top of page

EU, planong maglaan ng €50 bilyong pondo para sa pagpapaunlad ng quantum technology

Foo Yun Chee at Charlotte Van Campenhout/Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network

November 27, 2026 at 11:50:22 AM

Larawan ng executive vice-president ng European Commission

Nagsagawa ng press conference si European Commission Executive Vice-President Henna Virkkunen hinggil sa pagpapalakas ng Frontex at digitalisasyon ng proseso ng pagpapabalik sa mga migrante sa Brussels, Belgium, noong Oktubre 27, 2026.

Yves Herman / Reuters

Iminungkahi nitong Miyerkules ng European Commission ang pagbuo ng €50 bilyon ($54.73 bilyon) na equity financing fund, kasama ang iba pang hakbang upang bigyang-priyoridad ang mga kompanyang Europeo sa mga proseso ng bidding para sa procurement at gawing pandaigdigang lider ang Europa sa quantum technology pagsapit ng 2030.


Layunin ng panukalang Quantum Act na mabawasan ang pagdepende ng Europa sa mga bansang hindi kasapi ng European Union (EU), dahil nahuhuli ito sa Estados Unidos at China sa pagpapaunlad ng artificial intelligence (AI), chips, at cloud computing.


Inihain din ang panukala sa gitna ng mga pangamba sa kakayahan ng mga kompanyang Amerikano na gumamit ng tinatawag na “kill switches” o mga mekanismong maaaring pumigil sa paggana ng kanilang mga produkto sa Europa. Dahil dito, pinaigting ng EU ang pagsisikap nitong bumuo ng sariling mga produkto at serbisyo.


“Huhubugin ng mga quantum technology ang kinabukasan ng industriya, seguridad, at inobasyon, at magkakaroon ang mga ito ng malaking epekto sa ating mga lipunan. Kailangang bilisan na ng Europa ang pagkilos nito (Quantum technologies will shape the future of industry, security and innovation, and they will have a profound impact on our societies. Europe needs to accelerate now),” pahayag ni Henna Virkkunen, pinuno ng EU sa larangan ng teknolohiya.


Kailangan pang talakayin at plantsahin ang mga detalye ng panukalang batas kasama ang mga bansang kasapi ng EU at ang European Parliament sa mga susunod na buwan bago ito ganap na maging batas.


Ayon sa European Commission, humigit-kumulang isang-katlo ng mga kompanyang nakatuon sa quantum technology sa buong mundo ang nakabase sa EU. Umabot sa €8.6 bilyon ang pampublikong pondo para sa quantum technology noong nakaraang taon, kumpara sa €5.3 bilyon sa Estados Unidos at €13.6 bilyon sa China.


Gayunman, nahuhuli ang Europa sa pribadong pagpopondo para sa mga quantum startup, na umabot lamang sa €1.1 bilyon kumpara sa €7 bilyon ng Estados Unidos.


“Dahil sa posibleng epekto ng mga quantum technology sa seguridad, mga estratehikong interes, at kasarinlan ng EU sa larangan ng teknolohiya, kinakailangang limitahan ang mga proseso ng procurement sa mga produkto, sistema, at serbisyong ibinibigay ng mga entidad na nasa ilalim ng kontrol ng EU (Given the possible impact of quantum technologies for security and the Union's strategic interests and technological autonomy, it is necessary to restrict procurement procedures to products, systems and services that are provided by Union controlled entities),” nakasaad sa panukalang batas.


Nakasaad din sa panukala na maaaring lumahok sa bidding ang mga entidad mula sa mga bansang hindi kasapi ng EU na may kasunduan dito batay sa pagtutumbasan ng mga benepisyo.


($1 = 0.9136 euros)


bottom of page