25 katao, inaresto ng Portuguese police kasabay ng pagbuwag sa protesta sa Lisbon
Sergio Goncalves Miguel Pereira; Isinalin ng Sari Story Network
October 26, 2026 at 1:28:28 AM
LISBON — Binuwag ng mga pulis sa Portugal ang isang kampo ng protesta sa sentro ng Lisbon na kumikilos laban sa lumalalang krisis sa pabahay sa bansa. Gumamit ang mga pulis ng batuta para itaboy ang mga demonstrador, madaling araw nitong Linggo, at umabot sa 25 katao ng naaresto rito.
Nahaharap ang Portugal sa isa sa pinakamalalang krisis sa abot-kayang pabahay sa Europa. Mahigit doble na ang presyo ng mga bahay mula noong 2017, habang halos dumoble naman ang upa sa mga bagong kontrata. Kabilang ang mga kabataan sa mga pinakamatinding naaapektuhan nito.
Katulad ng mga protesta sa Portugal ang mga demonstrasyon kamakailan sa Spain dahil sa kakulangan ng mga tirahan at patuloy na pagtaas ng upa. Nagkaroon din ng mga protesta sa ilang lungsod, kabilang ang Paris, kung saan ang maliliit na demonstrasyon ng mga estudyante laban sa mga kondisyon sa paaralan ay lumawak at naging protesta laban sa mga patakarang pang-ekonomiya ng gobyerno.
Sa Portugal, pumasok ang dose-dosenang pulis, na ang ilan ay may kasamang police dogs, sa kampo sa Rossio Square makalipas ang alas-dos ng madaling-araw (0200 GMT). Nauna nang binalaan ng mga awtoridad ang mga nagpoprotesta na aalisin ang kanilang mga tolda kung hindi nila ito kusang aalisin. Nagbabala rin ang mga pulis na kakasuhan ng pagsuway sa mga awtoridad ang sinumang lalaban.
PULISYA, IGINIIT NA NAGING ANGKOP ANG OPERASYON
Nagtayo ang mga nagpoprotesta ng mahigit 100 tolda matapos ang martsa noong Sabado, na dinaluhan ng libo-libong katao sa isa sa mga pangunahing lansangan ng Lisbon.
“May tungkulin tayong ipaglaban ang mga bagay na pinaniniwalaan natin (We have an obligation to fight for what we believe in),” pahayag ni Vitor Gomes, 21-anyos na estudyante ng multimedia communications na lumahok sa martsa. Dagdag niya, nagiging negatibo ang pananaw niya sa kinabukasan dahil sa espekulasyon sa pabahay, konsentrasyon ng yaman sa iilang tao at lumalawak na hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Ayon sa pulisya, naging angkop at naaayon sa sitwasyon ang isinagawang operasyon. Pinalaya rin ang 25 kataong inaresto dahil sa pagsuway sa mga awtoridad. Inaasahang haharap sila sa korte sa Lunes.
MAY MGA PULIS AT MGA DEMONSTRADOR NA NASUGATAN
Binuwag din ang mas maliit na kampo na may humigit-kumulang 50 tolda sa Praca D. Joao I sa Porto, kung saan anim na katao ang inaresto ng mga pulis.
Iniulat ng pulisya na pitong katao, kabilang ang mga pulis at nagpoprotesta, ang nagtamo ng minor injuries sa dalawang operasyon. Gayunman, sinabi ng grupong Casa para Viver (Homes to Live) na 60 katao ang nasugatan. Nanawagan din ang grupo ng panibagong protesta sa harap ng parliyamento sa Martes.
“Ang pagpili sa madaling araw upang pakawalan ang mga aso at gumamit ng mga batuta laban sa mga mapayapang nagpoprotesta ay isang pampulitikang desisyon. Ipinapakita nito na mas nais ng kasalukuyang gobyerno na supilin ang mga tumutuligsa sa krisis sa pabahay kaysa tugunan ang problemang ito (Choosing the early hours of the morning to unleash dogs and baton-charge peaceful protesters is a political decision. It shows this government would rather repress those denouncing the housing crisis than address it)”, pahayag ng grupo.
Ayon sa mga nagpoprotesta, labis na pagtaas ng upa at pagmahal ng pang-araw-araw na gastusin ang nagpapahirap sa mga sambahayan at nagiging dahilan ng lumalaking pagkadismaya ng publiko. Kabilang ang mga kabataan sa mga pinakamatinding tinatamaan ng krisis.
Tinataya ng Bangko Sentral ng Portugal na kulang ng 300,000 bahay ang bansa upang matugunan ang pangangailangan sa pabahay. Katumbas ito ng kabuuang bilang ng mga tirahan sa Lisbon.
Hinimok ng mga nagpoprotesta ang gobyerno na bawiin ang panukalang batas na magpapadali sa pagpapaalis sa mga nangungupahan at mag-aalis sa limitasyon sa upa para sa mga bagong kontrata. Naipasa na ang panukala sa unang pagbasa sa parliyamento, bagama't hindi bumoto pabor o laban dito ang far-right Chega party.

