top of page

Sa Gitna ng Magulong Mundo: Ano ang Hinaharap ng Pamamahayag?

Branko Brkic at Tina Brown

October 1, 2026 at 8:02:24 AM

Branko Brkic at Tina Brown

Branko Brkic at Tina Brown

May isang kakaibang bagay sa pamamahayag: lahat ng naghahangad ng kapangyarihan ay nagsasabing patay na ito, pero gusto pa rin nila itong kontrolin.


Inaatake ito ng mga awtoritaryan, tinatangkang bilhin ng mga oligarko, at ginagaya ng mga propagandista. Sinasala naman ng malalaking tech platform ang mga balitang nababasa ng publiko upang palakihin ang kanilang bilyun-bilyong dolyar na negosyo, habang ipinapakitang tila maliit at hindi na mahalaga ang pamamahayag.


Hindi rin nagpapahuli ang mga pamahalaan. Tinatakot, kinakampihan sa mga kaso sa korte, ipinakukulong at minamanmanan ang mga taong nagsisikap na ihatid sa publiko ang mga katotohanan. Isinasara rin ang mga publisher at kanilang mga publikasyon.


Kung talagang wala nang halaga ang pamamahayag at malayang paghahanap ng katotohanan, bakit napakaraming pera, lakas pampulitika at galit ang ginugugol para patahimikin ang mga ito? Mahalagang tanong iyan.


Noon pa man, mas makapangyarihan na ang mayayaman kaysa mahihirap. Inaabuso ng mga pamahalaan ang kanilang kapangyarihan. Bumibili ng impluwensiya ang mga negosyo sa mga institusyon, habang may mga pagkakataong nabibigong protektahan ng mga korte ang mga walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.


Maging ang medya, bilang Fourth Estate, ay patuloy na nagsisikap na balansehin ang tungkulin nito. Hindi kailanman naging perpekto ang pamamahayag, kahit minsan ay nais itong alalahanin ng mga mamamahayag nang ganoon. Pero noon, mas madaling makilala at maunawaan ang sistema.


May pisikal na lugar ang mga sentro ng kapangyarihan. Ang mga pamahalaan ay kumikilos sa loob ng mga kinikilalang hangganan. May mga editor ang mga pahayagan. May mga may-ari ang mga kumpanya. At ang mga batas, kahit sa teorya, ay maaaring ipatupad sa loob ng isang hurisdiksiyon.

Hanggang sa dumating ang Big Tech. Mabilis na nagbago ang balanse ng kapangyarihan, higit pa sa bilis ng pag-aangkop ng mga institusyon. Isang bagong uri ng makapangyarihang uri ang nabuo—may napakalaking yaman at impluwensiya, at ang ilan ay higit pa ang kapangyarihan kaysa sa napakaraming pamahalaan sa mundo.


Sila ang humuhubog sa komunikasyon ng bilyun-bilyong tao. Sila rin ang may malaking impluwensiya sa kung anong impormasyon ang makararating sa publiko at kung alin ang tuluyang mawawala.


Nagtayo sila ng imprastrakturang naging pundasyon ng politika, kalakalan, kultura, kaalaman at halos lahat ng aspeto ng makabagong buhay. Kapag tumigil ang mga sistemang ito, maaaring tumigil din ang malaking bahagi ng modernong mundo.


Kaya hindi na dapat ikagulat ang banggaan ng mga kapangyarihang nakikita natin ngayon. Ang mga lumang sistema at bagong sistema ay nilikha sa magkakaibang panahon at batay sa magkakaibang tuntunin.


Pambihira ang kaguluhan sa kasalukuyang panahon—at tila ang news media ang isa sa pinakamahalagang bagay na nais kontrolin ng iba't ibang makapangyarihang grupo.


Nagsisimula pa lamang ang tunggaliang ito at maaari itong humantong sa malalaking labanan at pagdurusa. At isa sa mga pangunahing larangan ng laban ay ang mismong mundo ng impormasyon.


Nauunawaan ng mga nagsasabing patay o wala nang halaga ang pamamahayag ang isang bagay na minsan ay nakakalimutan mismo ng industriya: ang impormasyon ang isa sa pinakamakapangyarihang teknolohiya na nalikha ng sangkatauhan.


Ang laban para sa kinabukasan ng sangkatauhan ay mabilis na nagiging laban din para sa kung ano ang itinuturing nating realidad.


Kontrolin kung ano ang nalalaman ng mga tao, at maaapektuhan mo ang kanilang paniniwala. Impluwensiyahan ang kanilang paniniwala, at mahuhubog mo kung ano ang kanilang kinatatakutan, kung sino ang kanilang pinagkakatiwalaan, kung paano sila boboto, kung ano ang kanilang bibilhin, kung sino ang kanilang kamumuhian at, sa huli, kung anong uri ng kapangyarihan ang tatanggapin nilang lehitimo.


Kaya dapat maging hudyat para sa mga mamamahayag ang paulit-ulit na pagsasabing patay na ang news media. Panahon na para paghandaan ang isa sa pinakamalalaking laban ng ating panahon. Totoo ang krisis sa pagtitiwala. At hindi lamang pamamahayag ang dahilan nito.


Bagama't tayong mga mamamahayag, editor at publisher ay naging target ng malawak at makapangyarihang pag-atake, kailangan din nating aminin na may bahagi ang sarili nating industriya sa paglikha ng krisis.


Bago pa mapasakamay ng Big Tech ang malaking bahagi ng advertising market, may mga news outlet nang nakalimot sa tunay na layunin ng public service.


Tinuring ang mga mambabasa bilang mga numero at estadistika. Ang pagbabalita ay naging simpleng content. At ang galit ng publiko ay naging modelo ng negosyo.

Ang sarili nating mga pagkakamali ang nagbigay ng pagkakataon sa Big Tech na samantalahin ang sitwasyon.


Nakasalalay ngayon ang ating kinabukasan sa kakayahan nating ipaliwanag sa publiko na ang isang lipunang umaasa sa impormasyon ay nangangailangan ng maaasahang pamamahayag—tulad ng pangangailangan nito sa gumaganang mga korte at paaralan, maaasahang suplay ng kuryente at malinis na tubig.


Mas napapansin ang isang imprastraktura kapag hindi na ito gumagana.

At nagsisimula na nating makita kung ano ang nangyayari kapag pumapalya ang imprastraktura ng impormasyon.


Nanatili ang ilang prinsipyong hindi dapat mawala:

Hindi dapat isantabi ang totoo at beripikadong impormasyong nasa interes ng publiko.


Ang pagiging malaya sa impluwensiya ng pulitika at negosyo ay hindi dapat maging islogan na ginagamit lamang kapag pabor sa atin.


At ang relasyon natin sa mga komunidad na pinaglilingkuran natin ay dapat manatiling pundasyon ng lahat ng ating ginagawa.


Kailangan nating pagbutihin nang husto ang pagpapaliwanag kung paano natin nalalaman ang mga impormasyong ating iniuulat.


Kailangan din nating magkaroon ng lakas ng loob na aminin ang mga pagkakamali, maglahad ng ebidensiya kung maaari, at higit na makinig—lalo na sa mga taong ating pinaglilingkuran.

Ang tiwala ay hindi isang bagay na awtomatikong namamana mula sa mga naunang henerasyon ng mamamahayag.


Kailangang patuloy itong pagtrabahuhan at panibaguhin ng bawat henerasyon.

Hindi kaaway ang teknolohiya.


Hindi lamang magiging kamangmangan ang isipin iyon—magiging pagkukunwari rin, dahil ginagamit natin ang teknolohiya sa bawat oras ng ating makabagong buhay. Dahil sa teknolohiya, naaabot ng pamamahayag ang mga audience na dati ay mahirap nating maabot.


Babaguhin ng AI ang paraan ng pagbabalita, pagsusuri, pagsasalin, imbestigasyon at pamamahagi ng impormasyon sa mga paraang nagsisimula pa lamang nating maunawaan.

Hindi na ang tanong kung huhubugin ng teknolohiya ang pamamahayag. Siyempre, huhubugin nito.


Ang tanong ay kung mananatiling napapanagot ang kapangyarihang nililikha ng teknolohiya—at kung kaya nating mga nasa media na harapin ang hamon na panatilihin itong may sapat na bantay para sa kapakanan ng lahat.


Maaaring kailangan nating baguhin ang paraan ng ating pagtatrabaho, ang anyo ng pamamahayag at kung paano natin naaabot ang publiko.

Pero hindi natin maaaring talikuran ang ating layunin.


Hindi ito tungkol sa pagkakaroon ng news media ng kapangyarihang walang kumukontrol.

Sa kabaligtaran, ang dahilan ng ating pag-iral ay upang matiyak na walang sinuman ang magkakaroon ng kapangyarihang hindi napapanagot.


Darating at lilipas ang mga news platform. Magbabago at mawawala rin ang mga business model.

Pero mananatili kaya ang isang taong may tungkuling alamin kung ano ang totoo at sabihin ito sa lahat—kahit may mga taong ayaw itong marinig?


Iyan ang tanong na nakasalalay ang malaking bahagi ng ating realidad.


Ngayong World News Day, sa gitna ng pangamba tungkol sa kinabukasan ng pamamahayag, marahil ito ang pangakong kailangang muling gawin ng industriya.

Hindi ang pangakong lagi tayong tama.


Hindi rin ang pagsasabing karapat-dapat tayong mabuhay dahil matagal na tayong umiiral.

At hindi rin ang pagsasabing dapat lamang tayong pagkatiwalaan ng publiko.

Mas malaki ang hinihingi sa atin:


Mananatili tayong kasama ng mga komunidad na ating pinaglilingkuran, hindi nakatataas sa kanila. Gagawin natin ang trabaho. Ipapakita natin kung paano natin ito ginawa. At itatama natin ang ating mga pagkakamali kapag tayo ay nagkamali.


At higit sa lahat, sisiguraduhin nating mananatiling bukas ang liwanag ng realidad na ating pinagsasaluhan.


Si Branko Brkic ay founder ng Project Kontinuum. Si Tina Brown ay editor, awtor at founder ng Truth Tellers, ang Sir Harry Evans Global Journalism Summit.


Ang opinion piece na ito ay isinulat bilang bahagi ng World News Day, isang pandaigdigang kampanya na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa paghahatid ng katotohanan at kalinawan.


Dapat panatilihin ng mga muling maglalathala ang paalalang ito at bigyang-kredito ang orihinal na may-akda.


Malaya itong muling ilathala nang buo at isalin sa ibang wika, basta’t tapat sa orihinal ang salin at hindi binabago ang kahulugan o nilalaman nito. Maaari ring gumawa ng maliliit na pagbabago para paikliin ang teksto o iangkop ito sa estilo ng inyong publikasyon, basta’t hindi nababago ang diwa ng orihinal.


Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (worldnewsday.org).


bottom of page