Pagbabalik-tanaw sa 9/11 bilang isang lokal na balita
Charles Sennott
September 30, 2026 at 7:22:58 AM

Charles Sennott
Ano kaya ang mangyayari kung ang parehong pag-atake ay naganap ngayon, sa gitna ng krisis sa lokal na pamamahayag? Dalawampu’t limang taon na ang nakalipas, noong umaga ng Setyembre 11, 2001, nag-aayos ako ng mga gamit mula sa isang moving truck sa London.
Katatapos ko lamang sa limang taong pagtatalaga bilang Middle East bureau chief ng The Boston Globe. Ginugol ko ang panUnited States of Americaahong iyon sa gitna ng karahasan ng intifada, lalo na ng sunud-sunod na pambobomba sa mga bus na palapit nang palapit sa aming lugar. Dumating ako sa London upang gampanan ang bago kong tungkulin bilang Europe bureau chief ng The Globe.
Noong nakamamatay na umagang iyon, wala pa kaming oras para mag-set up ng telebisyon, pakete ng mga kable o koneksyon sa internet. Ngunit habang nag-aayos ako ng mga gamit, nakikinig ako sa mapagkakatiwalaan kong Sony World Band Shortwave Radio na umaalingawngaw sa background. Nakikinig ako sa BBC nang pasado alas-1:46 ng hapon, Greenwich Mean Time, nang biglang maputol ang regular na programa ng Radio 4 para sa isang breaking news report.
Katatama pa lamang ng unang eroplano sa North Tower ng World Trade Center. Makalipas ang 17 minuto, tumama naman ang ikalawang hijacked plane. Sa sandaling iyon, nagbago ang mundo. Inatake ang Amerika at malapit na itong makidigma.
Walong taon bago nito, isa akong street reporter sa New York Daily News at nagko-cover ng unang pag-atake sa World Trade Center—isang bigong pagtatangkang pabagsakin ang mga gusali gamit ang truck bomb. Gayunman, nagsilbi ito na paunang plano para sa 9/11. Ang pag-uulat ko sa Daily News ang naging daan para makuha ko ang trabaho na mag-cover sa Middle East para sa The Boston Globe.
Nang lumabas ang balita tungkol sa 9/11, agad kong ginamit ang aking cellphone at sinimulang tawagan ang mga contact ko sa buong Middle East. Kinukumpirma ko ang lalong nagiging malinaw na katotohanan: Isinasagawa na ang mapangahas at apocalyptic na pananaw na inilahad ni Osama bin Laden sa kanyang deklarasyon noong 1998 ng banal na digmaan laban sa Amerika.
Sinimulan kong isulat ang lahat ng nalalaman ko mula sa walong taong pag-uulat bago ang sandaling iyon. Ang lokal na kuwento tungkol sa pambobomba noong 1993 ay naging pandaigdigang kuwento ng pag-atake sa Amerika. Napagtanto ko rin na sa apat na hijacked plane, dalawa ang nanggaling sa aking bayang kinalakhan na Boston. Kaya para sa The Boston Globe, malinaw ding lokal na kuwento ang 9/11. Marami sa mga pasahero ng mga eroplanong iyon ang kilala ko.
Pagsapit ng Setyembre 19, nakarating ako sa Tajikistan. Makalipas ang isang araw, patungo na ako sa Afghanistan, kung saan nasa kapangyarihan pa rin ang Taliban at lantad na kumikilos ang Al Qaeda.
Sumakay kami sa isang lumang cargo plane na pag-aari ng Northern Alliance, isang pangkat ng mga mandirigmang kaalyado ng US sa pagpapatalsik sa Taliban.
Sa sumunod na limang taon, iko-cover ko ang kuwento para sa The Globe. Dalawampu’t limang taon matapos ang 9/11, pinag-iisipan ko ngayon kung paano nagko-cover ang mga organisasyong pangmidya sa Amerika ng mga pandaigdigang balita noon at ngayon.
Masasabing pambihira sa kasalukuyan ang naging commitment ng The Boston Globe sa aming coverage noon. Makatuwiran ding sabihin na kakaunti na lamang ang mga pahayagang kasinglaki ng The Globe na nagbibigay sa kanilang mga mambabasa ng ganito kalalim na coverage sa mga kaganapan sa buong mundo. Patuloy na gumagawa ang The Globe ng ilan sa pinakamahuhusay na investigative report sa Amerika, ngunit wala na itong international desk.
Noong 1993, itinuon ng New York Daily News ang police reporting nito sa mga suspek at sa mga militanteng mosque sa New Jersey at Brooklyn kung saan sila nagmula. Ngunit inatasan ako ni City Editor Bill Boyle na tuklasin kung saan nagmula ang mga suspek sa pambobomba. Dinala ako ng pag-uulat na iyon sa Egypt, Sudan, West Bank at Pakistan upang siyasatin ang pinagmulan ng galit sa umuusbong noon na Islamist movement na kalaunan ay makikilala bilang Al Qaeda.
Ngayon, ang Daily News ay pag-aari ng isang venture capital firm na sinikap kunin ang halos bawat dolyar na maaari nitong makuha mula sa pahayagan. Dahil dito, nananatili itong nakabitin sa bingit, na may mas kakaunting reporter at halos walang sapat na resources para magtalaga ng mga mamamahayag sa mga outer borough—lalo na para sa serye ng malalalim na ulat mula sa Middle East. Ang serye ng Daily News noong 1993 ay pinamagatang “Seeds of Terror”—isang pamagat na tila nakakita na sa maaaring mangyari.
Hindi na gaanong nangyayari ngayon ang ganitong uri ng malalim na pag-uulat. May malalaking organisasyong pangmidya sa Amerika na patuloy na nagsasagawa at gumagastos para sa ambisyosong on-the-ground reporting, kabilang ang New York Times, Washington Post, AP, CNN at NPR. Mayroon ding mga international news organization gaya ng BBC, The Guardian at marami pang iba. Patuloy na nagtutungo ang matatapang na mamamahayag ng mga ito sa mga bansang may digmaan tulad ng Ukraine at Iran.
Ngunit halos wala na ang konsepto ng isang mas lokal na news operation na nagko-cover ng isang pandaigdigang kuwento. Bakit? Kailanman ay hindi naging kasinghalaga sa mga mambabasa ang mapagkakatiwalaang impormasyon. Kailangan natin ng mga mata at tainga sa mismong lugar, ngunit patuloy na nababawasan ang mga reporter na naroroon sa front line upang mag-cover ng malalaking kuwento at humanap ng lokal na anggulong mahalaga sa kanilang mga audience sa sariling lugar.
Bakit ito mahalaga? Naniniwala akong ang paglalapit sa mga mambabasa at manonood sa isang kuwento sa pamamagitan ng mga anggulong direktang tumutugon sa kanilang mga alalahanin ay makatutulong hindi lamang upang maging mas may alam tayo, kundi upang maging mas konektado rin sa mundo.
Kaya ko isinulat ang sanaysay na ito bilang bahagi ng World News Day, na opisyal na ginaganap tuwing Setyembre 28. Mahigit 1,000 newsroom mula sa mahigit 100 bansa ang sama-samang magmamarka nito, at ipinagmamalaki ng GroundTruth na kabilang dito.
Itinakda ang araw na iyon sa ganoong petsa sa isang dahilan: Ang Setyembre 28 ay International Day for Universal Access to Information din ng UNESCO. At hindi ito nagkataon, gaya ng binibigyang-diin ng mga organizer. Naniniwala silang magiging tunay lamang ang ating karapatang malaman ang mga bagay kung may gumagawa ng trabaho upang gawing accessible, nasuri sa katotohanan at tumpak ang impormasyon.
Magiging matagumpay lamang ang misyong ito kung may matatag na lokal na news landscape. Habang lalong nagiging salat ang lokal na pamamahayag sa buong Amerika at sunod-sunod na lumilitaw ang mga news desert, dapat tayong lahat ay mabahala. Ang paghina ng lokal na pamamahayag ay isang pandaigdigang phenomenon na nagpapahina sa mga demokrasya sa buong mundo, pati na rin sa mismong konsepto ng katotohanan.
Marami pa tayong kailangang gawin upang makahanap ng paraan na maibalik ang pagpapahalaga sa katotohanan. Nagsisimula ang gawaing ito malapit sa ating tahanan—sa pagpapanumbalik ng lokal na pamamahayag.
Si Charles Sennott ay isang award-winning correspondent, best-selling author at editor. Itinatag niya ang The GroundTruth Project at ngayon ay nakatuon sa sarili niyang pag-uulat at thought leadership sa pamamagitan ng kanyang GroundTruth newsletter sa Substack.
Ibinabahagi ang artikulong ito bilang paggunita sa World News Day, isang pandaigdigang kampanyang nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa pagbibigay ng mga katotohanan at malinaw na impormasyon.
Ang opinion piece na ito ay kinomisyon bilang bahagi ng World News Day campaign, isang pandaigdigang kampanyang nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa pagbibigay ng mga katotohanan at malinaw na impormasyon.
Dapat panatilihin ng mga muling maglalathala ang talatang nasa itaas at bigyang-kredito ang orihinal na may-akda.
Malayang maaaring muling ilathala nang buo at malayang isalin, basta’t tapat na naipapahayag ng salin ang orihinal at hindi binabago ang kahulugan o nilalaman nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o house style, sa parehong kondisyon. Kung maaari, maglagay ng link patungo sa World News Day (worldnewsday.org).
