DOJ, iniimbestigahan ang ama ni Meghan Markle kaugnay ng umano’y child pornography sa bahay nito sa Cebu
Ben Pulta/Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network
October 23, 2026 at 9:31:51 AM
Sinabi ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes na iniimbestigahan nito ang mga ulat tungkol sa isang 82-anyos na Amerikanong umano’y nag-iwan ng mga bidyo at larawan ng pang-aabuso sa mga bata sa kanyang tahanan sa lalawigan ng Cebu.
Sinabi ni DOJ Undersecretary Nicholas Ty sa Philippine News Agency na kasalukuyang iniimbestigahan ng task force ng kagawaran laban sa human trafficking at OSAEC (online sexual abuse and exploitation of children) ang usapin na kinasasangkutan ni Thomas Markle Sr., matapos sabihin ng kanyang anak na may natuklasan itong koleksyon ng mga ilegal na materyal sa kanilang tahanan.
Si Thomas Sr., ang 82-anyos na ama ni Meghan Markle, Duchess of Sussex ng United Kingdom, na matagal nang hiwalay sa kanya, ay nagtungo na sa Estados Unidos para magpagamot.
Ayon sa mga ulat ng internasyonal na midya na sumipi sa pahayagang Briton na The Sun, natuklasan ni Thomas Markle Jr., kapatid sa ama ni Meghan, ang mga ilegal na materyal sa tahanan ng kanilang ama. Nasa loob umano ang mga ito ng apat na malalaking kahon.
Ayon kay Thomas Jr., kabilang sa mga natagpuan niya ang mga bidyo ng mga batang babae na hindi lalampas sa 10 o 11 taong gulang na nagsasagawa ng mga sekswal na gawain, gayundin ang isang 15-minutong bidyo ng mga hubad na batang babae sa lumang cellphone ng kanilang ama. Sinabi rin niyang nakakita siya ng tatlong larawan ng mga hubad na batang babae.
Sinabi ni Thomas Jr. sa The Sun na tila kuha sa dating tahanan ng kanilang ama sa Rosarito, Mexico, ang isa sa mga larawan.

