top of page

Bulkang Taal, nagtala ng mahinang phreatomagmatic eruption

PNA/Cristina Arayata; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network

October 21, 2026 at 4:08:37 PM

Larawan ng Bulkang Taal

Larawang kuha mula sa opisyal na Facebook page ng Phivolcs.

Phivolcs

Naitala ang isang dalawang minutong mahinang phreatomagmatic eruption sa pangunahing bunganga ng Bulkang Taal nitong Miyerkules, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).


Umabot sa 250 metro sa ibabaw ng bunganga ang ibinugang abo at singaw mula sa aktibidad ng bulkan. Nananatili sa Alert Level 1 ang bulkan, na nangangahulugan ng mababang antas ng pag-aalboroto.


Naitala rin ng Phivolcs ang isang minutong mahinang phreatic eruption sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.


Nangyayari ang phreatomagmatic eruption kapag nagkakaroon ng interaksiyon ang magma at tubig.


Samantala, nakapagtala rin ng hindi bababa sa dalawang pagyanig na may kaugnayan sa aktibidad ng bulkan sa nakalipas na 24 oras. Isa sa mga ito ay naganap alas-12:33 ng madaling-araw noong Oktubre 20.


Naitala naman noong Martes ang average na 1,002 tonelada ng ibinubugang sulfur dioxide.


Nauna nang sinabi ng Phivolcs na normal na aktibidad ng Bulkang Taal ang maliliit na pagsabog na nagaganap nang ilang beses sa isang araw, at naitala na ang mga ito mula pa noong 2021.


bottom of page