Dating TV anchor, kinoronahan bilang bagong hari ng Tooro Kingdom sa Uganda
Sari Story
September 30, 2026 at 7:30:47 AM
Nagsasagawa ng mga tradisyonal na ritwal at seremonya si incoming Tooro King Edward Rukidi Nyabongo I bago ang kanyang koronasyon habang naghahanda ang Tooro Kingdom sa paglipat sa bagong pamumuno sa Karuziika Palace sa Buhesi, Bunyangabu District, Uganda, Setyembre 28, 2026.
Abubaker Lubowa / Reuters
FORT PORTAL - Kinoronahan noong Martes bilang bagong hari ng Tooro Kingdom sa Uganda ang dating television news anchor, na naging ika-13 monarka ng mga Batooro sa isang seremonyang puno ng tradisyon na tumapos sa alitan sa paghalili sa trono.
Si Edward Rukidi Kijanangoma ang humalili kay King Oyo Nyimba Kabamba Iguru Rukidi IV, na namatay noong nakaraang buwan dahil sa cancer sa edad na 34. Nagdulot ng alitan ang kanyang pagkamatay matapos sabihin ng kanyang ina na may isang anak na lalaki ang yumaong hari na hindi dating inihayag at siya ang dapat na humalili sa trono.
Ang Uganda ay isang constitutional republic na pinamumunuan ng halal na pangulo. Gayunman, nananatiling mahalagang simbolo ng pagkakakilanlan at kultura ang apat na pre-colonial kingdom sa bansa, kahit wala na silang kapangyarihang pampolitika.
Pinili ng 21-kataong komite mula sa maharlikang Babiito clan si Kijanangoma, 56, na pinsan ni Oyo Nyimba.
Ayon sa isang source na may kaalaman sa alitan sa paghalili sa trono, itinulak umano ng central government ng Uganda ang naturang desisyon sa kabila ng pagtutol ng ina ng yumaong hari.
Kinuha ni Kijanangoma ang bagong royal name na Edward Rukidi Nyabongo I sa isang tradisyonal na seremonya na kinabibilangan ng pagkatay ng toro at pagwiwisik ng dugo ng manok sa kabisera ng Tooro na Fort Portal.
Naglakad si Nyabongo I patungo sa Karuziika Palace mula hatinggabi hanggang alas-3 ng madaling araw bago lumahok sa isang kunwa-kunwariang labanan para sa korona.
BATANG HARI
Namatay si Oyo Nyimba sa United States noong Agosto 27 habang nagpapagamot para sa angiosarcoma, isang agresibong uri ng cancer. Inilibing siya noong Setyembre 12 sa Karambi Royal Tombs sa Fort Portal.
Nakilala siya sa buong mundo noong 1995 nang maupo siya sa trono sa edad na 3 matapos mamatay ang kanyang ama. Nagdulot ng malawak na interes ang mga larawan ng batang hari na nakasuot ng royal robes at korona.
Inilarawan ng mga dating katrabaho ni Nyabongo I sa state broadcaster na UBC, kung saan siya nagtrabaho bilang news anchor at editor, ang bagong hari bilang isang mapagkumbaba at simpleng tao.
"Masaya ang lahat sa Fort Portal dahil sa bagong hari. Naghahanda kami. Namamalantsa ng kanilang masuka ang mga babae. Namamalantsa naman ng kanilang kanzu ang mga lalaki (Everyone in Fort Portal is happy because of this new king. We are preparing. Women are ironing their masuka. Men are ironing their kanzus)," sabi ng residente ng Tooro na si Elizabeth Kengonze bago ang seremonya, na tinutukoy ang mga tradisyonal na kasuotan.
"Nagsasanay ang mga tao kung paano nila aawitin ang Amakondere (mga awit ng papuri). Lubos kaming masaya at nagpapasalamat dahil naitataguyod ang kultura ng Tooro at natututo na ngayon ang mga kabataan tungkol sa kasaysayan at kultura ng Tooro (People are practicing how they will sing Amakondere (praise music). We are very happy and grateful because Tooro, as a culture, is being promoted and the young ones are now knowing and learning how the Tooro culture was)."
Noong weekend, nagtipon ang mga kamag-anak sa Karuziika Palace, ang bago niyang tirahan, kasama ang mga tradisyonal na drummer at mananayaw na may suot na calabash at mga shawl na gawa sa orange bark cloth.
Isinagawa ang coronation sa kabila ng pagtutol ng ina ni Oyo Nyimba na si Best Kemigisa at kapatid nitong si Princess Ruth Komuntale. Ayon sa kanila, nag-iwan ang yumaong hari ng isang batang anak na lalaki at isang testamento na nagsasabing siya ang tagapagmana ng trono.
Sinabi ni Charles Kayondo Kamurasi, pinuno ng royal Babiito clan at tradisyonal na king-maker, na walang alam ang clan tungkol sa naturang anak at sinunod nito ang tradisyon ng Tooro sa pagpili ng bagong hari.
“Hindi namin kilala ang sinasabing batang naroon (The child they are claiming to be there is not known),” sinabi ni Kamurasi sa mga mamamahayag noong nakaraang linggo.

