Dalawa, patay sa pagbaha sa Catalonia, Spain
Sandra Samala-Salem
October 4, 2026 at 10:00:28 AM
CATALONIA, Spain — Dalawang katao ang nasawi habang isa pa ang pinaghahanap matapos manalasa ang matitinding pag-ulan at pagbaha sa rehiyon ng Catalonia sa Spain, ayon sa mga awtoridad nitong Linggo.
Kinumpirma ni Catalan leader Salvador Illa ang pagkasawi ng isang lalaki nang magiba ang isang pader sa Tordera, isang bayan sa hilaga ng Barcelona. Inihayag ito ni Illa sa pamamagitan ng isang pahayag sa kaniyang social media account.
Isa pang biktima ang natagpuang patay sa Montornès del Vallès, ayon sa mga bumbero. Samantala, patuloy naman ang search and rescue operation ng mga emergency responder para sa isang nawawalang indibidwal sa Pineda de Mar, na matatagpuan 52 kilometro (32 milya) sa hilaga ng Barcelona.
Nagtaas na ng red alert ang mga awtoridad sa Catalonia at nakiusap sa mga residente na manatili sa loob ng kani-kanilang tahanan mula alas-8 ng gabi (6 p.m. GMT) nitong Sabado hanggang alas-2 ng hapon (12 p.m. GMT) nitong Linggo. Ito ay dahil sa banta ng isang "mini-hurricane" o malakas na buhi-buhi na posibleng tumama sa hilagang-silangang bahagi ng rehiyon, kasabay ng inaasahang mga panibagong buhos ng ulan.
Napasok ng baha ang ilang kabahayan habang lumubog naman sa tubig ang mga sasakyan sa Bellvitge at Cornellà malapit sa Barcelona matapos ang matinding pag-ulan nitong Sabado. Naitala rin ang paglutang ng mga pato sa naipong tubig-baha sa mga pangunahing kalsada at motorway sa Barcelona.
Ayon kay Sarai Sarroca, direktor ng regional weather service na Meteocat, matatagpuan ang sentro ng pambihirang weather system sa ibabaw ng Mediterranean Sea at may posibilidad itong magdala ng mini-hurricane sa lupain ng Catalonia.
Dahil sa masamang panahon, nakaranas ng pagkakaantala at kanselasyon ng mga biyahe sa Barcelona airport, ayon sa ulat ng pahayagang La Vanguardia nitong Sabado.
Naantala rin ang operasyon ng lahat ng commuter train sa rehiyon. Bukod dito, maagang nagsara ang mga pamilihan, kinansela ang mga larong football, at hinarang din ang pagtatanghal ng operang “Aida” ni Verdi sa sikat na Liceu opera house sa Barcelona.

