Germany nitong Sabado.


Hindi naging sapat ang mga pangako ng pamahalaang Pranses na repormahin ang sistema ng edukasyon at pagaanin ang gastos sa gasolina upang mapahupa ang galit ng publiko.


"Noong bata pa ako, sinasabi sa akin na ang kabataan ang kinabukasan (When I was little, I was told young people were the future),” pahayag ni Aaron Berthier de Grandry, 15-anyos na mag-aaral sa high school sa Nogent-sur-Marne, isang suburb ng Paris, na planong makiisa sa ikatlong sunod na linggo ng mga protesta.


"Kung gayon, kung kaming mga kabataan na siyang kinabukasan ng France ay walang sapat na mga mapagkukunan, nangangahulugan itong tuluyang babagsak ang France (Well, if we, as the future of France, lack resources, that means France will end up collapsing).”


Nakatulong ang kaguluhan upang lumakas ang posisyon sa pulitika ng lider ng dulong kanan na si Marine Le Pen, na nangunguna sa mga survey ng opinyon publiko bago ang halalan sa pagkapangulo sa Abril. Samantala, nananatiling watak-watak ang mga posibleng hahalili kay Macron mula sa sentrong pampulitikang hanay.


Dagdag na dagok ang mga kaguluhan sa ekonomiya ng France, na ayon sa datos na inilabas nitong Biyernes ay lumiliit na noong ikatlong quarter ng taon.


Tinataya ng Chamber of Commerce na lumampas na sa €1 bilyon ($1.1 bilyon) ang pagkalugi ng mga retailer. Ayon naman sa iba pang pagtataya, doble pa rito ang kabuuang pinsala kapag isinama ang mga pinsalang hindi nakaseguro at nawalang kita.


Sa mga pangunahing shopping boulevard sa Paris, nagliliwanag na ang mga ilaw para sa Pasko habang napapalibutan ng mga tabla ang mga bintana ng mga tindahan at may nakakabit na mga rehas na pangseguridad. Kabilang sa mga tindahang pinuntirya sa mga nagdaang kaguluhan ang mga outlet ng mga luxury brand na Hermes, Louis Vuitton, at Burberry.


Itinutulak naman ng pamahalaan ang pagpapatupad ng isang kontrobersiyal na batas na nag-aatas sa mga manggugulo na magbayad ng hanggang €10,000 para sa mga pinsalang sila mismo ang gumawa o nagawa ng mga grupong kinabibilangan umano nila. Ayon sa mga grupong nagtatanggol sa karapatang pantao at ilang abogado, nanganganib na malimitahan ng naturang hakbang ang karapatan ng publiko na magsagawa ng mapayapang protesta.


Iniulat nina Noemie Olive, Dominique Vidalon, Alessandro Parodi, Inti Landauro at Michel Rose; isinulat ni Mark John; inedit nina Ros Russell at Susan Fenton.



bottom of page