China, pinangalanan ang mga bansang pinagmulan ng 261 dayuhang nawawala sa pagbaha sa Himalayas
Sari Story
September 2, 2026 at 8:20:26 AM
BEIJING/TRISHULI, Nepal — Iniulat ng China nitong Linggo na nasa 261 dayuhan mula sa 23 bansa ang nawawala matapos ang malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa bahagi ng Himalayas, malapit sa border crossing ng Tibet at Nepal.
Sa isang press conference, sinabi ng mga opisyal ng Tibet Autonomous Region ng China na pinakamarami sa mga nawawalang dayuhan ay mula sa Nepal na nasa 104.
Kabilang din sa mga nawawala ang 49 Indian, 33 Latvian, 18 American at 15 British citizens.
Sa ngayon, naipaalam na ng mga awtoridad ng Beijing ang insidente sa mga foreign mission ng mga bansang apektado.
Ito ang unang beses na naglabas ang China ng nationality breakdown ng mga nawawalang dayuhan mula sa kanilang panig, matapos ang pagbagsak ng glacier noong Miyerkules na nagpakawala ng rumaragasang tubig, yelo, bato, putik at debris sa mga ilog sa Himalayas.
Ayon sa mga awtoridad, 16 na katao na ang nasawi sa Gyirong County, base sa datos hanggang nitong Sabado ng gabi, habang 546 naman ang nawawala.
Sa Nepal, iniulat ng disaster authority na hindi bababa sa 675 katao ang nasawi sa kanilang panig ng border, 2,498 ang nawawala, at 7,514 ang nailigtas.
Samantala, sinabi ng lokal na pulisya na inilikas na sa mas matataas na lugar ang ilang residente at rescue workers matapos tumaas ang tubig sa kalapit na Trishuli River nitong mga nakaraang oras.
Nagbabala ito sa posibilidad ng panibagong pagbaha habang nagpapatuloy ang search and rescue operations.
CHINA, INIUUGNAY ANG KALAMIDAD SA GLOBAL WARMING
Iniugnay naman ng China ang sakuna sa climate change.
Ayon sa Chinese state broadcaster na CCTV, ang insidente ay hatid ng glacier instability dahil sa pangmatagalang epekto ng global warming. Itinuturing din ito bilang isang bago at prominenteng feature ng tinatawag na “cryosphere disasters” sa Tibetan Plateau.
Batay sa pagsusuri ng Chinese scientists, nasa anim hanggang pitong minute lamang ang itinagal bago makarating sa Gyirong border crossing ang rumagasang putik mula sa panig ng Nepal.
Sa surveillance footage mula sa border crossing, makikita ang rumaragasang tubig at debris na lumamon sa mga gusali, habang sinusubukan pa sanang tumakas ng mga tao.
Sa isang telephone call nitong Sabado, sinabi ni Chinese Foreign Minister Wang Yi sa kaniyang Nepalese counterpart na si Shisir Khanal na ang naganap na mudslide ang pinakamatinding cross-border disaster na naranasan nila sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay Wang, walang kapantay ang hirap at pagiging komplikado ng rescue operations.
Samantala, nagpadala na ang China ng mahigit 2,100 emergency rescue workers sa lugar at naglaan na ang bansa ng hindi bababa sa 220 milyong yuan o katumbas ng 32.7 milyong dolyar para sa relief efforts.
Nagbibigay rin ang China ng emergency cash assistance, disaster relief supplies, satellite at hydrological data, at tunnel rescue experts sa Nepal.
Patuloy namang nagtutulungan ang dalawang bansa para tukuyin ang mga nawawalang mamamayan at dayuhan, at kanilang pinalalakas ang kooperasyon sa disaster prevention and mitigation at pagtugon sa climate change.
Sa pagtataya ng Red Cross, mahigit 90,000 katao ang posibleng naapektuhan ng kalamidad.
###

