Anim na katao, patay sa pagguho ng gusali sa Delhi; rescue team, patuloy ang paghahanap sa mga survivor
Sari Story
September 8, 2026 at 4:06:35 AM
Nasawi ang hindi bababa sa anim na katao at nasugatan ang ilang iba pa matapos gumuho ang isang gusaling tinitirhan ng mga estudyante sa Delhi, India, ayon sa punong ministro ng lungsod nitong Lunes, habang patuloy na naghahanap ang mga rescue team ng mga posibleng na-trap sa ilalim ng mga debris.
Ayon sa local media, matatagpuan ang gusali sa katimugang bahagi ng lungsod, malapit sa mga kolehiyo at unibersidad. Mayroon itong basement at limang palapag at ginagamit bilang tirahan ng mga estudyante.
“Batid na may tubig sa basement ng gusali, at dahil sa naipong tubig at nagpapatuloy na pagkukumpuni, gumuho ang lumang gusali,” sinabi ni Delhi Chief Minister Rekha Gupta sa mga mamamahayag.
(It is certain that there was water in the building's basement, and due to accumulation of water, due to ongoing repair work, the old building collapsed.)
Ipinakita sa mga kuhang larawan matapos ang pagguho nitong Linggo ang mga bunton ng ladrilyo at mga nabasag na konkretong haligi sa lugar, habang naghahanap ang mga pulis, rescue team at mga residente ng mga posibleng nakaligtas.
Sinabi ni Gupta na nasa maayos na kondisyon ang anim na kataong isinugod sa kalapit na ospital matapos mailigtas nang buhay.
Ayon sa mga ulat ng mga television channel, hinahanap ng mga pulis ang may-ari ng gusali.
Madalas mangyari ang pagguho ng mga gusali sa India, partikular sa mga mataong lugar kung saan laganap ang mga hindi awtorisadong konstruksyon at mahina ang pagpapatupad ng batas.

