Nicaragua: Muling Hinuhubog ang Pamamahayag sa Gitna ng Pagkatapon
Carlos Fernando Chamorro
September 27, 2026 at 10:03:04 AM

Carlos Fernando Chamorro
Noong Hulyo 19, 2026, idineklara ng diktador na si Daniel Ortega na “wala nang halalan sa Nicaragua kailanman (there will never be elections in Nicaragua again).” Nagdulot ito ng pagkondena mula sa international community, bagama’t sa aktuwal na kalagayan, mahigit isang dekada nang nawala ang tunay na demokratikong halalan sa bansa—halalang maaaring pag-agawan ng mga pulitiko ang kapangyarihan.
Noong 2021, halimbawa, muling nakakuha ng termino sina Ortega at ang kaniyang asawang si “co-president” Rosario Murillo nang walang tunay na kompetisyong pampulitika, matapos ipagbawal ang mga partidong pulitikal at ikulong ang lahat ng pitong kandidato ng oposisyon sa pagkapangulo.
Ang bago ngayon ay pormal nang itinatatag ni Ortega ang isang partidong rehimen sa pamamagitan ng pagsasama sa konstitusyon ng pagbabawal sa demokratikong halalan. Ito ang pinakabagong hakbang upang tuluyang isara ang posibilidad ng demokrasya sa bansa at higit pang pagtibayin ang isang totalitaryong diktadurang namamana sa pamilya.
Mula noong 2018, matapos paslangin ng mga pulis at paramilitar ang mga demonstrador sa mga protesta sa buong bansa na nananawagan ng hustisya, demokrasya at malayang halalan, kung saan daan-daang katao ang nasawi, ipinatupad ang isang police state na tuluyang nag-alis sa mga demokratikong kalayaan.
Nang hindi pormal na nagdeklara ng state of emergency, inalis ng diktadura ang kalayaan sa pagtitipon at paggalaw, kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag, gayundin ang kalayaan sa halalan. Libo-libong katao rin ang ikinulong.
Pagkaraan ng 2021, inilunsad nito ang isang matinding kampanya ng pag-uusig laban sa civil society, kabilang ang Simbahang Katolika, at ipinasara ang mahigit 5,500 organisasyon ng civil society. Kabilang dito ang mga pribadong unibersidad, think tank, samahang medikal, organisasyon ng mga negosyante, at maging ang Missionaries of Charity na itinatag ni Mother Teresa of Calcutta.
Batay sa World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders, noong 2026 ay nasa huling puwesto ang Nicaragua sa Latin America at ika-168 sa 180 bansa sa buong mundo pagdating sa kalayaan sa pamamahayag. Samantala, nasa ika-160 ang Cuba, ika-159 ang Venezuela at ika-143 ang El Salvador.
Mahigit 200 mamamahayag, kasama ang buong mga newsroom, ang napilitang permanenteng manirahan sa ibang bansa upang mapanatili ang kanilang kalayaan at maipagpatuloy ang kanilang trabaho sa pamamahayag. Ang magandang balita: sa kabila ng pag-uusig ng pamahalaan sa media, patuloy na nalalampasan ng independent journalism mula sa ibang bansa ang censorship sa Nicaragua.
Sa kabila ng pagharang sa internet at kriminalisasyon ng kalayaan sa pagpapahayag, patuloy na naaabot ng Confidencial at iba pang digital news outlet ng Nicaragua na nag-ooperate mula Costa Rica, United States, Spain at iba pang bansa ang 50 porsiyento ng aming audience sa loob ng Nicaragua.
Gayunman, tatlong malalaking hamon ang kinahaharap ng pamamahayag mula sa ibang bansa: una, ang pagprotekta sa mga source at katuwang sa pamamagitan ng ligtas na mga communication channel; ikalawa, ang pagsasagawa ng masusing verification upang makapaghatid ng maaasahang impormasyon kahit walang mga mamamahayag na nasa mismong lugar; at ikatlo, at hindi rin dapat ipagwalang-bahala, ang pagtitiyak sa financial sustainability ng aming mga newsroom sa gitna ng napakahirap na kalagayan.
Sa nakalipas na limang taon ng aming pamumuhay sa ibang bansa, inimbestigahan ng Confidencial ang dose-dosenang mahahalagang kaso ng katiwalian sa pamahalaan, pagkontrol sa estado, paglabag sa karapatang pantao at pagbuwag sa demokrasya.
Kabilang dito ang mga imbestigasyong pinamagatang “The Ortega-Murillo Family’s Network of Private Businesses Under State Protection,” “The Front Man Behind the Purchase of Disnorte and Dissur,” “Credicoop: The Regime’s Slush Fund,” at “The Dictators’ Grandson’s Parcel Delivery Business.”
Kasama rin ang “The Machinery of Exile, Statelessness, and Crimes Against Humanity” at “The Persecution of the Catholic Church and the Confiscation of 39 Church Properties.”
Iniulat din namin ang walang katapusang “purge” ni Rosario Murillo upang alisin sa puwesto ang mga lider ng “historic Sandinismo” at ikulong ang mga operator na tapat kay Daniel Ortega.
Kabilang din dito ang “Daniel Ortega’s Rings of Power” at “Rosario Murillo’s New Power Operators.”
Ito ang uri ng pamamahayag na ginawang krimen ng diktadura at sinisikap nitong siraan bilang tangkang kudeta, dahil lamang sa pagsasagawa ng diumano’y krimen ng pagbibigay ng impormasyon, pagpapaliwanag, pagsisiyasat at pagsasabi ng katotohanan.
Noong Hulyo ng taong ito, ipinagdiwang namin ang ika-30 anibersaryo ng Confidencial, ang organisasyon ng pamamahayag na itinatag ko noong 1996, sa panahon ng demokratikong transisyon ng Nicaragua. Sa nakalipas na limang taon, hinarap nito mula sa ibang bansa ang isang diktadura.
Sa loob ng tatlong dekada, kinilala ang Confidencial at ang mga mamamahayag nito ng mga pandaigdigang institusyong nagbibigay ng parangal sa larangan ng pamamahayag, na naglalagay sa aming trabaho sa hanay ng mga natatanging pamamahayag sa Latin America. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagkamit—at pagpapanatili—ng tiwala ng aming audience.
Sa panahong wala nang batas o institusyong maaaring magprotekta sa mga mamamahayag ng Confidencial dahil sa pagbagsak ng rule of law, ang tanging proteksiyon namin ay ang kredibilidad ng aming pamamahayag, ang paninindigan ng aming mga reporter sa katotohanan—anuman ang maging kapalit nito—at ang propesyonal na kakayahang patuloy na baguhin at hubugin ang pamamahayag, kahit mula sa ibang bansa.
Para sa Confidencial, ang muling paghubog sa pamamahayag ay hindi lamang usapin ng pagbabago sa anyo. Isa itong estratehiya para sa paglaban at kaligtasan.
Muli naming hinubog ang aming organisasyon matapos salakayin ng mga pulis ang aming newsroom at mapilit kaming tumigil sa pag-ere dahil sa censorship sa telebisyon. Naging ganap kaming digital news outlet at muling nakaugnay sa aming audience na ngayon ay naaabot kami sa pamamagitan ng kanilang mga mobile phone.
Ginawa naming isang transnational newsroom ang trauma ng pagkakatapon. Sa kabila ng pag-uusig sa aming mga mamamahayag at source, patuloy kaming nagbabalita tungkol sa Nicaragua at nilalampasan ang censorship at mga digital blockade.
Dahil sa aming audience, mga source at mamamahayag, patuloy naming nilalabanan ang censorship sa ilalim ng isang diktadura. Hangga’t patuloy kaming gumagawa ng mas marami at mas mahusay na pamamahayag, mananatiling buhay ang ningas ng kalayaan sa pamamahayag—ang una at huli sa lahat ng kalayaan.
Si Carlos Fernando Chamorro ay isang mamamahayag na Nicaraguan, tumanggap ng Golden Pen of Freedom noong 2024 at direktor ng Confidencial.
Ang opinion piece na ito ay isinulat bilang bahagi ng World News Day campaign, isang pandaigdigang kampanya na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pamamahayag sa paghahatid ng mga katotohanan at malinaw na impormasyon.
Ang mga muling maglalathala ay kinakailangang panatilihin ang talatang nasa itaas at kilalanin ang orihinal na may-akda.
Malayang maaaring muling ilathala nang buo at isalin, basta’t tapat na naipapakita ng salin ang orihinal na nilalaman at hindi binabago ang kahulugan o diwa nito. Pinahihintulutan ang maliliit na pagbabago para sa haba o pagsunod sa estilo ng publikasyon, sa kondisyon ding hindi mababago ang kahulugan o diwa ng orihinal. Kung maaari, mangyaring maglagay ng link pabalik sa World News Day (worldnewsday.org).
