China, mas marami nang sinusuportahang senior citizens kaysa mga bata
Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 29, 2026 at 2:02:17 AM
Mas marami na ang mga taong edad 65 pataas kaysa mga bata sa China na kailangang suportahan ng pamahalaan. Ipinakikita nito ang epekto ng mabilis na pagtanda ng populasyon ng bansa at patuloy na pagbaba ng bilang ng mga ipinanganganak.
Batay sa datos ng National Bureau of Statistics ng China na iniulat ng Yicai, isang media outlet na may kaugnayan sa pamahalaan, umabot sa 23.1 porsiyento noong 2025 ang old-age dependency ratio o proporsiyon ng mga senior citizen na umaasa sa populasyong nasa edad ng pagtatrabaho. Mas mataas ito kaysa sa 22 porsiyentong child dependency ratio o proporsiyon ng mga batang umaasa sa nasabing populasyon.
Patuloy na tumaas ang nasabing ratio sa paglipas ng mga taon, mula 15 porsiyento noong 2016 hanggang mahigit 20 porsiyento noong 2021.
Ipinakita rin ng datos na mahigit 223 milyon na ang mga taong edad 65 pataas sa China, kumpara sa humigit-kumulang 213 milyong batang edad 14 pababa.
Bumaba ang populasyon ng China sa ikaapat na sunod na taon noong 2025, kasabay ng pagbaba ng birth rate o bilang ng mga ipinanganganak sa pinakamababang antas na naitala.
Ilang dekada nang bumababa ang birth rate ng bansa. Kabilang sa mga dahilan nito ang one-child policy na ipinatupad mula 1980 hanggang 2015, gayundin ang mabilis na urbanisasyon.
Naglunsad ang mga awtoridad ng iba't ibang hakbang upang mahikayat ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak. Kabilang dito ang subsidiya para sa mga pamilya, suporta sa pangangalaga ng mga bata, at pagpapababa ng mga gastusing medikal na may kaugnayan sa panganganak.
Nangako rin ang pamahalaan na gawing mas angkop at suportado ang pamumuhay sa mga lungsod para sa mga kabataan, bata at pamilya.

