Catherine Breed, kauna-unahang taong nakalangoy sa buong baybayin ng California
Steve Gorman / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 23, 2026 at 6:21:14 AM
LOS ANGELES — Naitala ngayong linggo ni Ultra-endurance athlete Catherine Breed ang rekord bilang kauna-unahang taong nakalangoy sa buong 900 milyang (1,448 kilometro) baybayin ng California. Natapos niya ang paglalakbay mula Oregon hanggang Mexico sa loob ng wala pang apat na buwan.
Ayon sa mga organizer ng Swim California expedition, hinarap ng 33-anyos na si Breed, tubong San Francisco Bay Area, ang malalakas at mapanganib na agos ng tubig, mga bagyo, pating at maruming tubig na may halong dumi ng tao habang patuloy siyang lumalangoy gamit ang crawl stroke nang hanggang limang oras bawat araw sa loob ng 111 araw.
Sa buong paglalakbay, sinamahan siya ng isang de-motor na maliit na bangka at ng 52-talampakang sailboat ng kanyang grupo na pinangalanang Catalyst. Sakay ng mga ito ang mga tagamasid na nagbantay sa kanya, nagtala ng kanyang lokasyon at nagdokumento sa kanyang pag-usad.
Lumalangoy si Breed nang tatlo hanggang limang milya mula sa baybayin at nakapagtala ng average na 10.3 milya bawat araw. Nagpahinga siya nang 18 araw alinsunod sa mga nakatakdang pahinga at mga pagkaantala dulot ng masamang lagay ng panahon, ayon kay William Rinehart, tagapagsalita ng grupo, sa panayam sa Reuters noong Miyerkules.
Nagsimula si Breed sa karagatang Pasipiko, malapit sa hangganan ng California at Oregon, noong Hulyo 1. Narating niya ang finish line sa hangganang pandagat ng Estados Unidos at Mexico noong Lunes.
Sa tuwing may makikitang pating sa paligid, ilang beses siyang mabilis na pinababalik sa bangka ng kanyang support crew. Gayunman, isa sa pinakamalaking pisikal na hamon na kanyang hinarap ang malalakas na agos ng karagatan na dumadaloy pahilaga sa hilagang bahagi ng California, na direktang sumasalungat sa kanyang direksiyong paglangoy. Lalo pang lumakas ang mga agos dahil sa umiiral na matinding kondisyon ng El Niño sa silangang bahagi ng Pasipiko.
Ayon kay Rinehart, halos hindi na umuusad si Breed dahil sa lakas ng agos. Dahil dito, nagpasya siyang baligtarin ang direksiyon at muling lumangoy pahilaga sa ilang bahagi ng ruta upang makabawi sa mga segment na patimog na halos hindi na madaanan.
Upang mapanatili ang lakas ng katawan, kumonsumo si Breed ng mahigit 6,000 calories bawat araw—mas mataas kaysa sa karaniwang kinakailangan upang mapanatiling malusog at malakas ang katawan sa normal na kondisyon. Nang malapit na siyang matapos sa kanyang paglalakbay, uminom siya ng mga antibiotic bilang pag-iingat laban sa mga impeksiyon na maaaring makuha mula sa hilaw na dumi ng tao na kilalang nagpaparumi sa tubig malapit sa hangganan ng California at Mexico.
Sa kabila ng mga panganib at hamong ito, nanatiling malusog si Breed at naiwasan ang mga tusok ng dikya at iba pang pinsala, kwento ni Rinehart.
Matagal nang kinahihiligan ni Breed ang karagatan. Sinabi niyang isinagawa niya ang ekspedisyon upang makapagtala ng rekord at mapataas ang kamalayan ng publiko tungkol sa marupok na ekosistema ng karagatan at sa kahalagahan ng pangangalaga sa yamang-dagat.
Nakapagtala na rin siya ng ilang pambihirang tagumpay sa long-distance swimming, kabilang ang siyam na rekord sa open-water swimming. Hawak din niya ang rekord sa pinakamabilis na paglangoy sa Lake Tahoe, na matatagpuan sa hangganan ng California at Nevada.
Sa isang YouTube video message at kinunan sa simula ng kanyang ekspedisyon, sinabi ni Breed:
“Gusto kong ikuwento kung paano binago ng karagatan ang aking buhay, at nais kong hikayatin ang mga tao na pangalagaan ang baybayin na ito (I want to tell the story of how the ocean has changed my life, and I want people to protect this coastline).”

