Babaeng nakaligtas sa execution sa Tennessee, binibigyan na ng ‘life-saving medical care’
Sari Story
October 2, 2026 at 6:11:02 AM
Ibinahagi ng saksing si John North sa WBIR ang planong execution kay Christa Pike sa Riverbend Maximum Security Institution sa Nashville noong Setyembre 30, 2026. Hindi pa idineklarang patay si Pike nang hilingin sa mga saksi na lumabas sa silid kung saan nila nasaksihan ang tangkang execution.
Denny Simmons / The Tennessean / USA TODAY NETWORK sa pamamagitan ng Imagn Images
Nasa kritikal na kondisyon at binibigyan na ng “life-saving medical care” sa isang ospital sa Nashville si Christa Pike nitong Huwebes, ilang oras matapos siyang makaligtas sa dalawang pagtatangkang pagbitay sa pamamagitan ng lethal injection ng estado ng Tennessee, ayon sa kanyang mga abogado. Muling nagbigay-pansin ang insidente sa usapin ng death penalty o parusang kamatayan sa Estados Unidos.
Si Pike, 50, ay nahatulan ng kamatayan noong dekada 1990 matapos mapatunayang nagkasala sa isang pagpatay na ginawa niya noong siya ay teenager pa. Ang palpak na execution sa kanya noong Miyerkules sa Riverbend Maximum Security Institution, na ikalawang execution na isinagawa sa Tennessee ngayong taon, ay nagpapakita ng mga hamon na kinakaharap ng ilang estado sa US sa pagsasagawa ng lethal injection at paghahanap ng alternatibong paraan ng pagpapatupad ng parusang kamatayan.
“Buhay pa si Christa ngayon (Christa is alive right now),” sabi ni Randall Spivey, isa sa mga abogado ni Pike na naging saksi sa pagtatangka ng execution.
“Wala pa kaming malinaw na impormasyon tungkol sa kanyang prognosis o sa kanyang kasalukuyang kalagayan, pero alam naming buhay pa siya ngayon (We don't have a sense of her prognosis or much update on her health at the moment, but we do know that she is alive right now),” dagdag niya.
Muling nanawagan ang mga abogado ni Pike na gawing habambuhay na pagkakakulong ang kanyang sentensiya matapos umano siyang dumanas ng tinawag nilang “chemical torture.” Sinuspinde naman ng Tennessee ang lahat ng execution sa natitirang bahagi ng taon habang iniimbestigahan ang insidente.
MGA NABIGONG EXECUTION
Bagama't hindi na bago ang mga palpak na lethal injection, karaniwang problema ang nararanasan sa unang hakbang—ang pagkakabit ng intravenous line sa katawan ng bilanggo.
Hindi pangkaraniwan ang kaso ni Pike dahil lumilitaw na matagumpay na naipasok ng mga opisyal ng bilangguan ang mga gamot gamit ang dalawang syringe. Dahil dito, “naging kulay ube” umano ang kanyang kanang braso at nagkaroon ng mga paltos ang kanyang balat sa mga lugar kung saan itinurok ang gamot, sabi ni Spivey.
Ayon sa Death Penalty Information Center, isang non-profit organization na nakabase sa Washington, maaaring si Pike ang unang taong nakilalang nakaligtas matapos mapasok sa kanyang katawan ang mga gamot para sa execution.
“Ang nabigong pagtatangkang ito ang pinakamasamang nakita namin at hindi ito katulad ng alinmang palpak na execution sa makabagong panahon (This failed attempt is the worst we've ever seen and unlike any other botched execution in the modern era),” sinabi sa isang pahayag ni Robin Maher, direktor ng grupo.
Matapos ang ikalawang pagtuturok, sinabi umano ni Pike na masakit ang kanyang braso at pakiramdam niya ay parang sasabog ito. Ayon sa kanyang mga abogado, maaaring pumasok ang mga gamot sa tissue ng kanyang braso sa halip na direktang mapunta sa kanyang bloodstream.
Si Pike, na sana ay magiging unang babaeng bibitayin ng Tennessee sa loob ng mahigit dalawang siglo, ay may kondisyon sa dugo at pinangangambahang magkakaroon ng problema sa lethal injection, ayon sa kanyang mga abogado.
Hindi nagtagumpay ang kanyang mga abogado sa kanilang petisyon na gumamit ang estado ng alternatibong paraan, gaya ng pagbibigti o firing squad.
Noong Lunes, hindi pinagbigyan ni Tennessee Governor Bill Lee ang hiling ni Pike na gawing habambuhay na pagkakakulong ang kanyang sentensiya. Kasunod nito, iniutos ni Lee ang pagsuspinde sa lahat ng nakatakdang execution sa Tennessee hanggang sa katapusan ng taon at ang isang independent review sa nabigong pagtatangka noong Miyerkules.
“Walang sinuman ang nagnanais na mangyari ang nangyari kagabi (There is no one that wanted what happened last night to happen),” sinabi ni Lee, isang Republican, sa mga mamamahayag.
“Isa itong trahedya, at labis akong nababahala na nangyari ito sa estadong ito. Karapat-dapat ang mga tao sa mas maayos na sistema at sisiguraduhin naming mangyayari iyon (It's a tragedy, and it's deeply disturbing to me that that has happened in this state. The people deserve better and we're going to make sure that happens),” dagdag niya.
‘MABAIT’ SA MGA NAGSAGAWA NG EXECUTION
Nagbahagi rin ang mga abogado ni Pike ng mga bagong detalye tungkol sa mga nangyari sa execution chamber. Ayon sa kanila, tila pinagbigyan ang kahilingan ni Pike na puro babae ang bumuo sa execution team.
Sa loob ng humigit-kumulang isang oras na ginugol sa pagtatangkang maglagay ng intravenous lines, nagbigay umano si Pike ng mga suhestiyon sa mga executioner kung paano maaaring ipasok ang karayom upang mas madaling mahanap ang kanyang mga ugat, ayon kay Spivey.
“Mabait at nakikipagtulungan si Ms. Pike at panatag siya sa buong panahon. Handa na siya (Miss Pike was kind and she was cooperative and she was at peace the whole time. She was ready),” sinabi ni Spivey.
Kahit matapos maiturok ang unang dose ng gamot, patuloy umanong nakipag-usap si Pike sa kanyang spiritual adviser at sa mga executioner, at hiniling sa kanila ang mapagmahal na kabutihan, ayon kay Spivey.
Dahil ipinagbabawal ng batas sa Europe sa mga pharmaceutical company na magbenta ng mga gamot para gamitin sa execution, karaniwang umaasa ang mga bilangguan sa US sa maliliit at hindi gaanong mahigpit na kinokontrol na compounding pharmacies para sa kanilang supply ng mga gamot. Kadalasan ding lihim ang proseso ng pagkuha ng mga ito.
Noong 2024, lumipat ang Tennessee sa isang one-drug lethal injection protocol gamit ang pentobarbital, isang makapangyarihang barbiturate. Hindi malinaw kung saan nakuha ng estado ang mga gamot na ginamit sa nabigong execution noong Miyerkules. Ayon sa mga abogado ni Pike, hindi rin ibinahagi sa kanila ang impormasyong ito.
Dalawampu't tatlong estado sa US at karamihan ng mga bansa sa mundo ang nagtanggal na ng death penalty. Sinabi naman ni United Nations High Commissioner for Human Rights Volker Turk na ipinapakita ng kaso ni Pike na dapat ding sundan ito ng iba pang bahagi ng Estados Unidos.
“Ang matagal na pisikal at mental na pagdurusa na dulot ng paulit-ulit na nabigong pagtatangka ng execution ay kasuklam-suklam at malupit (The prolonged suffering – physical and mental – arising from multiple failed execution attempts is abhorrent, and cruel),” sinabi ni Turk sa isang pahayag.
18 anyos si Pike noong Enero 1995 nang akitin niya, kasama ang kanyang 17-anyos na nobyong si Tadaryl Shipp at isa pang kasama, si Colleen Slemmer, 19, na isang kaklase nila sa Knoxville Job Corps vocational center, patungo sa isang masukal na lugar. Doon umano nila pinahirapan at pinatay si Slemmer. Umani ng atensyon ang kaso matapos umamin sina Pike at Shipp sa pagpatay. Pareho silang napatunayang nagkasala sa first-degree murder.

