top of page

Dalawang weather system, inaasahang magdudulot ng ulan sa Luzon

Cristina Arayata/Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 28, 2026 at 12:17:47 PM

Larawan ng isang babae

Larawan ng isang babaeng gumagamit ng payong

Erik Witsoe/Unsplash mula sa Wix

Makakaranas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon ngayong Miyerkules dahil sa dalawang umiiral na weather system, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).


Makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at mga pulu-pulong pagkulog at pagkidlat sa Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur at Catanduanes dahil sa shear line.


Maaaring magdulot ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa mga lugar na ito.


Makakaranas ng mahinang pag-ulan ang Batanes, Apayao, Cagayan at Isabela. Samantala, makararanas naman ng pulu-pulong mahinang pag-ulan ang Ilocos Region, natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, natitirang bahagi ng Cagayan Valley at natitirang bahagi ng Central Luzon dahil sa northeast monsoon o amihan.


Inaasahan ang mga pulu-pulong pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa mga lokal na pagkulog at pagkidlat.


Inaasahan ang katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan sa hilagang Luzon at mga silangang bahagi ng gitna at timog Luzon.

Sa iba pang mga lugar, mahina hanggang katamtaman ang hangin at banayad hanggang katamtaman ang alon sa karagatan.


Samantala, walang binabantayang low pressure area (LPA) na posibleng maging tropical cyclone, ayon sa PAGASA.


bottom of page