top of page

EXPLAINER: Paano maaaring maging banta ang oil spill sa baybayin ng UAE sa mga desalination plant?

Reuters / Federico Maccioni; Isinalin ng Sari Story Network

October 30, 2026 at 1:24:31 AM

Larawan ng langis sa baybayin

FILE PHOTO: Tanaw ang kumalat na langis mula sa isang nasirang tanker sa baybayin ng United Arab Emirates, sa Ras Al Khaimah, UAE, noong Oktubre 26, 2026.

Reuters

Nagdulot ng pangamba ng posibleng environmental contamination ang oil spill sa baybayin ng United Arab Emirates (UAE), na una nang nagresulta sa pansamantalang pagbabawal sa pangingisda at pagpasok sa ilang beach. Dahil dito, lumitaw ang mga katanungan tungkol sa posibleng epekto ng oil spill sa mga desalination plant o pasilidad na nagpoproseso ng tubig-dagat upang maging malinis at maiinom na tubig.


ANO ANG MGA PANGUNAHING PANGAMBA SA KAPALIGIRAN?

Nagmula ang oil spill sa isang barko na kinilala ng mga shipping source bilang oil tanker na Gem No. 2. Anila, tinamaan ito ng hindi pa nakikilalang projectile noong nakaraang buwan, may 13 nautical miles sa kanluran ng Al Jazeera, sa emirate ng Ras Al Khaimah.


May ilang residente sa hilagang bahagi ng UAE na nag-post sa social media tungkol sa kakaibang amoy sa kanilang lugar. Gayunman, sinabi ng mga awtoridad noong nakaraang linggo na hindi ito nagdudulot ng panganib sa kalusugan.


Noong Miyerkules, ang Sharjah ang pinakahuling emirate na nag-utos ng pagsasara sa lahat ng beach bilang pag-iingat.


Lalo pang tumindi ang pangamba sa posibleng epekto sa kapaligiran ng digmaan sa pagitan ng Estados Unidos, Israel at Iran matapos ang sunod-sunod na pag-atake sa mga komersiyal na barko.


Nagbunsod din ang insidente sa baybayin ng UAE ng mga katanungan tungkol sa posibleng epekto ng oil spill sa mga desalination plant na matatagpuan sa kahabaan ng baybayin ng bansa. Tulad ng ibang mga bansa sa Gulf region, mahalaga ang mga pasilidad na ito bilang pinagkukunan ng tubig.


Sa UAE, mahigit 80 porsiyento ng iniinom na tubig ay nagmumula sa desalination. Kabilang sa mga pangunahing pasilidad ang mga planta sa Jebel Ali industrial port sa Dubai at Taweelah, sa pagitan ng Abu Dhabi at Dubai.


Nauna nang naharap sa banta ng direktang pag-atake ang mga desalination plant sa Gulf region noong labanan sa unang bahagi ng taong ito.


Ayon sa maritime intelligence firm na Windward nitong Linggo, nanganganib ang seawater intake ng Naqa'a desalination plant sa hangganan ng Umm Al Quwain at Ras Al Khaimah dahil sa tumatagas na langis.


Ipinakita naman sa video na beripikado ng Reuters na umabot na ang oil slick o kumalat na langis sa isang lugar sa Ras Al Khaimah na humigit-kumulang dalawang kilometro ang layo mula sa planta.


Sinabi ng mga eksperto sa tubig sa Reuters na mahirap pang matukoy sa ngayon ang posibleng epekto nito sa mga desalination plant hangga't walang sapat na impormasyon tungkol sa lawak ng oil spill. Sa ngayon, wala pang inanunsiyong pagsasara ng anumang desalination plant sa UAE.


Hindi agad tumugon sa mga kahilingan para sa komento ang UAE Ministry of Climate Change and Environment, Ras Al Khaimah Media Office at ang Naqa'a plant.


GAANO KALAKI ANG PANGANIB NA DULOT NG OIL SPILL?


Maaaring makaapekto sa kapaligiran ang anumang oil spill, ngunit nakadepende ang lawak ng pinsala sa uri at dami ng langis na tumagas, ayon kay Simon Boxall, senior lecturer sa University of Southampton.


Sinabi niyang makatutulong ang satellite technology upang matukoy ang mga oil slick na lumulutang sa ibabaw ng dagat, ngunit hindi nito naipapakita kung gaano kakapal ang kumalat na langis.


“Likas na produkto ang crude oil. Kaya naman, kusang mabubulok o mawawala ang crude oil sa kapaligirang pandagat, lalo na sa maiinit na tubig gaya ng sa Gulf, sa loob lamang ng ilang linggo (Crude oil in particular is a natural product. And so crude oil will break down in the marine environment, particularly in the warm waters such as the Gulf, within a matter of a few weeks), aniya.


“Malinaw na mas maraming langis ang taglay ng mas makapal na oil spill. Kapag umabot ito sa mga beach at sa kapaligirang pandagat, maging sa dagat, ilalim ng dagat at baybayin, mas malaki ang posibilidad na magdulot ito ng pinsala. Kalaunan ay mabubulok din ito, ngunit mangangailangan iyon ng panahon (A thicker spill obviously carries more oil, and when it hits the beaches, when it hits the marine environment, both at sea, on the seabed, and on the coast, then it has a potential to cause more damage. It will eventually break down, but that does take time),” dagdag niya.


ANO ANG POSIBLENG BANTA NITO SA MGA DESALINATION PLANT?


Ayon kay Boxall, kailangang agad na ihinto ang operasyon ng mga desalination plant kapag napalapit na sa mga ito ang langis upang maiwasan ang kontaminasyon.


Sinabi naman ni Nidal Hilal, direktor ng Water Research Center ng New York University Abu Dhabi, na maaaring malagay sa panganib ang mga desalination plant kahit hindi direktang makarating ang langis sa mismong pasilidad. Ang pangunahing bahagi na madaling maapektuhan ay ang seawater intake, na sumisipsip ng hilaw na tubig-dagat papasok sa pasilidad upang iproseso at linisin.


“Para sa UAE, kung saan mahalagang bahagi ng seguridad sa suplay ng maiinom na tubig ang desalination, ang pangunahing pangamba ay kung makararating ang langis sa mga seawater intake at maaapektuhan ang proseso ng paglilinis ng tubig (For the UAE, where desalination is a cornerstone of drinking-water security, a key concern is whether the oil could reach seawater intakes and compromise the treatment process),” sabi niya sa Reuters.


Binigyang-diin din niya na mahalagang pag-ibahin ang banta sa kalidad ng tubig, pansamantalang paghinto ng operasyon ng planta at aktuwal na pisikal na pinsala sa pasilidad.


ANO ANG MAAARING GAWIN UPANG MAIWASAN ANG PINSALA AT GAANO KATAGAL ANG PAGKUKUMPUNI?


Ang pinakamabisang hakbang ay ang pagtatatag ng ilang antas ng proteksiyon sa halip na umasa lamang sa iisang paraan ng pag-iwas sa pinsala.


“Para sa kasalukuyang insidente, dapat unahin ang pagpigil na makarating ang langis sa mga seawater intake ng mga desalination plant, pagprotekta sa mga kagamitan sa paglilinis ng tubig, at pagpapanatili ng ligtas at maaasahang suplay ng maiinom na tubig (For the current incident, the priorities should be to prevent oil from reaching desalination intakes, protect treatment equipment, and maintain a safe and reliable drinking-water supply),” ayon kay Hilal.


Sinabi rin niyang nakadepende ang tagal ng rehabilitasyon sa kung nakapasok na sa planta ang kontaminadong tubig-dagat at kung nagdulot ang insidente ng matagalang pag-ipon ng dumi o pagkasira ng mga kagamitan. Kabilang din sa mga salik na maaaring makaapekto rito ang disenyo ng planta at ang uri at dami ng tumagas na langis.


MAY MGA KAHALINTULAD NA INSIDENTE NA BA NOON?


Ayon kay Hilal, ipinakita ng mga teknikal na pag-aaral at mga naunang insidente na maaaring makagambala sa operasyon ng mga desalination plant ang kontaminasyon ng langis at maging sanhi ng pagkasira ng mga kagamitan sa paglilinis ng tubig.


Noong 1991, sa panahon ng Gulf War, nagkaroon ng malaking oil spill na naging isa sa pinakamalalaking insidente ng ganitong uri sa kasaysayan. Dahil dito, napilitang isara pansamantala ang ilang desalination plant sa Saudi Arabia at Kuwait, habang nagkaroon din ng malawakang kontaminasyon sa mga baybayin.


“Makaraan ang ilang dekada, nararanasan pa rin natin ang mga problemang dulot ng polusyon mula sa insidenteng iyon (Decades on, we are still seeing problems with pollution from that particular incident),” saad ni Boxall.


Gayunman, sinabi niyang mas malaki ang oil spill noong 1991 at ang naganap sa Gulf of Mexico noong 2010 kumpara sa kasalukuyang insidente sa UAE. Binigyang-diin niyang hindi pa maituturing na kasinglaki ng mga naunang insidente ang oil spill sa UAE.


bottom of page