top of page

Sa gitna ng karahasan, persekusyon at banta ng AI, nananatiling matatag ang media

Marcelo Rech

September 25, 2026 at 4:11:32 PM

Marcelo Rech

Marcelo Rech

Sa buong mundo at sa anumang yugto ng kasaysayan, ang pamamahayag ay may kaakibat na malalim na tungkulin—isang uri ng natatanging bokasyon na pinangungunahan ng paniniwalang ang malaya at mapagkakatiwalaang impormasyon ay may kapangyarihang positibong baguhin ang lipunan, o kahit man lamang pabagalin ang unti-unting pagkasira ng sibilisasyon.


Sa Latin America, matagal nang nangangailangan ng matinding pagtitiyaga, at kung minsan ay tapang na halos maituturing na kabayanihan, ang pagharap sa mga banta at pananakot.


Ngayon, kailangang dagdagan pa ito ng matinding katigasan ng paninindigan upang matiyak ang mismong kaligtasan ng pamamahayag bilang isang pangunahing institusyon ng mga demokratikong lipunan.


Palaging nakababahala ang mga tala ng mga organisasyong nagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag kapag umabot na ang mga ito sa usapin ng Latin America. May mga diktadurang kabilang sa pinakamasahol sa anumang talaan ng persekusyon laban sa malayang pamamahayag, gaya ng Cuba at Nicaragua.


Mayroon ding paulit-ulit na pagpaslang sa mga mamamahayag, gaya sa Mexico, kung saan pitong propesyonal sa media ang napatay na ngayong taon hanggang Agosto 15. Nariyan din ang walang tigil na pananakot mula sa mga pamahalaang nasa dulong kanan at kaliwa ng pulitika.


Ang ganitong mga rehimen, na dumami sa rehiyon kasabay ng lumalalang polarisasyon, ay madalas na itinuturing ang pamamahayag bilang kaaway upang subukang patahimikin ang tagapaghatid ng masasamang balita at alisin ang pagsisiyasat sa kanilang mga administrasyon.

Tunay ngang hindi kailanman naging madali ang mundo para sa mga mamamahayag sa Latin America. Ngunit ngayon, tanging matinding katigasan ng paninindigan—na naisasalin sa katatagan sa larangang ito—ang maaaring makapigil sa mapaminsalang alon ng mga pagbabagong dulot ng mga algorithm at sa hindi awtorisadong pagkuha ng nilalamang pamamahayag na masusing nililikha, ngunit ginagamit upang sanayin ang mga modelo ng Artificial Intelligence (AI) nang halos walang pagkilala sa mga pinagmulan nito.


Lahat ay nagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag. Ngunit bukod sa pagiging malaya, kailangan ding maging matatag, malusog sa pananalapi, at may kakayahang mabuhay sa pangmatagalan ang mismong pamamahayag.


Ang unti-unting pagkawasak ng ekosistema ng pamamahayag ay nakikinabang sa mga awtoritaryan na rehimen, tiwaling pamahalaan at mga pulitiko, at sa lahat ng tumitingin sa propesyonal na pamamahayag hindi bilang kaalyado laban sa barbarismo, kundi bilang kaaway na dapat wasakin.


Gayunman, hindi rin makabubuti ang ganitong pagkawasak sa malalaking kompanya ng teknolohiya at sa mga modelo ng AI. Ang beripikado, balanse, at sari-saring impormasyon ay lalong nagiging mahirap makuha sa mundong nalilito dahil sa manipulasyon at mga deepfake.

Dahil dito, dapat itong ituring na isang napakahalagang yaman ng mga bilyonaryong platform ng AI na gumagastos ng napakalaking halaga para sa talento, software, chips, enerhiya, at mga data center, ngunit tumatangging magbigay ng sapat na kabayaran sa mga pinagmumulan ng kanilang pinakamahalagang input: ang wasto at maaasahang impormasyong patuloy na nililikha ng mga newsroom.


Kung mawawala ang propesyonal na pamamahayag, ang malaking bahagi ng datos sa mga platform ng AI ay magiging isang napakalaking kumunoy kung saan mangingibabaw ang mga maling likha ng AI at mga mapanlinlang na impormasyon.


Makikita ang isang sulyap sa magiging anyo ng bagong mundong ito sa nangyari sa Ceuta noong Hulyo. Mahigit 70,000 Moroccan, karamihan ay kabataan, ang nagtungo sa dagat dahil matibay silang naniwala sa isang maling impormasyon na mabilis na kumalat sa mga social network at messaging group. Ayon dito, sapat na raw na makarating sa Ceuta sa pamamagitan ng dagat upang mabuksan sa kanila ang daan patungo sa Europa.


Samantala, ayon sa pinakabagong pag-aaral ng Reuters Institute for the Study of Journalism sa Oxford University, 52% ng mga kabataang edad 18 hanggang 24 ang pangunahing kumukuha ng balita mula sa social media. Ano ang resulta ng ganitong kalakaran? Isang napakaraming taong nalinlang at mahigit 80 bangkay na nakuha mula sa dagat.


Ang naka panghihina na larawang ito ng isang impormasyong impiyerno ay maaaring magsilbing paunang tanaw sa maaaring mangyari kung magpapatuloy ang pagguho ng ekosistema ng pamamahayag. Kung walang mapanuring pamamahayag, magkakaroon ng malayang kamay ang mga tiwali, sumisira sa kapaligiran, lumalabag sa karapatang pantao, mga despotiko, at napakaraming gumagawa ng kasamaan—na kadalasa'y hindi naaabot ng batas—upang kumilos nang walang sagabal.


Kung mawawala ang pagkakaiba-iba ng mga pananaw, mawawalan ang lipunan ng sistema ng pagbabantayan at pagtutuwid na mahalaga sa mga proseso ng pagpapasya sa isang demokrasya, at lalo itong magiging bihag ng ekstremismo at polarisasyon. Kung walang mapagkakatiwalaang pamamahayag, uurong ang ating mga lipunan sa mga panahong matagal nang nilampasan ng sibilisasyon.


Isang pambihirang pelikulang Brazilian, ang I'm Still Here (Ainda Estou Aqui), ang nakatanggap ng dalawang nominasyon sa Oscars noong 2025 at nanalo bilang Best International Feature Film.

Isinasalaysay nito ang moral, etikal, at emosyonal na paglaban ng isang pamilya sa harap ng kawalang-pakundangang ipinakita ng diktadurang militar matapos mawala ang kanilang ama—isang pederal na mambabatas na may katamtamang pananaw sa pulitika, ngunit itinuring pa rin na kaaway na kailangang alisin.


Ganito rin ang pinagdaraanan ng pamamahayag sa Latin America. Nakakaranas ito ng karahasan, pag-uusig, at kawalang-katarungan, at ngayon ay nahaharap sa umiiral na banta ng pagkawasak dulot ng artificial intelligence. Ngunit narito pa rin tayo. At hindi masamang alalahanin ang isang kasabihan mula sa tradisyong pasalita ng Brazil na hinango sa paglaban ng mga katutubo: hangga't may kawayan, may mga palaso.


Ang editoryal na ito ay isinulat bilang bahagi ng kampanyang World News Day, isang pandaigdigang kampanyang nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa pagbibigay ng katotohanan at kalinawan.


Sinuman ang nais maglathala nito ay kinakailangang panatilihin ang talatang nasa itaas at kilalanin ang orihinal na may-akda.


Maaaring muling ilathala nang buo at maaaring isalin nang libre, sa kondisyon na tapat na naipahahayag ng salin ang orihinal at hindi binabago ang kahulugan o nilalaman nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o estilo ng publikasyon, alinsunod pa rin sa parehong kondisyon. Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (https://worldnewsday.org/).


Si Marcelo Rech ay isang mamamahayag at Executive President ng Brazilian Newspaper Association.

bottom of page