top of page

Dalawa patay at 35 sugatan sa pamamaril sa street party sa Georgia

Sari Story

October 5, 2026 at 8:52:05 AM

Larawan ng police tape

Isang larawan ng police tape

Joshua Coleman / Unsplash sa pamamagitan ng Wix)

NEW YORK — Dalawang katao ang nasawi at 35 ang sugatan, kabilang ang ilan na nasa kritikal na kondisyon, matapos ang pamamaril sa isang street party sa Georgia, United States, madaling araw noong Linggo, ayon sa mga lokal at state official.


Sinabi ni Dooly County Sheriff Craig Peavy sa isang news conference na dalawang lalaki, edad 21 at 23, ang nasawi matapos barilin sa Vienna, Georgia, na nasa 216 kilometro sa timog ng Atlanta. Karamihan sa 35 sugatan ay tinamaan din ng bala, ayon sa mga opisyal.


Daan-daang katao ang dumalo sa naturang pagtitipon, na isinagawa bilang pagtatapos ng homecoming week ng Dooly County High School, ayon sa mga opisyal.


Sinabi ng mga awtoridad na wala nang banta sa publiko. Gayunman, wala pa silang inihayag na suspek o person of interest at hindi pa rin natutukoy ang motibo sa pamamaril.


"Hindi namin gustong manghula kung ano ang naging sanhi nito (We don't want to presume as to what caused it)," sabi ni Chris Hosey, direktor ng Georgia Bureau of Investigation.


Ayon sa mga opisyal, edad 14 hanggang 51 ang mga nasugatan.


bottom of page