top of page

Barbero sa Australia, itinanghal na bayani matapos iligtas ang nabanggang mambabatas

Christine Chen / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 21, 2026 at 5:38:26 AM

Larawan ni Ricky Jefferies

Pagsasalaysay ng Australyanong barbero na si Ricky Jefferies sa Wangaratta, Australia noong Oktubre 20, 2026, kasunod ng paglabas niya mula sa kanyang tindahan upang pigilan ang isang lalaki na pinaghihinalaang sadyang bumangga gamit ang sasakyan sa mambabatas ng Australia na si Helen Haines. Kuha ang larawang ito mula sa isang video.

Seven Network / Handout sa pamamagitan ng Reuters

SYDNEY — Itinanghal na bayani ang isang barbero sa Australia na si Ricky Jefferies matapos niyang lumabas sa kanyang tindahan upang pigilan ang isang lalaki na pinaghihinalaang sadyang bumangga gamit ang sasakyan sa mambabatas na si Helen Haines sa maliit na bayan ng Wangaratta. Nagdulot ang insidente ng pagkabigla sa buong bansa.


Katatapos lamang ni Jefferies na gupitan ang isang pamilyang may maliliit na anak nitong Lunes nang makarinig siya ng “malakas na kalabog” sa labas ng kanyang tindahan. Napagtanto niyang nabangga ng nagmamaneho ng Toyota LandCruiser si Haines, na nagtamo ng malubhang mga sugat.


“Nakakagulat ang nangyari. Agad akong lumabas para tingnan kung ano ang nagaganap (It was crazy, I just ran out the front to see what was happening),” saad ni Jefferies sa mga mamamahayag nitong Martes.


Aniya, agad siyang tumakbo upang tulungan ang iginagalang na lokal na mambabatas. Kinuha niya ang isang kutsilyo mula sa bulsa ng lalaking itinuturong suspek at inilabas ito mula sa sasakyan.


“May kutsilyo siya. Hindi naman niya ito inilabas. Hindi lang ako komportable sa mga kilos niya, kaya kinuha ko na lang ito mula sa kanyang bulsa at itinapon (He did have a knife. He didn't pull it out. I just wasn't comfortable with his movements, and so I basically just took it out of his pocket and threw it away),” kwento niya.


Ayon kay Jefferies, hinawakan niya ang suspek hanggang sa dumating ang mga pulis.


“Yumuko ako sa ibabaw niya at nang nakahiga na siya sa lupa at hindi na nagbabanta, nanatili lang ako sa tabi niya at sinabi kong hindi siya maaaring umalis (I just leant over him and once he was on the ground and he was no longer a threat, I just stood with him and I told him that he can't leave),” giit niya.


Isinugod sa ospital sa pamamagitan ng helicopter si Haines, 65, kung saan sumailalim siya sa magdamag na operasyo. Nananatili siya sa kritikal na kondisyon.


Batay sa paunang imbestigasyon, nagsagawa umano ng U-turn ang drayber, na kinilalang isang 43-anyos na lalaki, bago nabangga si Haines habang nagkakarga o nagbababa ito ng mga gamit mula sa likuran ng kanyang sasakyan, ayon kay Australian Prime Minister Anthony Albanese. Kabilang ang Counterterrorism authorities sa ilang ahensiyang nagsasagawa ng imbestigasyon.


Bagama't wala pang inilalabas na motibo ang mga pulis sa hinihinalang pag-atake, nagdulot ng pangamba ang paglahok sa imbestigasyon ng counterterrorism investigators na hinihinalang may kaugnayan sa karahasang pampolitika, na bihira sa Australia.


Ang tindahan ni Jefferies ay katabi ng tanggapan ni Haines sa kanyang distrito, na nasa humigit-kumulang tatlong oras na biyahe sa hilagang-silangan ng Melbourne. Inilarawan niya ang dating komadrona bilang isang “tunay at mabait na tao.”


Pinuri naman ni Albanese ang mabilis na pagkilos ni Jefferies at tinawag siyang bayani.


“Sa madilim at kakila-kilabot na panahong ito, nagbigay-liwanag ang ginawa ng isang mabuting Samaritano—ang taong nagmadaling tumulong at nagtanggol kay Helen sa Wangaratta, kahit posibleng malagay sa panganib ang kanyang sarili. Bayani ang taong iyon sa araw na ito (At this dark and terrible time, an element of light is the fact that a Good Samaritan, someone rushed to Helen's defence in Wangaratta, put themselves potentially at risk by doing so. And that person is a hero today),” sabi ni Albanese sa panayam sa programang “Today” ng Nine Network.


Gayunman, hindi masyadong alintana ni Jefferies ang papuring natanggap niya.


“Sa palagay ko, hindi ako bayani. Sa tingin ko, isa lang akong taong nagkaroon ng pagkakataong makialam sa isang paraang medyo ligtas naman (I don't think I'm a hero. I think that I just was a person who had an opportunity to intervene in a safe-ish sort of way),” saad niya.


bottom of page