top of page

EXPLAINER: Bakit lumalala ang haze sa Timog-Silangang Asya ngayong taon

Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 16, 2026 at 5:07:31 AM

Larawan ng babaeng tumatakbo

Isang babae ang tumatakbo habang nababalot ng haze mula sa mga sunog sa kagubatan ang lugar sa Palangka Raya, lalawigan ng Central Kalimantan, Indonesia, Oktubre 15, 2026.

Reuters / Arief Rahman

Dahil sa ilang buwang sunog sa kagubatan sa Indonesia, dumami ang mga kaso ng sakit sa paghinga at nabalot ng mapanganib na haze ang ilang bansa sa Timog-Silangang Asya, kabilang ang Singapore at Malaysia na matinding naapektuhan nitong nakaraang linggo.


Lalong tumindi ang tensiyon sa rehiyon dahil sa polusyon, kung saan kinukuwestiyon ng mga opisyal ang pagtugon ng Jakarta sa mga sunog at ang pag-aatubili nitong tumanggap ng tulong mula sa mga karatig-bansa.


ANO ANG PINAGMUMULAN NG HAZE?


Binubuo ang haze ng usok at mga gas mula sa mga sunog sa kagubatan at mga lupang pit sa Indonesia, partikular sa mga isla ng Borneo at Sumatra.


May malalawak na kagubatan at lupang peatt sa mga islang ito na madaling magliyab tuwing tagtuyot, na karaniwang tumatagal mula Abril hanggang Oktubre.


Nakaaapekto rin sa rehiyon ang matinding kondisyon ng panahon na tinatawag na “super El Niño,” na nagdudulot ng mas mataas na temperatura at mas tuyong kapaligiran, dahilan upang mas mabilis na kumalat ang mga sunog sa kagubatan.


Noong 2015 huling nakaranas ang Indonesia ng ganito katitinding sunog, nang maranasan din nito ang kaparehong matinding kondisyon ng El Niño.


GAANO KALAKI ANG PINSALANG IDINULOT NG MGA SUNOG?


Hindi pa ina-update ang opisyal na datos tungkol sa lawak ng lupang nasunog mula noong Hulyo, nang umabot sa 202,000 ektarya ang napinsala.


Gayunman, ayon sa grupong pangkalikasan na Auriga, mahigit 637,000 ektarya ang napinsala mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, katumbas ng siyam na beses ng lawak ng Singapore.


Mas mataas naman ang pagtataya ng Nusantara Atlas, isang organisasyong sumusubaybay sa pagkakalbo ng kagubatan, na nagsabing halos 900,000 ektarya na ang napinsala.


GAANO KALALA ANG HAZE?


Pinakamataas sa buong mundo sa loob ng isang buwan ang mga emisyon mula sa mga sunog sa Indonesia, na bumubuo sa halos kalahati ng kabuuang emisyon sa buong mundo nitong nakaraang pitong araw, ayon sa datos ng Fire Emissions Watch, isang portal na binuo ng serbisyong Copernicus ng European Union na sumusubaybay sa klima.


Ipinakita ng air pollution index ng Indonesia na lumampas sa 1,000 ang antas ng polusyon sa ilang lugar sa Borneo at Sumatra, samantalang itinuturing nang mapanganib ang mga reading na 300 pataas.


Sa Singapore, umabot sa pinakamataas na 284 micrograms kada metro kubiko ang isang-oras na reading ng PM2.5 sa kanlurang bahagi ng bansa noong Miyerkules, na pumasok sa kategoryang “very high” ng National Environment Agency sa unang pagkakataon ngayong taon.


Ayon sa datos ng Health Ministry, umakyat sa 283,270 ang mga kaso ng sakit sa paghinga na iniugnay sa mga sunog sa pitong probinsiya lamang ng Indonesia noong Oktubre 13, mahigit doble sa 113,336 na naitala noong Setyembre 9.


Napilitang magsara ang maraming paaralan sa Indonesia, kalapit na East Timor at ilang estado sa Malaysia dahil sa haze.


Naapektuhan din ang halos 2,000 flight sa Indonesia mula Agosto 11 hanggang Oktubre 12.


ANO ANG GINAGAWA NG INDONESIA UPANG MASUGPO ANG MGA SUNOG?


Ayon sa Jakarta, ginagawa nito ang lahat ng makakaya upang makontrol ang mga sunog.


Mahigit 60,000 tauhan ang itinalaga upang apulahin ang mga sunog, habang nasa 50 sasakyang panghimpapawid naman ang ginagamit sa pagbomba ng tubig at cloud seeding o pagpapakawala ng mga sangkap sa ulap upang pasiglahin ang pag-ulan.


Plano rin ng Indonesia na magdagdag ng mga forest ranger upang maiwasan ang mga sunog at nangakong ibabalik sa maayos na kondisyon ang mga ecosystem ng lupang pit, kung saan maaaring patuloy na umusok at magliyab ang apoy sa ilalim ng lupa sa mahabang panahon kahit mababa ang temperatura.


Ayon sa pamahalaan, pinaghigpitan nito ang mga negosyong lumalabag sa batas at ang paggamit ng apoy sa paglilinis ng lupang sakahan.


Sinabi naman ng mga opisyal ng pulisya na maaaring papanagutin ang 223 indibidwal at siyam na kumpanya dahil sa pagkakasangkot sa pagsisimula ng mga sunog sa kagubatan.


BAKIT BINABATIKOS ANG INDONESIA?


Lalo pang tumitindi ang pandaigdigang pressure sa Jakarta upang paigtingin ang mga hakbang nito laban sa mga sunog, bago man o matapos magsimula ang mga ito.


Hindi tuluyang napigilan ng kampanya laban sa paggamit ng apoy sa paglilinis ng lupa ang ganitong gawain.


Nagpapataas din sa panganib ng sunog ang mabilis na pagkalbo sa kagubatan upang magbigay-daan sa pagpapalawak ng mga pananim, lalo na ang palm oil. Nauubos nito ang mga pinagmumulan ng tubig sa ilalim ng lupa at natutuyo ang lupa.


Kinukuwestiyon din ang pag-aatubili ng Jakarta na ideklara ang sitwasyon bilang isang pambansang kalamidad, na magbibigay-daan sa mas mabilis na pagpapakilos ng mga kinakailangang kagamitan at tauhan.


Hindi pa rin tinatanggap ng Indonesia ang mga alok na tulong mula sa Malaysia at Singapore.


GAANO KATAGAL ANG MGA SUNOG AT ANG HAZE?


Ayon sa mga awtoridad ng Indonesia, sa kabila ng kanilang pagsisikap, makokontrol lamang ang sitwasyon kapag nagkaroon ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa rehiyon.


Mas maagang nagsimula ang tagtuyot ngayong taon at mas matagal ito kaysa karaniwan.


Karaniwang nagsisimula ang pag-ulan tuwing Oktubre, ngunit ayon sa mga pagtataya, maaantala ito hanggang Nobyembre.


Inaasahang magpapatuloy ang mga epekto ng El Niño hanggang sa unang quarter ng 2027, ngunit makatutulong ang nalalapit na panahon ng tag-ulan upang mabawasan ang epekto ng mga sunog, ayon sa ahensiya ng meteorolohiya ng Indonesia.


bottom of page