top of page

35-anyos na babae, nasawi habang tumatawid sa ilog kasama ang mga anak sa gitna ng malakas na ulan sa Spain

Graham Keeley and Nina Lopez / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 19, 2026 at 6:54:45 AM

Larawan ng watawat ng Spain

Larawan ng watawat ng Spain mula sa Wix.

Sasha Pleashco / Unsplash sa pamamagitan ng Wix

MADRID — Nasawi ang isang babae matapos tangayin ng agos habang sinusubukang tumawid sa ilog sa gitna ng malakas na ulan sa rehiyon ng Catalonia, hilagang-silangang Spain, ayon sa mga awtoridad nitong Linggo. Dahil dito, umakyat na sa lima ang bilang ng mga nasawi sa matinding pag-ulan at pagbaha sa nakalipas na 15 araw.


Tinangay ng agos ang 35-anyos na babae sa Cabrera de Mar, may 27 kilometro o 17 milya sa hilaga ng Barcelona, habang sinusubukan niyang tumawid sa ilog kasama ang kaniyang mga anak noong Sabado ng gabi, sa kabila ng mga babalang huwag lumapit sa mga daluyan ng tubig.


Sinabi ni Óscar Fernández, alkalde ng Cabrera de Mar, sa mga mamamahayag nitong Linggo na nanood ang babae ng isang basketball match. Pinayuhan ang mga dumalo na huwag munang umalis sa pasilidad ng munisipalidad dahil sa napakalakas na ulan.


Isinara ang ilang kalsada at binawasan ang mga biyahe ng tren habang nagbabala ang mga awtoridad sa Catalonia sa mga residente na iwasan ang mga hindi kinakailangang paglalakbay.

Natagpuan ng mga rescue worker sa dagat ang bangkay ng babae nitong Linggo, ayon sa Civil Protection Service.


Sabi ng mga siyentipiko, mas nagiging madalas ang pagbaha sa Europa habang umiinit ang atmospera at mas maraming halumigmig ang naiipon dahil sa climate change. Partikular na matinding naapektuhan ang Spain.


Nakararanas din ng malakas na pag-ulan ang Valencia at Alicante sa timog-silangang bahagi ng bansa, gayundin ang Almeria sa timog. Nagdulot ang mga pag-ulan ng pagbaha sa mga bahay, pag-anod ng mga sasakyan at pagsasara ng mga kalsada.


“Nagsimulang umulan at mabilis itong lumakas. Napakaraming tubig ang dala ng sapa at mabilis itong tumaas. Ang problema, may mga sasakyan sa gitna ng highway. Tinangay ang mga ito ng agos (It started raining, it was fast. This stream carried a lot of water and it filled up really fast. The problem was that there were cars in the middle of the highway. It washed them away),” ayon kay Beatriz Mendoza, may-ari ng isang komersiyal na greenhouse sa Almeria na nawasak dahil sa ulan. Ibinahagi niya ito sa lokal na himpilan ng telebisyon na Canalsur nitong Linggo.


Noong Agosto, dalawang matandang babae ang nasawi sa baha at pagguho ng lupa na dulot ng malakas na ulan malapit sa Pontevedra, sa kanayunan ng hilagang-kanlurang Spain. Samantala, isinailalim sa yellow alert dahil sa mga bagyo at malakas na ulan ang pitong rehiyon.


Nauna rito ang ilang linggong pagtatala ng napakataas na temperatura na nagdulot ng sunod-sunod na mapaminsalang wildfire o sunog sa kagubatan.


bottom of page