top of page

Cornell University, susuriin ang papel ng fraternities, sororities kasunod ng mga alegasyon ng panggagahasa

Sandra Samala-Salem

October 4, 2026 at 10:00:28 AM

Larawan nina  New York Governor Kathy Hochul at New York Attorney General Letitia James

Dumalo sina New York Governor Kathy Hochul at New York Attorney General Letitia James sa isang press conference kaugnay ng imbestigasyon sa diumano'y panggagahasa sa Cornell University, sa Lungsod ng New York, US, noong Oktubre 2, 2026.

REUTERS/Jeenah Moon

Sinabi ng pangulo ng Cornell University nitong Sabado na magsasagawa ang unibersidad ng masusing pagsusuri sa papel ng mga fraternity at sorority sa campus. Kasunod ito ng matinding batikos sa paraan ng paghawak ng institusyon sa alegasyon ng isang estudyante na siya ay ginahasa.


Nagmula ang galit ng publiko at ang muling pagsusuri sa kultura ng Cornell sa isang kasong sibil na isinampa ng biktima noong nakaraang buwan. Batay sa kaniyang reklamo, pinalagyan ng droga at ginahasa siya noong 2024 ng ilang miyembro ng Chi Phi fraternity.


Sa isang mensaheng nakavideo, sinabi ni Cornell University President Michael Kotlikoff na magpapatupad ang paaralan ng mga hakbang upang maiwasang maulit ang naturang insidente. Kabilang dito ang "masusing pagsusuri sa papel ng mga fraternity at sorority sa buhay ng campus (a serious look at the role of fraternities and sororities in campus life).”


"Sa pinakamainam na kalagayan, maaaring magbigay ang mga organisasyong ito sa mga estudyante ng pagkakaibigan, pakiramdam ng pagiging kabilang, paggabay, at matibay na ugnayan sa komunidad (At their best, these organizations can provide students with friendship, belonging, mentorship and a powerful sense of community)," aniya. "Ngunit ang pagiging bahagi ng isang grupo ay hindi kailanman dapat magbawas sa pananagutan ng bawat indibidwal (But being part of a group can never diminish individual responsibility).”


Sinabi niyang hihingi ang unibersidad ng pananaw mula sa mga estudyante, alumni at iba pa kung paano "mapananatili ang mahahalagang bahagi ng Greek life habang pinatitibay ang pananagutan ng bawat indibidwal, transparency, at isang kultura kung saan nauunawaan ng bawat miyembro ang kanilang responsibilidad na pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng iba (preserve what is valuable about Greek life while strengthening individual accountability, transparency and a culture in which every member understands their responsibility to protect the safety and well-being of others).


Sa kasong isinampa laban sa Cornell, pitong miyembro ng fraternity at iba pa, sinasabing nabigo ang paaralan na sapat na parusahan ang ilan sa mga estudyanteng inakusahan.

Itinanggi naman ng mga akusado ang lahat ng alegasyon, ayon sa ulat ng The New York Times.


Ipinagtanggol ng Cornell ang naging aksyon ng pamunuan at sinabing nagsagawa ito ng komprehensibong imbestigasyon. Dagdag pa ng unibersidad, pinagbawalan na rin nilang makapag-operate sa campus ang Chi Phi fraternity at nagpataw ng mga parusang disiplinaryo, kabilang ang pagpapatalsik sa ilang estudyante.


Ngunit "kailangan nating pagbutihin ang ating ginawa (we must do better)," ani Kotlikoff. "Wala sa atin ang lahat ng sagot, pero nakatuon kami sa pagsisiyasat at paghahanap ng mga sagot na nararapat malaman ng aming komunidad (We don’t have all the answers, but we are committed to investigating and finding the answers our community deserves),”


Nangako siyang "magiging mas transparent" ang mga opisyal ng unibersidad tungkol sa kanilang mga hakbang kaugnay ng insidente noong 2024, ngunit hindi niya idinetalye ang mga partikular na hakbangin na ipatutupad ng unibersidad.


"Sa mga darating na linggo, maglalaan kami ng karagdagang pagkakataon para makapagtanong ang mga miyembro ng aming komunidad at direktang marinig ang mga sagot mula sa pamunuan ng unibersidad (In the coming weeks, we will create additional opportunities for members of our community to ask questions and hear directly from university leadership)," aniya. 


Dahil sa kaso, muling nasuri ang paraan ng pagtrato ng law enforcement at ng mga unibersidad sa mga reklamo ng sexual assault, habang itinatanong ng mga estudyante kung sapat ba ang mga umiiral na proseso upang matiyak ang kanilang kaligtasan.


Nakuha rin ng usapin ang atensyon ng mga opisyal ng estado ng New York, na nagtalaga na ng isang special prosecutor upang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.


bottom of page