Anim na North Korean, pinauwi matapos masagip sa South Korea
Kyu-seok Shim; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 27, 2026 at 11:50:22 AM
SEOUL — Ibinalik ng South Korea sa North Korea sa pamamagitan ng dagat ang anim na mamamayan nito nitong Biyernes matapos matagpuang palutang-lutang ang kanilang bangka na gamit sa pangingisda sa silangang baybayin ng Korean Peninsula noong unang bahagi ng buwang ito, habang piniling manatili sa South Korea ang ikapito, ayon sa Unification Ministry ng Seoul.
Tumawid ang bangkang pangisda ng North Korea sa maritime border sa silangang baybayin ng Korean Peninsula gamit ang sarili nitong makina dakong alas-8:33 ng umaga (11:33 ng gabi noong Huwebes GMT) at sinalubong ito ng isang barkong North Korean na naghihintay sa hilagang bahagi, ayon sa ministeryo.
Natagpuan ang bangka, na lulan ang pitong katao, na palutang-lutang sa international waters malapit sa Ulleung Island ng South Korea noong Nobyembre 3. Kalaunan, hinila ito ng mga awtoridad ng militar at coast guard ng South Korea.
Nagpasya ang South Korea na ibalik sa North Korea ang anim sa mga sakay matapos tiyakin ang kanilang kagustuhan sa pamamagitan ng magkasanib na imbestigasyon kasama ang United Nations Command, ayon sa ministeryo.
Ipinahayag naman ng ikapitong sakay na nais nitong manatili sa South Korea at pagkakalooban ito ng proteksiyon bilang isang North Korean defector, ayon sa ministeryo.
Sinabi ng ministeryo na mahigpit na nakipag-ugnayan ang pamahalaan sa UN Command hinggil sa pagpapaalam sa North Korea tungkol sa planong pagpapauwi sa anim na mamamayan nito. Nagpadala rin ito ng mga update sa pamamagitan ng isang international maritime communications network. Tuluyan nang pinutol ng Pyongyang ang lahat ng direktang linya ng komunikasyon nito sa South Korea.
Itinuturing ng South Korea na mga mamamayan nito ang mga North Korean at nagbibigay ito ng proteksiyon sa mga tumatakas mula sa North Korea. Ayon sa datos ng Unification Ministry, nasa 31,500 ang rehistradong North Korean na naninirahan sa South Korea hanggang Hunyo.
- Kyu-seok Shim; Editing by Ed Davies/Reuters

