Dalawang Saudi oil tanker, inatake sa Strait of Hormuz
Sari Story
September 2, 2026 at 5:20:42 AM
Dalawang supertanker na may kargang langis mula Saudi Arabia ang tinamaan ng mga hindi pa natutukoy na projectile habang palabas na naglalayag sa Strait of Hormuz nitong Lunes ng gabi, ayon sa shipping intelligence at tracking firms na Marisks at Kpler.
“The near-simultaneous incidents represent a further escalation in the threat environment within the Omani corridor,” ayon sa Marisks.
Batay sa datos ng Kpler, parehong nagkarga ang dalawang tanker ng tig-2 milyong bariles ng Saudi crude sa Juaymah terminal noong nakaraang linggo. Muling ipinagpatuloy ng Saudi Aramco noong Agosto ang pagkakarga at pagbebenta ng langis mula sa loob ng Strait of Hormuz.
Malaki ang ibinaba ng energy exports mula sa Gulf dahil sa pagharang ng Iran at United States sa Strait of Hormuz, habang kapwa sinisikap ng dalawang panig na igiit ang kanilang kontrol sa naturang daanan ng tubig.
Hindi pa rin nagbubunga ang mga pagsisikap ng mga mediator, kabilang ang Qatar at Oman, para muling mabuksan ang Strait of Hormuz. Bago ang pagsalakay ng US at Israel sa Iran mahigit anim na buwan na ang nakalilipas, dumaraan sa naturang lugar ang nasa 20% bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis.
Tumaas naman ang presyo ng langis nitong Martes matapos magbanta si U.S. President Donald Trump ng panibagong mga pag-atake laban sa Iran, kasunod ng unang palitan ng putok mula noong huling bahagi ng Hulyo.
Sa pinaka-huling mga pag-atake sa mga sasakyang-dagat, tinamaan ng mga hindi pa natutukoy na projectile ang Saudi Arabian-flagged very large crude carrier (VLCC) na Sidr, may layong humigit-kumulang 16.6 nautical miles northeast ng Khasab, Oman, bandang 1952 UTC o GMT, ayon sa Marisks.
Makalipas ang ilang minuto, iniulat namang tinamaan ng tatlong hindi pa natutukoy na projectile ang Liberian-flagged VLCC na Senegal Prosperity, humigit-kumulang 17 nautical miles east ng Khasab, sabi pa ng Marisks. Ligtas naman ang lahat ng crew na sakay ng Senegal Prosperity, dagdag nito.
Iniulat din ng United Kingdom Maritime Trade Operations agency na tatlong projectile ang tumama sa isang tanker sa parehong lugar habang naglalayag ito palabas ng Strait of Hormuz. Lumalabas na ito ang kaparehong insidenteng iniulat ng Marisks.
Hindi agad tumugon sa mga kahilingan para sa komento ang Bahri, operator ng Sidr, at Sinokor, operator ng Senegal Prosperity
.
Samantala, iniulat ng Iranian media nitong Martes ng umaga na isang Saudi oil tanker ang pinahinto habang naglalayag sa southern corridor ng Strait of Hormuz.

