top of page

Dating Prime Minister Cesar E.A. Virata, pumanaw sa edad 95

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

October 2, 2026 at 11:35:39 AM

Larawan ni Dating Prime Minister Cesar E.A. Virata

Rizalino Antonio Pulumbarit / Paraluman News

Rizalino Antonio Pulumbarit / Paraluman News

Pumanaw nitong Biyernes, Oktubre 2, 2026, sa edad na 95 ang dating Prime Minister at Finance Minister na si Cesar E.A. Virata, na kinilala bilang isang tunay na manggagawa ng estado.


Itinuturing na isa sa pinakamahuhusay na economic technocrat ng bansa, mahigit 60 taon inilaan ni Virata sa serbisyo publiko, akademya, corporate governance, at pangangalaga ng kasaysayan.

Ipinanganak sa Kawit, Cavite noong Disyembre 12, 1930, si Virata ay inapo ng rebolusyonaryong lider na si Heneral Baldomero Aguinaldo at unang pinsan ni Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo ng Pilipinas.


Nag-aral si Virata ng business at administration sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City bago nagtapos ng Master of Business Administration (MBA) sa Wharton School ng University of Pennsylvania.


Noong dekada 1950, bumalik siya sa UP bilang guro sa College of Business Administration. Kalaunan, naging full professor at dean siya ng kolehiyo.


Bilang pagkilala sa kanyang ambag sa akademya at pambansang kaunlaran, ipinangalan kalaunan sa kanya ang kolehiyo bilang Cesar E.A. Virata School of Business.


Serbisyo sa Gobyerno at Pangangasiwa sa Ekonomiya


Bilang isang mahusay na fiscal strategist, pumasok si Virata sa serbisyo ng pamahalaan upang tumulong sa reporma at pangangasiwa sa pambansang patakarang pang-ekonomiya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr.


Bilang Minister of Finance mula 1970 hanggang 1986, pinangasiwaan ni Virata ang national economic planning, debt restructuring, fiscal discipline, at mga unang hakbang sa liberalisasyon ng ekonomiya.


Bilang Director-General ng NEDA, nagsilbi si Virata bilang unang pinuno ng National Economic and Development Authority, na ngayo'y Department of Economy, Planning, and Development o DEPDEV.


Bilang Prime Minister ng Pilipinas


Mula 1981 hanggang 1986, nagsilbi si Virata bilang Prime Minister ng Pilipinas at pinuno ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Nanatili siya sa posisyon hanggang sa 1986 EDSA People Power Revolution.


Sa pandaigdigang larangan, nagsilbi si Virata sa Boards of Governors ng World Bank at Asian Development Bank (ADB), at naging chairman ng joint World Bank-IMF Development Committee.

Bilang pagkilala sa kanyang trabaho sa international diplomacy, ginawaran siya ng Japan ng Grand Cordon of the Order of the Rising Sun noong 2016.


Pamana sa kultura at buhay matapos ang gobyerno


Ayon sa National Historical Commission, matapos umalis sa serbisyo publiko noong 1986, bumalik si Virata sa pagtuturo sa akademya.


Nanatili rin siyang aktibo sa mundo ng negosyo, kung saan mahigit dalawang dekada siyang nagsilbi bilang Corporate Vice Chairman at Director ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) hanggang sa kanyang pagpanaw.


Sa buong karera niya, nanatiling malalim ang kanyang commitment sa pagsusulong ng pambansa at lokal na pamana.


Noong Hunyo 21, 1984, pormal na ipinagkaloob ni Virata sa National Historical Institute ang ancestral house ni Heneral Baldomero Aguinaldo sa Binakayan, Kawit, Cavite.


Sa kasalukuyan, pinangangalagaan at pinatatakbo ito bilang NHCP Baldomero Aguinaldo Shrine.

Bilang pinuno ng Cavite Historical Society at aktibong miyembro ng Local Historical Committees Network, pinangunahan niya ang mga hakbang para sa pananaliksik, pangangalaga, at pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kasaysayan sa kanyang lalawigan.


bottom of page