top of page

DILG, nag-alok ng ₱50 milyong pabuya para sa impormasyon ng kinaroroonan ni Senador Bato dela Rosa na itinuturing na ‘armado at mapanganib'

RA Sibag/Paraluman News at Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 23, 2026 at 9:31:51 AM

Larawan ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa

Tumanggap ng tawag sa telepono si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, pangunahing tagapagpatupad ng kampanya kontra droga ni dating pangulong Rodrigo Duterte, habang may sesyon sa Senado sa Pasay City, Metro Manila, Pilipinas, noong Mayo 13, 2026. Nasa ilalim siya ng protective custody ng Senado habang may warrant of arrest laban sa kanya mula sa International Criminal Court.

Eloisa Lopez/Reuters

Nag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50 milyong pabuya para sa impormasyong maaaring humantong sa pagkakaaresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na nahaharap sa mga paglilitis kaugnay ng kaso niya sa International Criminal Court (ICC).


Sa isang press briefing sa Camp Crame sa Quezon City nitong Biyernes, inanunsyo ni Interior Secretary Jonvic Remulla na itinuturing na ngayon ng mga ahensya ng law enforcement na “armado at mapanganib (armed and dangerous)” si Dela Rosa habang nagpapatuloy ang operasyon upang siya ay mahuli. Kinumpirma ni Remulla na kukunin ang ₱50 milyong pabuya mula sa pinagsamang pondo para sa intelligence operations ng DILG at Philippine National Police (PNP).


Dagdag ni Remulla, bumuo ng isang special task force na pinamumunuan ni PNP Chief Directorial Staff Lt. Gen. Wilson Joseph Lopez, na ang tanging layunin ay hanapin at arestuhin ang senador.


Sinabi ng kalihim ng DILG na ibinigay na ng pamahalaan kay Dela Rosa ang lahat ng posibleng konsiderasyon bilang nakaupong mambabatas, ngunit iginiit niyang napagkamalan ng senador na kahinaan ang mga hakbang na ito at hindi nito ginagampanan ang kanyang mga tungkulin dahil nananatili siyang hindi nakikita sa publiko.


“Ibinigay namin ang lahat ng konsiderasyong maaaring ibigay sa isang senador ng Republika ng Pilipinas. Ngunit wala siyang ipinakita kundi kaduwagan sa patuloy sa pagtatago. Napagkamalan ni Senador Bato na tanda ng kahinaan ang pag-aalok ko ng pakikipag-usap upang makipagkasundo. Panahon na para kumilos nang mas mahigpit (We have given all the courtesy that could be afforded as a senator of the Republic of the Philippines. But he has shown nothing but cowardice by remaining in hiding. Senator Bato mistook my gesture of negotiation as a sign of weakness. It’s time for the gloves to come off),” pahayag ni Remulla.


Binigyang-diin niya ang agarang pangangailangang makamit ang hustisya para sa mga biktima ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte, kung saan nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng PNP.


“Panahon na para makamit ang hustisya para sa kanyang mga biktima (It’s time to bring justice to his victims),” dagdag ni Remulla.


Hindi dumadalo si Dela Rosa sa mga gawain ng Senado mula pa noong Mayo, sa gitna ng pinaigting na pagsisikap ng mga awtoridad na ipatupad ang mga legal na hakbang kaugnay ng kanyang kaso sa ICC.


“Sa susunod na buwan, Nobyembre, isang taon na mula nang maglabas ang ICC ng warrant of arrest laban kay Senador Bato Marapon Dela Rosa dahil sa kanyang pananagutang kriminal sa mga pagkamatay na naganap kaugnay ng patakaran ng administrasyong Duterte sa giyera kontra droga (Next month, November, marks one year since the ICC (International Criminal Court) issued a warrant of arrest for Senator Bato Marapon Dela Rosa for his criminal responsibility in the deaths due to the Duterte administration's policy on the war on drugs),” ani Remulla.


Bilang tugon sa anunsyo ng pabuya at sa pinakahuling mga direktiba ng DILG, naglabas ng maikling pahayag sa Facebook ang kampo ni Dela Rosa na nagsasabing: “Walang komento (No Comment).”


bottom of page