top of page

Ama ni Meghan Markle na si Thomas, inaresto sa Florida kaugnay sa pang-aabusong seksuwal sa bata

Katharine Jackson/Dan Ziff-Rosenzweig; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 7, 2026 at 8:29:10 AM

Larawan ni Thomas Markle

Si Thomas Markle, ama ni Meghan Markle na asawa ni Prince Harry ng Britain, ay inaresto dahil sa kasong pagmamay-ari ng mga materyal ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata, kabilang ang mga litrato niya kasama ang mga menor de edad na babaeng hubad, na natagpuan sa mga inuupahang storage unit sa California, US, ayon sa mga awtoridad ng law enforcement nitong Biyernes.

REUTERS/Chris Urso

WASHINGTON - Si Thomas Markle, ama ni Meghan Markle na asawa ni Prince Harry ng Britain, ay inaresto dahil sa kaso na pang-aabusong seksuwal sa mga bata, kabilang ang mga litrato niya kasama ang mga menor de edad na babaeng hubad, na natagpuan sa mga inuupahang storage unit sa California, US, ayon sa mga awtoridad ng law enforcement nitong Biyernes.


Sinabi ni FBI Director Kash Patel na inaresto ng mga pederal na ahente si Markle sa Florida.


“Ayon sa mga alegasyon, tinarget ni Ginoong Markle ang mga inosenteng bata at tinangkang agawin ang kanilang kamusmusan sa pamamagitan ng kanyang mga kriminal na gawain (Mr. Markle allegedly targeted innocent children and sought to steal their innocence through his criminal actions),"  ani Patel.


Nahaharap si Markle, 82, sa isang bilang ng kasong “pagmamay-ari ng pornograpiya ng mga bata (possession of child pornography)," ayon sa pahayag ng mga pederal na tagausig sa Central District of California. Inaasahang haharap siya sa korte sa Tampa nitong Biyernes. Hindi pa malinaw kung mayroon siyang abogado.


“Inaakusahan si Ginoong Markle ng pagmamay-ari ng mga materyal ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata, kabilang ang mga litratong nagpapakita sa kanya kasama ang mga menor de edad na babae (Mr. Markle is accused of possessing child sexual abuse material, including photographs depicting himself with minor girls),"  pahayag ni First Assistant United States Attorney Bill Essayli. “Napakaseryoso ng mga alegasyong ito at uusigin namin si Ginoong Markle alinsunod sa buong saklaw ng pederal na batas (These allegations are extremely serious, and we will prosecute Mr. Markle to the fullest extent of federal law)."


Ayon sa Justice Department, itinago ni Markle ang mga naturang materyal sa dalawang inuupahang storage unit sa lugar ng Los Angeles na ginagamit na niya mula pa noong 2008. Hinalughog ng mga ahente ang mga ito noong nakaraang linggo matapos makakuha ng search warrant.


Humigit-kumulang 78 bagay ang nasamsam ng mga ahente, kabilang ang mga slide, negatibo ng 35 mm film at mga aklat na naglalaman ng pornograpiya ng mga bata, ayon sa reklamong kriminal. Nakasaad naman sa sinumpaang salaysay na kalakip ng reklamo na hindi bababa sa dalawang frame sa mga negatibo ng film na nakaimbak sa mga unit ang nagpapakita sa isang lalaking kinilala ng isang saksi bilang si Markle, kasama ang isang “hubad na batang babae na hindi pa sumasapit sa pagbibinata o pagdadalaga (nude pre-pubescent girl)" Nasa mga tindig umano ang dalawa na “layuning pumukaw ng seksuwal na reaksiyon sa tumitingin (designed to elicit a sexual response in the viewer)."


Hindi agad tumugon ang Buckingham Palace at ang tagapagsalita ni Meghan Markle sa kahilingan para sa kanilang pahayag.


Nagsimula naman noong nakaraang buwan ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Pilipinas, kung saan pansamantalang nanirahan noon si Thomas Markle, kaugnay ng mga alegasyong nagmamay-ari siya ng mga larawan ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata. Sinabi rin ng British police noong nakaraang buwan na ipararating nila sa mga awtoridad ng ibang bansa ang mga alegasyon laban sa kanya matapos matuklasang hindi naipasa sa ibang ahensiya ang mga reklamo nang una itong matanggap.


Ayon sa sinumpaang salaysay, sinimulan ng FBI ang imbestigasyon kay Markle noong Oktubre matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang saksi na nagsabing may natuklasan itong mga pinaghihinalaang materyal ng pang-aabuso sa mga bata sa mga gamit ni Markle sa Pilipinas. Nakipag-usap din ang FBI noong nakaraang buwan sa ikalawang saksi, na hindi rin pinangalanan sa salaysay, na nagsabing umupa si Markle ng hindi bababa sa isang storage unit sa California.


Batay sa logo sa mga unan sa kama, ipinakita ng hindi bababa sa isa sa mga larawang sinuri ng FBI na nasa isang hotel o motel sa Pilipinas si Markle nang kuhanan ito gamit ang 35 mm film camera.


Ayon sa Justice Department, maaaring maharap si Markle sa hanggang 20 taong pagkakakulong kung mapatunayang nagkasala.


Itinanggi ni Markle ang mga paratang ng pagmamay-ari ng pornograpiya ng mga bata nang unang lumutang ang mga ito. Sinabi niya sa Daily Mail na hindi totoo ang mga alegasyon at mga “kasuklam-suklam na kasinungalingan (sick lies)."ang mga ito.


Si Meghan Markle, isang Amerikanang nagpakasal sa bunsong anak ni Haring Charles noong 2018, ay nagsabing “labis siyang nababagabag (deeply distressed)" sa mga alegasyon.


— Katharine Jackson at Dan Ziff-Rosenzweig; may karagdagang pag-uulat nina Susan Heavey, Luc Cohen, Sam Tabahriti at Jonathan Allen; pag-eedit nina Rosalba O'Brien at Michelle Nichols/Reuters


bottom of page