Angelina Jolie, tampok na tagapagsalita sa 2026 ASEAN Summit sa Maynila
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 7, 2026 at 3:05:17 PM
Tampok ang award-winning na Amerikanang aktres, direktor, at tagapagtaguyod ng mga makataong adbokasiya na si Angelina Jolie sa gaganaping 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit sa Nobyembre 11, 2026, sa Solaire Resort sa Maynila.
Inorganisa ng Mastercard Center for Inclusive Growth, pagtitipunin sa summit ang mahigit 50 matataas na opisyal ng pamahalaan, lider ng negosyo, at personalidad mula sa larangan ng kultura sa buong Timog-Silangang Asya. Tatalakayin sa ASEAN Inclusive Growth Summit ang katatagan ng ekonomiya, digital empowerment, at napapanatiling pagpapaunlad ng mga komunidad.
Ayon sa isang post sa Facebook page ng ASEAN PH, “Habang papalapit ang pagtatapos ng panunungkulan ng Pilipinas bilang tagapangulo ng ASEAN sa Nobyembre 2026, nakatakda pa ring magdaos ang bansa ng serye ng mahahalagang panrehiyon at pandaigdigang pagtitipon na nakatuon sa negosyo, ekonomiya, inobasyon, at malikhaing industriya (As the Philippines approaches the culmination of its ASEAN Chairship in November 2026, the country is still set to host a series of major regional and international business, economic, innovation, and creative industry events)."
“Kasabay ng mga pangwakas na aktibidad ng Pilipinas bilang tagapangulo ng ASEAN, pagtitipunin sa mga naturang aktibidad ang mga lider ng pamahalaan, ehekutibo ng mga kumpanya, mamumuhunan, negosyante, innovator, at kinatawan ng iba't ibang industriya mula sa mga bansang ASEAN at iba pang bahagi ng mundo (Taking place in parallel with the closing activities of the Philippine ASEAN Chairship, these gatherings will bring together government leaders, business executives, investors, entrepreneurs, innovators, and industry stakeholders from across ASEAN and beyond),"dagdag nito.
Pagtutuon sa mga Makataong Aksyon at Pamana ng Kasaysayan
Pangungunahan ni Jolie, dating Special Envoy ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), ang isang tampok na talakayan kasama ang Cambodian filmmaker na nominado sa Oscar na si Rithy Panh.
Nakatuon ang sesyon na pinamagatang “From Memory to Possibility: Cambodia, Courage and the Power of Staying" sa rehabilitasyon ng mga komunidad, sapilitang paglikas, makasaysayang alaala, at napapanatiling panlipunang pag-unlad sa rehiyon.
Itatampok sa talakayan ang ugnayan ng mga patakarang pang-ekonomiya at karapatang pantao, at bibigyang-diin na dapat bigyang-prayoridad ng mga hakbangin para sa paglago ng rehiyon ang mga bulnerableng sektor at mga hamon na dulot ng sapilitang paglikas sa iba't ibang komunidad.
Paglahok ng Matataas na Lider sa Rehiyon
Kabilang sa mga lalahok sa pagtitipon sa Maynila ang iba't ibang lider mula sa ibang bansa at Pilipinas, kabilang ang:
Pamahalaan at Pagbalangkas ng mga Patakaran: Kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) ng Pilipinas na si Cristina A. Roque at Deputy Secretary-General ng ASEAN Economic Community na si Satvinder Singh.
Mga Personalidad sa Kultura at Adbokasiya: Broadway legend na si Lea Salonga, Miss International 2016 na si Kylie Verzosa, at fashion designer na si Rajo Laurel.
Pandaigdigang Negosyo at Pilosopiya: Pangulo ng Mastercard Center for Inclusive Growth na si Shamina Singh, Tagapangulo ng ASEAN Business Advisory Council na si Joey Concepcion III, at mga lider mula sa Shangri-La Group, TikTok, at CARE USA.
Tatalakayin sa isang araw na summit ang mahahalagang paksa tulad ng digital integration ng maliliit na negosyo, cybersecurity, mga balangkas para sa teknolohiyang ginagamit sa iba't ibang bansa, at napapanatiling turismo na nakabatay sa mga komunidad.

