top of page

Agos ng tubig sa Atlantic Ocean na humina dahil sa climate change, posibleng bumalik sa dating lakas — pag-aaral

Reuters / Agnieszka Olenska and Louise Rasmussen; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

October 15, 2026 at 9:23:42 AM

Larawan ng Lido Beach sa New York

Humahampas ang mga alon sa dalampasigan habang inaasahang tatama ang malakas na bagyo sa baybayin ng hilagang-silangang bahagi ng United States hanggang sa weekend. Kuha ang larawan bago sumikat ang araw sa Atlantic Ocean sa Lido Beach, New York, US, noong Setyembre 25, 2026.

Reuters / Shannon Stapleton

Posibleng bumalik sa dating lakas sa paglipas ng panahon ang sistema ng agos ng tubig sa Atlantic Ocean na humina dahil sa global warming kung lalamig ang klima, ayon sa isang pag-aaral ng Danish Meteorological Institute na inilabas nitong Miyerkules.


Ang Atlantic Meridional Overturning Circulation (AMOC) ay nagdadala ng mainit na tubig mula sa mga tropiko pahilaga patungo sa Arctic, at ang daloy na ito ng mainit na tubig ay nakatutulong upang mapanatiling banayad ang taglamig sa Europe.


Sa pag-aaral na inilathala sa journal na Science Advances, walang nakitang palatandaan ng isang hindi na maibabalik na kritikal na punto (tipping point) para sa AMOC, gaya ng ipinahiwatig sa ilang naunang pag-aaral, bagama't ang mga epekto ng mga pagbabago ay maaaring tumagal nang ilang siglo.


Gayunman, sinabi rin sa pag-aaral na ang Greenland ice sheet — na nakatutulong sa paghina ng AMOC dahil sa pagbuhos nito ng malamig na tubig-tabang sa karagatan — ay hindi na maibabalik sa dating anyo kapag natunaw na, kahit pa mababaligtad ang trend ng pag-init.


Ang naistorbong AMOC ay maaari pa ring magdulot ng kawalan ng katatagan sa mga padron ng pag-ulan sa buong mundo at magpabilis sa pagtaas ng lebel ng dagat sa mga baybayin.


WALANG NAKITANG KRITIKAL NA PUNTONG MAGDUDULOT NG PAGBAGSAK SA MODELONG GINAMIT


Sinabi sa pag-aaral na ang AMOC ay maaaring bumagal sa humigit-kumulang 6 na milyong cubic meter ng tubig kada segundo mula sa humigit-kumulang 17 milyon kapag umabot sa humigit-kumulang 7 degree Celsius ang global warming.


“Sa aming modelo, wala kaming nakitang tipping point na hahantong sa pagbagsak. Unti-unting humihina ang AMOC, ngunit natuklasan din naming agad nitong nababawi ang lakas kapag nabaligtad ang global warming (In our model, we do not see a tipping point leading to a collapse. The AMOC gradually weakens, but we find that it also immediately regains its strength if global warming is reversed),” ayon sa pangunahing may-akda na si Chuncheng Guo.


Gayunman, nagbabala siya na bagama't nagsisimula ang pagbawi sa sandaling bumaba ang temperatura, maaari itong abutin ng ilang siglo bago matapos, habang magpapatuloy pa rin ang mga epekto ng huminang agos.


Ang 7 C na pagtaas na ginamit sa modelong inilapat para sa siyentipikong interes ay higit na mataas kumpara sa kasalukuyang mga pagtataya para sa trend ng pag-init.


Sinabi ng environmental body ng UN noong Setyembre na ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura ay nakatakdang lumampas sa mahalagang threshold na 1.5 C “sa loob ng ilang taon (within a few years).” Nangako ang mga pamahalaan na panatilihin ang pagtaas ng temperatura sa loob ng 1.5 C upang limitahan ang mga epekto ng matitinding lagay ng panahon sa ilalim ng 2015 Paris Agreement.


Ang antas ng pagpapalamig na kakailanganin upang maibalik ang AMOC ay lumalampas din sa itinuturing na makatotohanan gamit ang kasalukuyang teknolohiya, idinagdag ni Guo, habang itinuturo ang limitasyon ng pag-aaral na gumamit lamang ng iisang modelo. Kailangan din ang karagdagang pagsusuri laban sa iba pang mga modelo, ayon sa pag-aaral.


Sinabi ni Willem Huiskamp ng Potsdam Institute for Climate Impact Research, na hindi kabilang sa pag-aaral, na ang mas matatag na AMOC ay isang magandang balita, ngunit sinabing nagdududa siya kung ang agos sa totoong mundo ay kasingtatag ng ipinahihiwatig ng ilang modelo.


Tinataya ng mga mananaliksik ang pangmatagalang pagtaas ng lebel ng dagat na humigit-kumulang 20 cm mula sa pagkatunaw ng Greenland ice sheet kasunod ng 1.5 C na pagtaas, at hinimok ang mas mabilis na pagkilos upang mabawasan ang mga emisyon.


bottom of page