top of page

DepEd, nagsagawa ng Nationwide Safety Drill para sa school shooting

Sari Story

September 3, 2026 at 3:06:04 PM

Larawan ng scripted active-attack scenario

Nagsasanay ang emergency responders sa pagbibigay ng paunang lunas sa isang nasugatang miyembro ng faculty bilang bahagi ng school safety drill sa Carlos F. Gonzales High School sa San Rafael, Bulacan, Pilipinas, Setyembre 3, 2026.

Kuha ni Eloisa Lopez/Reuters

Matapos marinig ang alarma na nagbababala na may posibleng mamaril, mabilis na kumilos ang mga estudyante at guro sa isang pampublikong eskuwelahan nitong Huwebes.


Ang ilang estudyante, tumulong sa pagsasara at paglalagay ng mga upuan sa harap ng mga pintuan ng silid-aralan, habang ang iba naman ay nagbaba ng mga kurtina, pinatay ang mga ilaw at yumuko sa ilalim ng mga mesa, alinsunod sa utos ng kanilang mga guro na manatiling tahimik at magtago.


Ang tagpong ito sa Carlos F. Gonzales High School sa lalawigan ng Bulacan ay bahagi ng nationwide school safety drill na pinangunahan ng Department of Education (DepEd) at mga security agency, habang pinatitibay ng mga awtoridad ang kahandaan sa pagtugon sa emergency kasunod ng dalawang insidente ng pamamaril sa mga paaralan.


Sa isinagawang senaryo ng aktibong pag-atake, walang gumanap na active – shooter. Nag-abiso ang mga opisyal ng paaralan sa mga emergency responder, nag-activate ng warning system at isinailalim sa lockdown ang mga silid-aralan. Nanatili sa loob ng kanilang mga classroom ang mga estudyante hanggang ideklara ng pulisya na ligtas na ang campus.


“Ang pangunahing prayoridad natin ay kaligtasan at kahandaan,” pahayag ng school principal na si Ceanceno Espirito Jr. Dagdag niya, nagbibigay-daan ang mga drill upang masuri ng mga paaralan ang kanilang mga hakbang sa pagtugon sa emergency at matukoy ang mga aspeto na kailangan pang pagbutihin.


Isinagawa rin sa drill ang buong proseso ng pagtugon sa emergency, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa pulisya, paglikas sa mga itinalagang assembly area, pagbibilang sa mga estudyante at kawani, pagbibigay ng first aid sa mga simulated casualty at psychosocial support para sa mga naapektuhan.


Bihira ang mga pamamaril sa mga paaralan sa Pilipinas, kung saan mahigpit na kinokontrol ang pagmamay-ari ng mga baril. Gayunman, muling umigting ang usapin hinggil sa pagmamay-ari ng baril, wastong pag-iimbak ng mga armas at pagkakalantad ng mga bata sa social media kasunod ng mga insidente nitong mga nakaraang panahon.


Sa isang pamamaril sa isang high school sa katimugang bahagi ng Pilipinas noong Agosto 18, dalawang estudyante ang nasawi, kabilang ang umano’y suspek na gunman.


Ito na ang ikalawang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Pilipinas kung saan wala pa sa tatlong buwan ang pagitan. Nangyari rin ito, ilang araw matapos ang isang malagim na insidente sa Thailand, kung saan isang estudyante ang namaril sa isang paaralan.


bottom of page