top of page

ASEAN, tatalakayin ang usapin ng transboundary haze mula sa mga sunog sa kagubatan sa Indonesia

Rozanna Latiff at Mikhail Flores / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 14, 2026 at 6:27:15 AM

Larawan ng skyline ng Kuala Lumpur

Nabalot ng makapal na usok mula sa regional wildfires ang skyline ng Kuala Lumpur, Malaysia, noong Oktubre 9, 2026.

Hasnoor Hussain / Reuters

MAYNILA/KUALA LUMPUR — Tatalakayin ng mga foreign minister ng mga bansa sa Southeast Asia sa isang pulong sa susunod na buwan ang pagresolba sa transboundary haze o makapal na usok na kumakalat sa ilang bahagi ng rehiyon, ayon sa kasalukuyang tagapangulo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na Pilipinas nitong Martes.


Dahil sa mga sunog sa kagubatan at mga lupain sa Indonesia na ilang buwan nang nagpapatuloy, nakaranas nitong mga nakaraang linggo ng makapal na usok ang Singapore at Malaysia. Nagsara ang mga paaralan sa ilang estado ng Malaysia noong nakaraang linggo matapos umabot sa hindi ligtas na antas ang polusyon sa hangin.


Ang mga sunog, na pangunahing tumupok sa mga kagubatan sa mga isla ng Sumatra at Borneo, ang pinakamalalang naitala sa Indonesia sa loob ng 11 taon.


“Kasama ito sa agenda (It's in the agenda),” pahayag nitong Martes ni Philippine Foreign Ministry spokesperson Dominic Xavier Imperial, na tumutukoy sa preparatory foreign ministers’ meeting sa Nobyembre bago ang summit ng ASEAN.


Sinabi naman ni Malaysian Foreign Minister Mohamad Hasan nitong Lunes na ilalapit niya sa ASEAN ang usapin ng makapal na usok. Aniya, hindi kabilang ang haze sa mga kasalukuyang mekanismo ng samahan para tugunan ang mga likas na sakuna.


Dati nang nag-alok ang Malaysia ng tulong sa Indonesia upang maapula ang mga sunog.


Ayon kay Mohamad, naging mahirap ang mga operasyon sa pag-apula ng sunog sa maraming lugar dahil sa mahinang visibility o limitadong tanaw, mga problema sa pag-access sa mga lugar na apektado, at kawalan ng angkop na kondisyon para sa cloud seeding o artipisyal na pagpapasimula ng ulan. Binanggit niya ang mga naturang hamon batay sa kanyang mga pakikipag-usap sa kanyang Indonesian counterpart.


bottom of page