2 patay, 13 sugatan sa Israeli airstrike sa Gaza
Sari Story
September 15, 2026 at 2:56:59 AM
Paglubog ng araw sa Gaza, na makikita mula sa border ng Israel, nitong Setyembre 1, 2026. Ayon sa mga opisyal sa Gaza, nabigo ang isang operasyong suportado ng Israel na hulihin ang isang Hamas militant sa Gaza matapos matuklasan ang operasyon noong Martes. Upang matulungan ang mga puwersang Israeli na makaatras, nagsagawa ang Israel ng mga airstrike. Dahil dito, may mga Palestinian na nasawi, kabilang ang dalawang bata.
Amir Cohen / Reuters
CAIRO — Dalawang Palestinian ang nasawi at 13 iba pa ang nasugatan sa isang Israeli airstrike na tumama sa isang sasakyan sa Gaza Strip nitong Linggo, ayon sa mga medical worker.
Tumama ang airstrike sa Tel Al-Hawa neighborhood sa kanlurang bahagi ng Gaza City. Base sa mga kuhang video na kumalat sa social media, matinding napinsala ang nasabing sasakyan dahil sa pagsabog. Sabi ng mga lokal na medical worker sa Reuters, hinihikayat nila ang publiko na magbigay ng impormasyon na makatutulong sa pagkakakilanlan ng dalawang nasawi, na nagtamo ng malulubhang pinsala sa katawan dahil sa pagsabog.
Ayon naman sa militar ng Israel, dalawang Hamas militant ang target ng airstrike. Hindi na ito nagbigay ng karagdagang detalye.
Noong Oktubre 2025, sa ilalim ng suporta ng Estados Unidos, ipinatupad ang tigil-putukan sa Gaza para mapahinto ang malawakang labanan. Gayunman, hindi nito tuluyang napigilan ang mga pag-atake ng Israel, at kakaunti pa rin ang naging pag-unlad sa mga hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan.
Inakusahan ng Hamas ang Israel ng paglabag sa tigil-putukan at pagharang sa mga pagsisikap na maisakatuparan ang mas malawak na plano ni U.S. President Donald Trump para wakasan ang labanan sa Gaza. Kabilang sa naturang plano ang pag-alis ng mga puwersang Israeli sa Gaza Strip at pagdisarma sa Hamas.
Iginiit naman ng Israel na ang Hamas ang lumalabag sa kasunduan.
Ayon sa mga health official sa Gaza, umabot na sa mahigit 1,300 Palestinian, karamihan ay mga sibilyan, ang napatay sa Gaza mula nang ipatupad ang tigil-putukan. Samantala, sinabi ng militar ng Israel na apat na sundalong Israeli ang nasawi.
Karaniwang hindi inilalabas ng Hamas ang impormasyon tungkol sa bilang ng mga nasawing mandirigma nito.

