top of page

11 patay sa pamamaril sa house party sa South Africa, posibleng kagagawan ng gang

Sari Story

September 24, 2026 at 4:23:35 AM

Larawan ng forensic vehicle

Isang forensic vehicle ang nakaparada malapit sa lugar kung saan ilang tao ang nasawi at ilang iba pa ang nasugatan, sa township ng KwaMakhutha malapit sa Durban, South Africa, Setyembre 23, 2026.

Reuters

Tatlong armadong lalaki ang nagpaputok sa mga bisita sa isang house party sa isang township sa timog ng lungsod ng Durban, South Africa, noong Martes ng gabi, na ikinamatay ng hindi bababa sa 11 katao at ikinasugat ng tatlo. Ayon sa pulisya, maaaring may kaugnayan sa gang ang insidente.

 

Isang babaeng pinaniniwalaang buntis at 13 lalaki ang kabilang sa mga dumalo sa party sa township ng KwaMakhutha sa lalawigan ng KwaZulu-Natal, sinabi ng pulisya sa isang pahayag sa X nitong Miyerkules.

 

“Sampung biktima, kabilang ang babae, ang namatay sa lugar ng insidente at apat ang dinala sa ospital, kung saan isa sa kanila ang namatay dahil sa mga tama ng bala (Ten victims, including the woman, died at the scene and four were taken to hospital, where one of them succumbed to gunshot injuries),” dagdag ng pulisya.

 

Hindi pa alam ang motibo sa pag-atake, ngunit sinabi ng pulisya na “hindi maaaring isantabi ang alitan sa pagitan ng magkaribal na grupo.” Naglunsad na ang mga awtoridad ng manhunt o malawakang paghahanap sa tatlong suspek.

 

Sinabi rin ng pulisya na ilan sa mga biktima ay nasa radar ng crime intelligence dahil sa pagkakasangkot umano sa mga ilegal na aktibidad, ngunit hindi na ito nagbigay ng karagdagang detalye.

 

Isa ang South Africa sa mga bansang may pinakamataas na murder rate sa mundo, na may average na nasa 60 katao ang napapatay bawat araw.

 

Nananatiling malaking alalahanin ng mga botante ang marahas na krimen bago ang municipal elections na gaganapin sa Nobyembre.

 

bottom of page