28 nasawi sa pagguho ng bubong ng paaralan sa Pakistan; bilang ng biktima, posibleng tumaas
Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network
October 15, 2026 at 12:10:39 PM
Hindi bababa sa 27 estudyante, karamihan ay wala pang 13 taong gulang, at isang guro ang nasawi matapos gumuho ang bubong ng isang paaralan habang may klase sa Peshawar, hilagang-kanlurang Pakistan, nitong Huwebes. Nagbabala ang mga awtoridad na maaari pang madagdagan ang bilang ng mga nasawi.
Sa mga kuha ng telebisyon, makikitang nagmamadaling rumesponde ang mga ambulansya sa pribadong paaralan ng Al-Khair Education Center habang inilalabas ng mga rescuer mula sa mga guho ang mga estudyanteng duguan.
“Hindi bababa sa 45 bata ang nailabas namin (We have taken out at least 45 children),” ayon kay Iftikhar Khan, opisyal ng emergency response sa distrito. Idinagdag niyang may mga ulat na may iba pang batang natabunan ng mga guho.
Patuloy ang pagsisikap ng mga rescue team na mailabas ang mga bangkay at madala sa ospital ang mga sugatan, ayon kay Bilal Faizi, isang opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Mohammad Asim, tagapagsalita ng Lady Reading Hospital sa lungsod, 20 sugatan at karamihan sa mga nasawi ang dinala sa naturang ospital.
Sinabi ng isang opisyal ng rescue team na bumagsak ang kisame sa mga estudyante matapos gumuho ang bubong ng palapag sa itaas, dahilan upang bumagsak ang dalawang palapag ng gusali.
Iniutos ng mga awtoridad ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagguho.
Ayon kay Peshawar police chief Mian Saeed, nangangamba siyang madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil 47 lamang sa 110 estudyanteng nasa tatlong silid-aralan nang mangyari ang insidente ang nailigtas na.
“Mahina ang pagkakagawa sa estruktura ng gusali (It was a weak building structure),” dagdag ni Saeed. “Masyadong mabigat ang bubong para sa mahinang estruktura nito, na naging sanhi ng pagguho (Its roof was overweight with construction on a weak structure that caused the collapse).”
Wala pang inilalabas na pahayag ang mga opisyal ng paaralan kaugnay ng insidente.

