top of page

Dating pinakabatang hari sa mundo, ililibing sa kabisera ng Uganda

Sari Story

September 13, 2026 at 7:15:32 AM

Larawan ni King Oyo Nyimba Kabamba Irugu Rukidi IV

FILE PHOTO: Nakaupo sa trono si Haring Oyo Nyimba Kabamba Irugu Rukidi IV sa kanyang palasyo sa Fort Portal, 270 kilometro (168 milya) timog-kanluran ng Kampala, noong Abril 17, 2010. Si Haring Oyo, 18, ang pinakabatang hari sa mundo, ay umakyat sa trono sa edad na tatlo matapos pumanaw noong 1995 ang kanyang ama na si yumaong Haring Patrick Kaboyo.

James Akena / Reuters

KAMPALA – Ililibing ngayong Sabado ang yumaong Ugandan monarch na si Oyo Nyimba, na naging laman ng global headlines noong 1995 nang maupo sa trono ng Tooro Kingdom sa edad na 3, habang nagpapatuloy ang alitan sa loob ng royal family tungkol sa kanyang kahalili.


Namatay noong nakaraang buwan sa edad na 34 si King Oyo Nyimba Kabamba Iguru Rukidi IV sa United States, kung saan siya nagpapagamot para sa cancer.


Naging pinakabatang monarch sa mundo si Oyo nang makoronahan siya tatlong dekada na ang nakalilipas kasunod ng pagkamatay ng kanyang ama na si King Olimi III. Umani noon ng atensyon at paghanga sa buong mundo ang mga larawan ng batang hari na nakasuot ng korona at maharlikang kasuotan.


Libu-libong nakikiramay, ang ilan ay nakasuot ng tradisyonal na puting tunika at bark cloth, ang dumaan sa royal palace ngayong linggo sa capital na Fort Portal sa kanlurang Uganda upang magbigay-galang.


Alitan sa pagpili ng kahalili


Pinamumunuan ang Uganda ng isang halal na pangulo ngunit nananatili sa bansa ang ilang kaharian na naitatag bago pa ang British colonial era at itinuturing na mahalagang bahagi ng tradisyon at kultura ng mga mamamayan.


Nagbunsod ang pagkamatay ni Oyo ng matinding alitan tungkol sa kanyang kahalili. Isang komite na binubuo ng mga miyembro ng royal clan ang nag-anunsyo nitong Miyerkules na pinili nito bilang bagong hari ang pinsan ni Oyo na si Edward Rukidi Kijanangoma, isang news anchor at editor sa state broadcaster na UBC.


Ngunit sinabi ng immediate family ni Oyo na ang kanyang hindi pa nakikilalang anak ang dapat humalili sa kanya, alinsunod sa nakasaad sa testamento ng yumaong hari. Hindi kailanman nag-asawa si Oyo at walang nalalamang anak hanggang sa sabihin ng prime minister ng kaharian noong Agosto 27, sa pahayag tungkol sa kanyang pagkamatay, na mayroon siyang isang anak na lalaki.


Sinabi naman ng kilalang Ugandan journalist at kamag-anak ng royal family na si Andrew Mwenda nitong Huwebes na hindi pa nakapaglabas ng larawan ng bata ang pamilya ni Oyo at tumanggi rin itong magbigay ng mga detalye tungkol sa pamilya ng ina nito.


Nagbunsod ang alitan na maantala ang libing dahil kailangang nakaluklok na ang bagong hari upang isagawa ang isang mahalagang ritwal sa seremonya. Ngunit sinabi ng isang source na may kaalaman sa mga pag-uusap upang maresolba ang krisis na matagumpay na naisulong ng pambansang pamahalaan ang pagkakatalaga kay Kijanangoma bilang kahalili.


Hindi pa nahihingan ng komenta ang tagapagsalita ng pamahalaan. Samantala, sinabi ng militar ng Uganda nitong Biyernes na pinalakas nito ang seguridad sa lugar upang maiwasan ang anumang kaguluhan.


Oyo, ililibing sa royal tombs


Mismong si Oyo ang naupo sa trono matapos ang matagal na alitan sa pagpili ng kahalili na umabot sa korte.


Naging goodwill ambassador din siya ng United Nations at nanguna sa mga hakbang laban sa HIV at AIDS. Nagkaroon din siya ng malapit na ugnayan kay dating Libyan leader Muammar Gaddafi, na kanyang itinalaga bilang special adviser sa monarch. Nagbigay rin si Gaddafi ng pondo para sa pagsasaayos ng royal palace.


“Hinahatid natin sa kanyang huling hantungan ang isang iginagalang at minamahal na lider, isang icon, at nais nating matiyak na ang seremonya at mga ritwal ay naaayon sa kanyang katayuan (We are sending a revered and loved leader, an icon and we want to make sure the moment, the spectacle and rituals fit his stature),” sinabi ni Vincent Mugume, tagapagsalita ng kaharian, sa Reuters.


Matapos ang funeral service at mga mensahe ng pakikiramay sa isang local cathedral, ililibing si Oyo sa lugar ng royal tombs, malapit sa palasyo.


Kapag nailagay na ang kabaong sa puntod, pangungunahan ni Omusuna, ang tradisyonal na chief priest na responsable sa paglilibing sa mga monarch ng Tooro, ang bagong hari sa isang ritwal kung saan maghahagis ito ng siyam na butil ng kape sa puntod.


Ang 56-anyos na si Kijanangoma, na nanatiling low profile habang nagpapatuloy ang alitan tungkol sa succession, ay pinuri ng mga nakakakilala sa kanya dahil sa kanyang pagiging mapagkumbaba.


“Hindi siya iyong tipo ng taong nasasangkot sa mga iskandalo. Napakatahimik niya (Someone you don't get to find in scandals, someone that is so quiet),” sinabi ni Mary Tumwikirize, kasamahan ni Kijanangoma sa UBC, sa isang panayam sa telebisyon. “Matagal bago ko talaga nalaman na isa pala siyang prinsipe (It took me a very long time to actually know that he was a prince).”


Bukod sa trono, mamanahin ng bagong hari ang malaking royal estate, kabilang ang malalawak na lupain at malaking pondong ibinibigay ng central government.


bottom of page