top of page

DepEd-Tacloban, suportado ang pagsibak sa pulis dahil sa kapabayaan sa service firearm

Lizbeth Ann Abella / Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network

October 17, 2026 at 9:01:53 AM

Larawan ng mga estudyante at pulis

Mga pulis na nagbabantay sa San Jose National High School (SJNHS) sa Tacloban City ilang linggo mataposangnakamamatay na pamamaril noong Hunyo 22, 2026, sa larawang kuha noon. Malugod na tinanggap ngtanggapan ngDepartment of Education (DepEd) sa lungsod ang desisyon ng National Police Commission nasibakin sa serbisyo angpulis na may-ari ng baril na pag-aari ng pamahalaan na ginamit sa naturangpamamaril.

Photo courtesy of SJNHS via Philippine News Agency

TACLOBAN – Malugod na tinanggap ng tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa lungsod ang desisyon ng National Police Commission (Napolcom) na sibakin sa serbisyo ang pulis na may-ari ng baril na pag-aari ng pamahalaan na ginamit sa  pamamaril sa San Jose National High School noong Hunyo 22.


Sa opisyal na pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Sherlita Palma, Schools Division Superintendent ng DepEd, na mahalagang hakbang ang desisyon tungo sa pagpapanagot sa mga responsable. Binigyang-diin din nito ang pananagutan ng mga may-ari ng baril, lalo na ng mga alagad ng batas, na tiyaking ligtas na nakatago ang kanilang mga armas at hindi maaabot ng mga walang awtorisasyong gumamit nito.


Kasunod ito ng kautusan ng Napolcom na sibakin sa serbisyo si Police Staff Sergeant Arla Ray Paciencia ng Regional Finance Service Unit ng Police Regional Office 8 dahil sa matinding maling asal at pag-uugaling hindi naaayon sa inaasahan sa isang pulis.


Ginamit ng 14-anyos na pamangkin ng pulis ang 9mm na pistolang inisyu sa kanya ng Philippine National Police (PNP) sa pamamaril na ikinamatay ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pang indibidwal.


Itinampok ng insidente ang kahalagahan ng responsableng pagtatago ng mga baril at ang pangangailangang pigilan ang mga walang awtorisasyon, lalo na ang mga menor de edad, na makakuha o makahawak ng mga armas na pag-aari ng pamahalaan.

Ginunita rin ng DepEd-Tacloban ang mga mag-aaral na nasawi, ang mga nasugatan, at ang mga pamilyang at komunidad ng paaralang naapektuhan ng trahedya.


Ayon kay Palma, nananatiling nakatuon ang Schools Division sa pagsuporta sa kanilang pagbangon, paggaling mula sa trauma, at pangkalahatang kapakanan, kasabay ng pagpapalakas sa mga hakbang para sa kaligtasan at seguridad sa mga paaralan.


Dagdag niya, patuloy na pag-iibayuhin ng dibisyon ang mga mekanismo para sa proteksiyon ng mga mag-aaral at ang pagbibigay ng suportang psychosocial, katuwang ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at iba pang stakeholder.


Ipinahayag din ng tanggapan ng DepEd ang paggalang nito sa mga legal at administratibong prosesong isinasagawa ng mga kinauukulang awtoridad, at ang pag-asang maipatutupad ang pananagutan at makakamit ang hustisya alinsunod sa batas.


“Nanatiling pangunahing prayoridad natin ang kaligtasan, proteksiyon, at kapakanan ng bawat mag-aaral at kawani ng paaralan (The safety, protection, and well-being of every learner and school personnel remain our foremost priority),” ayon sa pahayag.


Muling nagbunsod ng mga panawagan para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan, responsableng pagmamay-ari ng baril, at mga hakbang upang maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa karahasan ang pamamaril sa San Jose National High School noong Hunyo 22.


Ayon sa DepEd-Tacloban, patuloy itong makikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensiya at stakeholder upang matiyak na mananatiling ligtas ang mga paaralan para sa mga mag-aaral at kawani. 



bottom of page