top of page

Embahada ng Pilipinas, nagbibigay ng tulong sa mga Filipino na apektado ng pagbaha sa Bangkok

Sari Story

September 29, 2026 at 2:31:04 AM

Larawan ng mga taong nasa baha

Mga tao habang naglalakad sa binahang lugar sa Bangkok, Thailand, Setyembre 28, 2026.

Athit Perawongmetha / Reuters

Naghahatid ng pagkain at tubig ang Embahada ng Pilipinas sa Bangkok sa mga Filipino na apektado ng pagbaha sa Thailand, ayon kay Ambassador Millicent Cruz Paredes nitong Lunes.

 

Sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Paredes na kakaunti pa lamang ang natatanggap na kahilingan ng embahada para sa tulong sa kabila ng malawakang pagbaha sa Bangkok. Nakikipagtulungan ang embahada sa mga lider ng Filipino community upang matukoy ang iba pang maaaring mangailangan ng tulong.

 

“So, nagpapaabot kami ngayon ng tubig, ng pagkain, hinahanap namin kung sino iyong mga pockets of FilCom na nangangailangan (we are currently delivering water and food, and we are searching for pockets of the Filipino community who are in need)," aniya.

 

“And we continue to be in touch with the Filipino community leaders na sila ang nakakapagturo sa amin kung sino pa ang nangangailangan (who can guide us on who else is in need),” dagdag niya.

 

Humupa man ang tuluy-tuloy na pag-ulan nitong weekend, nanatiling nakaalerto ang embahada dahil inaasahan pa rin ang malalakas na pag-ulan.

 

Apektado ng pagbaha ang kabisera ng Thailand at mga kalapit na lalawigan ng Nonthaburi, Samut Prakan at Pathum Thani.

 

Sinabi ni Paredes na nahirapan ang ilang Filipino na bumili ng mga pangunahing pangangailangan dahil sa panic buying at pagtatago ng pagkain sa ilang lugar.

 

Nananatili sa kanilang mga tahanan ang mga apektadong Filipino at wala pang natatanggap na kahilingan ang embahada para sa masisilungan.

 

Sinabi rin niya na nagtalaga ang mga awtoridad ng 223 pansamantalang evacuation center, ngunit wala pa umanong natukoy ang embahada na mga Filipino na nananatili sa mga ito.

 

Maraming Filipino ang nakatira sa mga condominium na nasa mas mataas na bahagi kaysa sa tubig-baha, bagama't nahihirapan silang lumabas dahil sa pagbaha sa mga kalsadang nakapaligid sa kanilang mga tirahan.

 

“So ang nakukuha naming hiling ng tulong ngayon ay tungkol sa pagkain at saka sa tubig. So iyan ang ipro-provide natin,” aniya.

 

Sinabi ni Paredes na direktang nakikipag-ugnayan siya kay Bangkok Gov. Chadchart Sittipunt at maaaring makipag-ugnayan ang embahada sa mga awtoridad ng Thailand kung kailangan ng karagdagang tulong.

 

Hindi naman binaha ang mismong embahada. Hinikayat ang mga Filipino na subaybayan ang mga weather alert, sundin ang mga tagubilin ng lokal na awtoridad hinggil sa kaligtasan at ipaalam sa embahada kung may kakilala silang nangangailangan ng tulong.

 

bottom of page