top of page

Ama ni Cardinal Luis Antonio Tagle, pumanaw sa edad na 96

Sari Story

September 7, 2026 at 7:10:19 AM

Larawan ni Manuel Tagle Sr.

Cardinal Luis Antonio Tagle nanawagan ng panalangin para sa kaluluwa ng namayapang ama na si Manuel Talge Sr.

Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng PNA

MANILA – Hiniling ni Cardinal Luis Antonio Tagle sa mga mananampalataya ang panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ng kanyang ama na si Manuel Tagle Sr., na pumanaw nitong Linggo sa edad na 96.


Ayon sa artikulong inilathala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nasa Rome si Cardinal Tagle nang pumanaw ang kanyang ama dakong alas-7:09 ng umaga, oras sa Maynila.


“Pinasasalamatan natin ang Diyos para sa kanyang buhay at misyon. Mangyaring ipanalangin ninyo ang kanyang walang hanggang kagalakan kasama ang Diyos. Nawa’y mamahinga nang payapa si Tatay Maning, kasama ni Maria, ng mga Anghel at mga Banal,” pahayag ni Tagle.

(“We thank God for his life and mission. Please pray for his eternal joy with God. May Tatay Maning rest in peace, with Mary, the Angels and Saints,” he said.)


Ayon sa Diocese of Imus, magsisimula ang burol at viewing ngayong Lunes, mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.


Magpapatuloy ito sa Setyembre 8 at 9, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi, sa Casas Hall sa Bishop’s House sa Imus, Cavite.


Samantala, gaganapin ang funeral Mass alas-10 ng umaga sa Setyembre 10 sa Imus Cathedral.


Sa halip na mga bulaklak, hiniling ng pamilya Tagle na maaaring magbigay ng cash donation para sa mga biktima ng matinding flash flood sa Nepal.


Sa Rome, nagsagawa rin noong Linggo ng misa para kay Manuel Sr. ang Pontificio Collegio Filippino, na pinangunahan ng rector nitong si Fr. Gregory Ramon Gaston.

“Ipinapanalangin natin si Tatay Maning na pumanaw sa napakatanda niyang edad. Ipinapanalangin natin ang kanyang walang hanggang kapahingahan, gayundin si Cardinal Tagle at ang kanyang buong pamilya,” ani Gaston sa kanyang homiliya.

(“We pray for Tatay Maning who passed away at a ripe old age. We pray for his eternal repose, and we pray for Cardinal Tagle and his whole family.”)


Pitumpung taon na kasal si Manuel Sr. kay Milagros Gokim, na parehong mula sa Imus, Cavite. Nagtrabaho sila sa isang bangko at nagkaroon ng dalawang anak na lalaki, sina Luis Antonio at Manuel Jr.


Si Tagle, dating arsobispo ng Maynila at kasalukuyang pro-prefect ng Dicastery for Evangelization ng Vatican, ay pinangunahan ang pagdiriwang ng wedding anniversary ng kanyang mga magulang sa Imus Cathedral noong Agosto 26.


Nagpahayag din ang Archdiocese of Manila ng matinding kalungkutan sa pagpanaw ni Manuel Sr. at hinimok ang mga mananampalataya na ipanalangin ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa at ang pagkakaloob ng lakas sa naulilang pamilya.


bottom of page