top of page

Climate summit, hinimok ang mga bansa na paigtingin ang pagkilos laban sa global warming

Sandra Samala-Salem

October 7, 2026 at 11:27:02 AM

Larawan ni Karoly Kovacs

Naglalakad ang magsasakang si Karoly Kovacs sa kanyang maisan na tinamaan ng tagtuyot sa Hajduszoboszlo, Hungary, Agosto 26, 2026, habang pinalala ng record heatwave at tagtuyot ang mga panganib dulot ng climate change sa mga magsasaka.

Bernadett Szabo/Reuters

NADI, Fiji/SYDNEY - Kailangang agarang paigtingin ng mga bansa ang kanilang mga pangako upang mapanatili sa 1.5 degrees Celsius (2.7 degrees Fahrenheit) ang pagtaas ng temperatura at mabawasan ang epekto ng matitinding lagay ng panahon, ayon sa pahayag mula sa isang pagpupulong bahagi ng paghahanda para sa COP31 summit ng United Nations.


Sinabi ng ministerial meeting na ginaganap sa Fiji at Tuvalu nitong Martes na “kailangan ang malalim, mabilis, at tuloy-tuloy na pagbawas sa emisyon upang mabawasan ang lawak at tagal ng paglampas (deep, rapid and sustained emissions reductions are required to minimise the magnitude and duration of overshoot)” sa itinakdang target.


“Habang papalapit sa 1.5 degrees Celsius ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura at nararanasan natin ang matinding kondisyon ng El Niño, muli naming binibigyang-diin na bawat maliit na pagtaas ng temperatura ay nagpapabilis sa mga epekto ng climate change at nagpapataas ng panganib ng hindi na maibabalik na pagkawala at pinsala sa mga komunidad na higit na apektado ng climate change (As global temperature increases approach 1.5C and we face strong El Nino conditions, we reiterate that every fraction of a degree of warming accelerates the impacts of climate change and increases the risk of irreversible loss and damage for climate vulnerable communities),” ayon sa pahayag.


Ang ilang bansa sa Pacific ay nakaharap sa banta ng pagtaas ng lebel ng dagat dulot ng climate change. Ayon sa mga mananaliksik ng NASA, tumaas ng humigit-kumulang 15 sentimetro (6 na pulgada) ang lebel ng dagat sa Tuvalu sa loob ng tatlong dekada hanggang 2023, doble ng bilis kumpara sa pandaigdigang pamantayan.


Sa ilalim ng 2015 Paris Agreement, nangako ang mga pamahalaan na lilimitahan sa 1.5 degrees ang pag-init ng mundo kumpara sa antas noong 1850-1900 bago ang industriyalisasyon. Nagbabala naman noong nakaraang buwan ang ahensiyang pangkapaligiran ng UN na malalampasan ng mundo ang threshold na ito “sa loob ng ilang taon (within a few years).”


Muling pinagtibay sa pre-COP31 conference ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng soberanya at karapatan ng mga estado na panatilihin ang kanilang mga maritime zone alinsunod sa batas pandaigdig, kahit nagbabanta ang pagtaas ng lebel ng dagat dulot ng climate change na baguhin ang mga baybayin sa Pasipiko.


Ang mga pre-COP event, na mga pagpupulong bilang paghahanda para sa nalalapit na COP31 climate forum ng United Nations sa Türkiye sa Nobyembre, ay karaniwang mga teknikal na pagpupulong ng mga kinatawan sa usaping pangklima.


Nagtutulungan ang Australia at mga kasama nito sa Pasipiko sa pamamagitan ng COP31 Pacific Partnership upang matiyak na nasa sentro ng pandaigdigang pagkilos para sa klima ang mga boses at solusyon mula sa Pasipiko, habang nagsisikap ding palakasin ang ugnayan sa rehiyon bago ang pangunahing summit.


bottom of page