top of page

Dalawang turistang Pinoy, nasawi sa bus accident sa Germany

Sari Story

September 28, 2026 at 9:05:11 AM

Larawan ng tumagilid na tour bus

Isang tumagilid na tour bus ang nasa motorway A96 matapos maaksidente, na ikinasawi ng dalawang Pilipino at ikinasugat ng ilang iba pa, malapit sa Landsberg am Lech, Germany, Setyembre 27, 2026.

REUTERS / Christine Uyanik

MANILA – Dalawang Pilipino ang nasawi sa aksidente ng bus sa Bavaria, Germany, ayon sa Philippine Consulate General sa Frankfurt nitong Linggo ng gabi.


Ayon sa konsulado, sakay ng bus ang 33 turistang Pilipino na bumiyahe mula Milan patungong Munich nang maaksidente ito sa A96 malapit sa Buchloe, kanluran ng Munich.


Hindi nasaktan ang dalawang Italian driver ng bus.


Batay sa mga ulat ng lokal na media, patungo ang bus sa isang event ng Oktoberfest, ang pinakamalaking beer festival sa mundo.


"Ngayong umaga dakong 5:41 a.m. (3:41 a.m. GMT), isang Italian tour bus na may tinatayang 35 sakay, na karamihan ay Pilipino, ang bumibiyahe mula Milan patungong Munich para sa Oktoberfest. Lumihis ang bus sa kalsada at tumagilid sa mga damuhan dito (This morning at 05:41 AM (03:41 GMT), an Italian tour bus with approximately 35 people on board, mostly of Filipino descent, was on its way from Milan to Munich for the Oktoberfest. The bus veered off the road and then overturned in the bushes here)," sinabi ni Martin Cornils, tagapagsalita ng Fürstenfeldbruck police, sa Euronews nitong Linggo.


Dinala sa mga ospital sa Bavaria ang ilang pasahero para magamot, habang ang iba naman ay isinailalim sa pangangalaga ng Red Cross.


Hindi tinukoy ng konsulado ang bilang ng mga nasugatan.


Ayon sa konsulado, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa ilan sa mga apektadong pasahero at kanilang mga pamilya habang inaalam ang kalagayan ng lahat ng sangkot sa aksidente.


Nakikipag-ugnayan din ang konsulado sa Philippine Honorary Consulate sa Munich, mga awtoridad ng Germany at Philippine Migrant Workers Office upang matulungan ang mga pasahero at kanilang mga pamilya.


Nadalaw na rin ng honorary consulate ang ilan sa mga apektado.


Nagpaabot ng pakikiramay ang konsulado sa mga pamilya ng mga nasawi at sinabing patuloy nitong minomonitor ang kalagayan ng mga nasugatan.


bottom of page