Asawa ni dating Malaysian PM Mahathir Mohamad, pumanaw sa edad na 100
Sari Story
September 28, 2026 at 9:05:11 AM
KUALA LUMPUR — Pumanaw nitong Lunes si Siti Hasmah Mohamad Ali, asawa ni Mahathir Mohamad, ang pinakamatagal na nagsilbing Punong Ministro ng Malaysia, ayon sa tanggapan ng beteranong lider.
Si Siti Hasmah ay 100 taong gulang. Pumanaw siya sa National Heart Institute, base sa ulat ng state news agency na Bernama, ayon sa anak ng mag-asawa na si Mokhzani Mahathir. Wala pang ibang detalye tungkol sa kanyang pagkamatay.
Si Mahathir, 101, ay dalawang beses nagsilbing punong ministro ng Malaysia sa kabuuang mahigit dalawang dekada. Madalas siyang kinikilalang naging bahagi ng modernisasyon ng Malaysia. Sa una niyang termino mula 1981 hanggang 2003, pinangunahan niya ang bansa sa panahon ng mabilis na paglago ng industriya, na nag-ambag sa pag-angat ng Malaysia bilang isa sa mga pangunahing ekonomiya sa Southeast Asia.
Bumalik siya sa pinakamataas na posisyon noong 2018 at naging pinakamatandang punong ministro ng bansa, matapos niyang ihinto ang pagreretiro upang talunin ang noo'y lider na si Najib Razak, na nasangkot sa multibillion-dollar na iskandalo sa pananalapi ng 1MDB.
Natapos ang ikalawang termino ni Mahathir makalipas ang wala pang dalawang taon, nang bumagsak ang kanyang koalisyon noong 2020 dahil sa alitang pulitikal.
Nakilala ni Mahathir si Siti Hasmah noong pareho silang nag-aaral ng medisina sa Singapore noong huling bahagi ng dekada 1940. Noong Agosto, ipinagdiwang ng mag-asawa ang kanilang ika-70 anibersaryo ng kasal. May pitong anak ang mag-asawa, kabilang ang negosyanteng si Mokhzani, social activist na si Marina Mahathir, at politikong si Mukhriz Mahathir.
Bukod sa pagiging asawa ng isang lider pulitikal, naging tanyag din si Siti Hasmah dahil sa kanyang simple at mapagkumbabang personalidad at magandang pagpapatawa—mga katangiang naiiba sa prangka at matalas na istilo ng kanyang asawa. Bilang asawa ng isang pulitikal na lider, isinulong niya ang public health, family planning at iba pang mga usaping panlipunan.
Minsan nang inilarawan ni Mahathir si Siti Hasmah bilang sandigan ng kanyang tagumpay. Sinabi rin niyang hinangaan niya ang determinasyon nitong makapagtapos ng unibersidad, na noong panahong iyon ay hindi pangkaraniwan para sa mga babaeng Malay.
“Sa tingin ko, ipinapakita nito ang tibay ng kanyang pagkatao (That, I think, reflects her strength of character)," sabi ni Mahathir sa CNN noong 2018.

