Australian lawmaker Helen Haines, naputulan ng dalawang binti matapos sagasaan ng sasakyan
Renju Jose / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 22, 2026 at 4:08:45 AM
SYDNEY, Australia — Naputulan ng dalawang binti ang mambabatas na si Helen Haines matapos siyang sagasaan ng isang sasakyan sa labas ng kanyang tanggapan sa distrito noong Lunes, ayon sa kanyang asawa nitong Miyerkules, habang humarap naman sa korte ang suspek sa insidente.
Ayon kay Phil Haines, inamputate ng mga doktor ang kaliwang binti ng mambabatas matapos umano siyang dalawang beses sagasaan ng suspek sa Wangaratta, hilagang-silangan ng Melbourne. Ilang araw ding sinikap ng mga doktor na maisalba ang kanang binti ni Haines, ngunit hindi rin ito nagtagumpay.
“Ang magandang balita sa lahat ng ito ay buhay si Helen at stable ang kanyang kondisyon. Iyan ang pinakamahalaga para sa aming pamilya (The good news in all this is Helen is alive and she's stable. That is the most important thing for our family),” pahayag ni Phil sa isang press conference sa Melbourne.
Nahaharap si Brendan Nugent, 43-anyos na residente ng Tarrawingee, isang bayan sa kanayunan na saklaw ng distrito ni Haines, sa tatlong kaso: mapanganib na pagmamaneho na nagdulot ng malubhang pinsala, sadyang pagdudulot ng malubhang pinsala, at pananakit sa isang opisyal ng pamahalaan.
Nahaharap din si Nugent sa mga karagdagang kaso kaugnay ng pagtatanim at pagmamay-ari ng cannabis, batay sa mga dokumento ng korte.
Pinigilan ng mga taong naroon sa pinangyarihan ang suspek bago siya inaresto ng mga awtoridad.
Si Haines, isang independent lawmaker na nagsusulong ng mga usapin gaya ng climate change at pabahay sa mga rehiyon, ay nananatili sa kritikal na kondisyon.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pambihirang pag-atake sa isang halal na opisyal ng pamahalaan.
SUSPEK, MAY MGA USAPIN SA KALUSUGAN NG ISIP
Sa maikling pagharap ng suspek sa korte nitong Miyerkules, sinabi ng kanyang abogado na mayroon siyang pambihirang kondisyong neurological na tinatawag na idiopathic transverse myelitis. Ginagamot din umano siya dahil sa concussion o pinsala sa utak dulot ng pagkakabunggo, ayon sa Australian Broadcasting Corporation.
Sinabi rin ng abogado sa mahistrado na may ilang usapin sa kalusugan ng isip ang kanyang kliyente at unang pagkakataon nitong makulong.
Walang inihain na aplikasyon para sa piyansa, at itinakda sa Pebrero 4 ang susunod na pagdinig sa kaso.
Kabilang ang mga pulis na nakatalaga sa mga kasong kontra-terorismo sa mga ahensiyang nag-iimbestiga sa insidente. Bagama't naniniwala ang pulisya na sadyang pinuntirya si Haines, itinuturing nila itong hiwalay na insidente.
Ayon kay Australian Federal Police Commissioner Krissy Barrett, wala silang natanggap na impormasyong nagpapahiwatig na may banta kay Haines o na may napipintong pag-atake mula sa suspek.
“Ang masasabi ko, wala kaming partikular na impormasyong magpapahiwatig na may mangyayaring kasindak-sindak na insidente gaya ng naganap noong Lunes ng hapon (What I can say is we didn't have any specific intelligence that would have indicated something as atrocious as happened on Monday afternoon),” ani Barrett.
Sinabi naman ng pulisya ng estado ng Victoria na wala silang nakitang direktang naunang ugnayan sa pagitan ni Haines at ng suspek. Hindi pa rin malinaw ang motibo sa pag-atake.
“Isa sa mga bagay na talagang kailangan naming siyasatin ang motibo niya. Ang dahilan sa likod ng sinasabi naming sadyang pag-atake ay pangunahing bahagi ng aming imbestigasyon (Motivation is one of these things that we absolutely need to explore. His motivation for this, what we allege is a deliberate attack, is very much a centrepiece of the investigation),” ani Victoria Police Chief Mike Bush.
Tumanggi si Bush na magkomento sa kalusugan ng isip ng suspek dahil dinidinig na ang kaso sa korte.
Bago mahalal sa parlamento noong 2019 bilang kinatawan ng rural district ng Indi, nagtrabaho si Haines sa larangan ng nursing, midwifery at akademya. Muli siyang nahalal sa puwesto noong 2022 at 2025.
Bihira ang mararahas na pag-atake sa mga pulitiko sa Australia. Karaniwang nakikitang namimili, nagkakape o dumadalo sa mga aktibidad ng komunidad ang mga pederal na mambabatas, lider ng mga estado at maging ang mga punong ministro nang hindi nangangailangan ng mahigpit na seguridad.
Gayunman, lumalaki nitong mga nakaraang taon ang pangamba sa kaligtasan ng mga pulitiko dahil sa tumitinding pagkakahati sa politika, pang-aabuso sa internet at mga banta laban sa mga halal na opisyal.
Dahil dito, nananawagan ang ilang sektor ng mas mahigpit na proteksiyon para sa mga pulitiko habang pinananatili ang pagiging madaling lapitan ng mga ito, na matagal nang katangian ng politika sa Australia.

