top of page

18 milyong tao sa Pilipinas at iba pang bansa, umaasa sa seagrass para sa pagkain at kabuhayan — ulat

The Conversation sa pamamagitan ng Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 28, 2026 at 2:12:44 AM

Larawan ng isang clownfish

Larawan ng isang clownfish sa ilalim ng dagat.

Davide Clode / Unsplash sa pamamagitan ng Wix

Hindi bababa sa 18 milyong mahihirap na mamamayan sa rehiyon ng Indo-Pacific ang nangingisda sa mga seagrass meadow o malalawak na bahagi ng dagat na natatakpan ng halamang-dagat, habang nasa 6.5 milyon naman ang umaasa rito bilang kanilang tanging lugar ng pangingisda.


Para sa mga komunidad na ito, hindi lamang bahagi ng kalikasan ang mga tirahan sa ilalim ng dagat. Pinagkukunan din ang mga ito ng pagkain at kabuhayan.


Gayunman, nahaharap sa tumitinding banta ang mahahalagang lugar na ito ng pangingisda dahil sa pagpapaunlad ng mga baybaying lugar, pagbabago sa paggamit ng lupa at mahinang kalidad ng tubig. Kapag nasira o nawala ang mga seagrass meadow, maaari ring maapektuhan ang mga isda at iba pang yamang-dagat na naninirahan dito, na posibleng magbanta sa suplay ng pagkain at kita ng mga pamilya.


Sinuri sa pinakabagong pananaliksik ang lawak ng pag-asa ng mga tao sa mga seagrass meadow at ang kaugnayan nito sa kahirapan. Binibigyang-diin ng mga resulta ang pangangailangang isaalang-alang ang kalagayan ng mga taong umaasa sa mga tirahang-dagat na patuloy na nanganganib.


Ang seagrass ay isang uri ng halamang namumulaklak na tumutubo sa mabababaw na bahagi ng dagat malapit sa baybayin. Bumubuo ito ng malalawak na damuhan sa ilalim ng tubig na nagsisilbing tirahan ng mga isda at iba pang yamang-dagat.


Maaaring manghuli ng isda sa mga lugar na ito gamit ang simpleng lambat, bitag at pamingwit. Maaari ring mamulot ng mga kabibe at iba pang lamang-dagat gamit ang kamay. Hindi tulad ng ibang lugar ng pangingisda, madalas na naaabot ang mga seagrass meadow nang hindi nangangailangan ng bangka o mamahaling kagamitan.


Mahalaga ang ganitong kadaling pag-access para sa mga pamilyang kapos sa pera at may limitadong mapagkukunan ng kabuhayan. Gayunman, madalas na nakatuon ang mga programa sa pangangalaga ng seagrass sa pagprotekta sa mga hayop at pag-iimbak ng carbon. Bagama't matagal nang kinikilala ang papel ng mga halamang ito sa pagsuporta sa pangisdaan, limitado pa ang kaalaman tungkol sa bilang ng mga mahihirap na umaasa rito.


Upang pag-aralan ito, sinuri ng mga mananaliksik ang datos mula sa halos 2,000 kabahayan sa mahigit 150 komunidad sa baybayin ng Cambodia, Indonesia, Pilipinas, Sri Lanka at Tanzania.


Tiningnan nila ang kita ng mga kabahayan, mga gawaing pangingisda at mga lugar na pinangingisdaan o pinagmumulan ng iba pang yamang-dagat. Inihambing din nila ang kabuhayan ng mga pamilyang gumagamit ng iba't ibang lugar ng pangingisda, kabilang ang mga nabubuhay sa kahirapan.


Mahigit 80 porsiyento ng mga kabahayang kasama sa pag-aaral ang may kaugnayan sa pangingisda, para man sa pagkita ng pera, pagkuha ng pagkain o pareho.


Samantala, nasa 23 porsiyentong mas mababa ang kinikita ng mga kabahayang umaasa lamang sa pangingisda sa seagrass meadow kumpara sa mga nangingisda sa ibang uri ng tirahan ng yamang-dagat. Lumabas ang pagkakaibang ito kahit isinasaalang-alang ang laki ng bawat pamilya.


Bilang halimbawa, kung kumikita ang isang pamilya ng 7.50 British pounds kada araw, katumbas ng humigit-kumulang 52 pounds kada buwan ang 23-porsiyentong pagkakaiba sa kita. Malaking halaga ito para sa mga pamilyang hirap tustusan ang pagkain, pangangalagang pangkalusugan at edukasyon.


Pinakamatingkad ang pag-asa sa seagrass sa mga pamilyang nasa matinding kahirapan. Halos kalahati sa kanila ang nangingisda sa seagrass at sa iba pang tirahan ng yamang-dagat, habang mahigit isang-kapat naman ang umaasa lamang sa seagrass.


Hindi nangangahulugan ang resulta na ang pangingisda sa seagrass ang sanhi ng kahirapan. Sa halip, maaaring mas mahalaga ang mga madaling marating na lugar ng pangingisda para sa mga taong walang kakayahang bumili ng bangka o espesyal na kagamitan.


Pinagsama rin ng mga mananaliksik ang datos mula sa mga kabahayan at mga pagtataya sa bilang ng mga taong nakatira malapit sa mga seagrass meadow. Sa limang bansang sinuri, tinatayang 10.8 milyon ang mga mahihirap na gumagamit ng seagrass bilang lugar ng pangingisda. Nasa 5.4 milyon naman ang posibleng umaasa rito bilang kanilang tanging lugar ng pangingisda.


Hindi lamang kita ang nakataya sa pagkawala ng mga seagrass meadow. Sa hiwalay na pananaliksik na inilathala sa unang bahagi ng taon, natuklasan na ang mga komunidad ng isda sa seagrass meadow ay maaaring magbigay ng mas malawak na uri ng mahahalagang sustansiya kumpara sa mga isdang naninirahan sa coral reef.


Bagama't mas maraming isda sa kabuuan ang sinusuportahan ng mga coral reef, mas malaki naman ang potensiyal ng mga isda sa seagrass meadow na makapagbigay ng iba't ibang mahahalagang sustansiya nang sabay-sabay.


Kabilang dito ang iron na tumutulong maiwasan ang anemia, zinc na mahalaga sa paglaki ng mga bata at sa kanilang resistensiya, calcium na kailangan para sa malusog na mga buto, at omega-3 fatty acids na sumusuporta sa pag-unlad ng utak.


Para sa mga pamilyang walang kakayahang bumili ng iba't ibang uri ng pagkain, makapagbibigay ang isda ng mahahalagang sustansiya sa isang kainan, kahit ihain lamang ito bilang sabaw. Dahil dito, ang pagkawala ng access sa seagrass meadow ay maaaring mangahulugan hindi lamang ng pagkawala ng kita kundi pati ng mahalagang pinagkukunan ng sustansiya, lalo na para sa mga bata at iba pang mahihinang sektor.


Mahalagang isaalang-alang ang mga panganib na ito dahil nanganganib ang mga seagrass meadow sa iba't ibang panig ng mundo. Batay sa mga pag-aaral, tinatayang 20 porsiyento ng mga seagrass meadow na sinuri sa Indo-Pacific ang nawala sa nakalipas na 70 hanggang 90 taon. Kabilang sa mga pangunahing dahilan ang pagpapaunlad ng mga baybaying lugar at paghina ng kalidad ng tubig.


Sa isa pang pag-aaral sa rehiyon ng Indo-Pacific, naitala ng mga mananaliksik ang 84-porsiyentong pagbaba sa dami ng isda matapos ang malawakang pagkawala ng seagrass.


Para sa mga pamilyang umaasa sa mga tirahang-dagat na ito, nangangahulugan ito ng mas kaunting isdang mahuhuli, mas kaunting oportunidad na kumita at mas kaunting pagkaing maihahain sa kanilang mga pamilya.


Pangangalaga sa seagrass, pangangalaga rin sa mga tao


Gayunman, hindi sapat na basta na lamang higpitan ang pangingisda upang maprotektahan ang mga seagrass meadow. Maaaring mapinsala ang kabuhayan ng mga komunidad kung pagbabawalan silang mangisda sa mga lugar na pinagkukunan nila ng pagkain at kita, lalo na kung wala silang ibang mapagkukunan ng kabuhayan.


Kasabay nito, limitado rin ang kontrol ng mga mangingisda sa iba pang sanhi ng pagkasira ng mga seagrass meadow, gaya ng polusyon mula sa agrikultura at mga proyektong pangkaunlaran sa baybayin.


Dahil dito, kailangang isaalang-alang ng mga plano sa konserbasyon ang kalagayan ng mga seagrass meadow at ang pangangailangan ng mga taong umaasa sa mga ito.


Kung magpapatupad ng mga restriksiyon sa pangingisda, dapat munang suriin ng mga kinauukulan ang posibleng epekto nito sa kita at suplay ng pagkain ng mga lokal na komunidad. Dapat ding tiyakin kung may makatotohanang alternatibong kabuhayan ang mga apektadong pamilya.


Mahalaga ring tugunan ang pinsalang dulot ng polusyon at mga proyektong pangkaunlaran sa baybayin sa halip na ipasa lamang sa mga mangingisda ang responsibilidad sa pangangalaga ng kalikasan.


Sa Pilipinas, tumutulong na ang mga lokal na komunidad ng mangingisda sa pamamahala ng mga marine reserve na nagpoprotekta sa mga seagrass meadow. Sa ilang lugar, pinapayagan pa rin ang pangingisda at pangunguha ng mga kabibe habang nililimitahan ang mga gawaing mas nakapipinsala sa kapaligiran. May mga lugar din na partikular na pinoprotektahan upang makabawi at dumami muli ang yamang-dagat.


Sa Indonesia naman, nagdulot ang ilang taong pagkalbo ng kagubatan ng mas matinding pagguho ng lupa. Dahil dito, inanod ang mga latak at lupa patungo sa mga baybaying tubig, na nagbanta sa mga seagrass meadow.


Bilang tugon, nagtulungan ang mga lokal na pamahalaan, komunidad at organisasyon upang magtanim ng mahigit 4,500 puno sa mga pampang ng ilog. Layunin nitong mabawasan ang dami ng latak na napupunta sa dagat at maprotektahan ang mga lugar ng pangingisda na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga lokal na pamilya.


Hindi man tuluyang malulutas ng pangangalaga sa seagrass ang kahirapan sa mga baybaying komunidad, ipinakikita ng mga natuklasan kung bakit kailangang kilalanin sa mga patakaran sa konserbasyon ang mga taong umaasa sa mga tirahang-dagat na ito.


Ang pagprotekta sa seagrass ay nangangahulugan ding pangangalaga sa yamang-dagat at sa mahalagang pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan ng milyun-milyong tao.


bottom of page