‘Di bababa sa 23, patay sa pagbaha sa Thailand; Bangkok airport, nagkagulo
Sari Story
September 30, 2026 at 6:23:59 AM
Umabot na sa 23 ang bilang ng mga nasawi dahil sa malalakas na ulan at pagbaha sa Thailand, ayon sa mga awtoridad nitong Martes. Kasabay nito, unti-unti nang humuhupa ang baha sa kabisera ng Bangkok, kung saan nagkaroon ng kaguluhan sa pangunahing paliparan, habang inaprubahan naman ng gobyerno ang multi-million baht na ayuda para sa mga naapektuhan.
Pumalo sa tinatayang 320 millimeters o 12.6 pulgada ang bumuhos na ulan sa Bangkok sa loob lamang ng tatlong araw noong nakaraang linggo. Halos katumbas ito ng karaniwang dami ng ulan na natatanggap ng malawak at mababang lugar ng lungsod sa buong buwan ng Setyembre.
Ayon kay Bangkok Governor Chadchart Sittipunt, inaasahan niyang huhupa na ang tubig baha sa mga pangunahing kalsada ng lungsod sa loob ng dalawang araw, bagama’t maaaring abutin ng isang linggo bago tuluyang maalis ang baha sa iba pang mga lugar.
“Isinasagawa na ang mga hakbang para sa pagbangon sa mga lugar na humupa na ang tubig (Recovery efforts are under way in areas where the water has gone down),” giit niya.
Sa buong Thailand, hindi bababa sa 23 katao na ang nasawi mula Setyembre 16, kabilang ang apat sa Bangkok, ayon sa Interior Ministry.
NAGPAPATULOY ANG KAGULUHAN SA PALIPARAN
Kabilang ang Bangkok sa 42 probinsyang tinamaan ng baha. Tinatayang aabot sa $367 milyon ang pinsala sa dalawang dosenang probinsya, na nagbabantang makaapekto sa ekonomiyang umaasa nang malaki sa turismo.
Bagama’t patuloy ang operasyon ng mga pangunahing paliparan sa Bangkok, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa Suvarnabhumi Airport, ang pinakamalaking paliparan sa bansa. Ayon sa Thai Airways, napilay ang operasyon nito matapos hindi makapasok sa trabaho ang kalahati ng kanilang mga tauhan dahil sa pagbaha.
Plano ng flag carrier na kanselahin ang humigit-kumulang 30 flight, o 30% ng mga nakatakda nitong biyahe mula Bangkok nitong Martes. Kasabay nito, humaharap din ang airline sa problema sa humigit-kumulang 5,600 bagahe na stranded din sa Suvarnabhumi Airport.
“Halos 100% ng mga flight sa nakalipas na dalawang araw ay na-delay, at wala pang 3% ang nakasunod sa iskedyul dahil hindi napapanatili ang kapasidad ng operasyon (Almost 100% of flights over the past two days were delayed, with fewer than 3% on schedule as operational capacity could not be sustained),” saad ni Thai Airways Chief Executive Chai Eamsiri, na idinagdag na tatagal nang hindi bababa sa tatlong araw ang pagbabawas ng mga flight ng airline mula Bangkok.
Matapos lumipad mula Azerbaijan, desperadong hinahanap ni Emir Demiroez ang kanyang mga bagahe sa paliparan upang makasakay sa susunod niyang flight patungong Malaysia.
“Walang nakakaalam ng kahit ano. Walang makakatulong sa amin. Hindi namin mahanap ang aming mga bagahe (Nobody knows anything. Nobody can help us. We can't find our baggage),” giit niya.
“Mayroon kaming susunod na flight ng alas-2 ng hapon, pero hindi ko alam kung makakasakay kami (We have our second flight at 2 p.m., but I don't know if we'll get it),” dagdag pa niya.
MINISTRO, PINUNA ANG AIRLINE
Bagama’t nakasagabal sa operasyon ang hindi pagpasok ng maraming empleyado, sinabi ng tourism minister ng Thailand na nagtalaga rin ang Thai Airways ng sarili nitong mga empleyado upang magsilbi sa ibang airline na kanilang binibigyan ng contracted ground-handling services. Ginawa umano ito upang maiwasan ang mga penalty charge.
“Nakakasira ito sa imahe ng bansa (This damages the country's image),” sabi ni Tourism Minister Surasak Phancharoenworakul sa mga reporter, habang pinuna ang airline dahil sa naging operasyon nito.
“Kailangan nating pag-usapan kung paano kailangang maging mas maagap ang pamunuan. Kung ayaw nilang gawin ang trabaho, magbitiw sila (We need to discuss how the management needs to work more proactively. If they don’t want to do the job, then resign),” dagdag pa niya.
Hindi agad tumugon ang Thai Airways sa email na humihingi ng komento tungkol sa mga pahayag ni Surasak.
PONDO PARA SA AYUDA AT DRAINAGE PROJECT
Mahalagang bahagi ng ekonomiya ng Thailand ang turismo, ngunit nahuhuli ang paglago ng ekonomiya nito kumpara sa mga karatig-bansa mula nang pandemya. Bumaba ng 3.12% year-on-year ang bilang ng mga foreign tourist arrival mula Enero hanggang Setyembre, sa 21.28 milyon.
Sa pulong nitong Martes, inaprubahan ng gabinete ng Thailand ang paglalabas ng mahigit 4 bilyong baht ($119 milyon) para tugunan ang epekto ng pagbaha, ayon kay Prime Minister Anutin Charnvirakul. Inaprubahan din ang isang pangmatagalang drainage project na nagkakahalaga ng 160 bilyong baht ($4.8 bilyon).
Ayon kay Anutin, aabutin ng walong taon bago matapos ang proyekto, na layong palakasin ang flood protection sa central region, Bangkok, at mga karatig na lugar.
($1 = 33.5800 baht)

