El Niño, lalakas at magpapatuloy hanggang Pebrero 2027, ayon sa WMO
Sandra Samala-Salem
October 8, 2026 at 12:20:55 PM
Inaasahang lalakas pa ang El Niño ngayong taon bago ito umabot sa rurok nito sa paparating na Disyembre at halos 100% ang posibilidad na magpatuloy ito hanggang Pebrero 2027, ayon sa World Meteorological Organization (WMO) sa buwanang ulat pangklima nito noong Huwebes. Inaasahan ding aabot sa pinakamataas na antas ang temperatura ng ibabaw ng dagat.
“Batay sa mga pagtataya ng WMO, halos 100% ang posibilidad na magpatuloy ang El Niño hanggang Pebrero 2027, at maaaring kabilang ito sa pinakamalalakas na naitala mula pa noong 1950 (WMO forecasts indicate a near-100% likelihood that (El Niño) will persist through February 2027, potentially being one of the strongest since at least 1950),” sinabi ni WMO Secretary General Celeste Saulo sa isang pahayag na inilabas kasabay ng ulat.
Sinabi ng UN weather body na inaasahang aabot sa 3.7 degrees Celsius (6.7 degrees Fahrenheit) na mas mataas kaysa sa normal ang temperatura ng ibabaw ng dagat sa gitna at silangang bahagi ng tropikal na Pacific Ocean, ang rehiyong sentro ng El Niño, mula Oktubre hanggang Disyembre.
Ayon sa WMO, higit na mataas ang inaasahang antas kaysa sa dating rekord na 2.6 degrees Celsius na lampas sa normal, na naitala mula Nobyembre 2015 hanggang Enero 2016.
“Ang karagatan na pinanggagalingan nito ay ang pinakamainit na nasukat natin. Mas marami lamang talagang init na maaaring pakawalan (The ocean it's drawing from is the warmest we've ever measured it. There is simply more heat available to release),” ani Saulo.
Ang El Niño ay mainit na yugto ng likas na nagaganap na El Niño-Southern Oscillation cycle, isang sistema ng klima na nakaaapekto sa lagay ng panahon sa buong mundo.
Karaniwan itong nagdudulot ng mas mataas na temperatura sa buong mundo at nakaaapekto sa sistema ng pag-ulan sa malalawak na lugar—na siyang nagreresulta sa tagtuyot sa ilang rehiyon at malakas na pag-ulan sa iba. Karaniwan itong nangyayari kada dalawa hanggang pitong taon.
Ayon sa European Union's Copernicus Climate Change Service, umabot sa 16.96 degrees Celsius ang karaniwang temperatura sa buong mundo noong Agosto, kapantay ng Hulyo 2023 bilang pinakamainit na buwan na naitala.
Noong nakaraang buwan, tinaya ng mga mananaliksik sa University of Chicago's Climate Impact Lab na maaaring magdulot ang “super-El Niño” ngayong taon ng hanggang 451,000 karagdagang pagkamatay sa buong mundo mula Hunyo hanggang Pebrero 2027.

